2019
Pagpapakasal, Pera, at Pananampalataya
Mayo 2019


Pagpapakasal, Pera, at Pananampalataya

Nakatira ang awtor sa Ashanti Region, Ghana.

Kaunti lang ang oras namin ng kasintahan ko bago ang aming kasal, at mas kaunti ang pera, subalit mayroon kaming isang bagay na higit na mas mahalaga: pananampalataya.

Sunday and Priscilla on their wedding day

Dumalo ako sa young single adult summit sa Kumasi, Ghana, hindi dahil kailangan ko ng nobya—ikakasal na ako—subalit nadama ko na kailangan ko ng mas maraming motibasyon at na ang summit ang tamang lugar para mahanap iyon. Sa katunayan, nasagot ang aking panalangin sa summit matapos magsalita ni Sister Call, isang senior missionary na nakatalagang tumulong sa mga young single adult, tungkol sa kahalagahan ng pagpapakasal sa templo.

Noong malapit nang matapos ang diskusyon, tila nagbago ang liwanag sa kanyang itsura at sinabi niya, “Hindi ninyo kailangan ng pera para magpakasal—ang kailangan lang ninyo ay pananampalataya.” Nadama ko na ako mismo ang kinakausap niya, subalit hindi ko naisip na naaangkop talaga iyon sa akin dahil marami kaming dapat bilhin bilang paghahanda sa aming kasal. Sinabi ko sa aking sarili, “Paanong hindi ko kailangan ng pera subalit pananampalataya lang?”

Paulit-ulit ko itong inisip nang buong linggo. Sa proseso ay tinanong ko ang aking sarili, “Limitado ba ang magagawa ng Diyos?” Noong una, naisip ko na hindi, subalit sa pagdadalawang-isip ay naisip ko na oo. Subalit dumating ang kasunod na tanong, “Paano Siya magiging limitado kung Siya ang pinakamakapangyarihan?” Itinuro sa akin ng Espiritu ang sagot: Nakabatay ang mga pagpapala ng Diyos sa ating pagsunod sa Kanya. Hindi Siya limitado sa Kanyang kakayahang basbasan tayo, subalit kailangan nating anyayahan ang mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng paggawa nang may pananampalataya sa kung ano ang ipagagawa Niya sa atin.

Kalaunan, tinawagan ko ang aking kasintahang si Priscilla upang pag-usapan ang aming binabalak na mga plano sa pagpapakasal. Sa kabila ng aming kakulangan sa pera, nagpasiya kaming pumili ng petsa para sa aming kasal, subalit hindi kami makapagpasiya sa isang partikular na petsa. Nagkasundo kami na dapat niyang itanong sa kanyang bishop ang mga petsa kung kailan bakante ang mga kalendaryo ng ward at stake. Mula sa dalawang petsang inalok niya, pinili namin ang Setyembre 27, 2014—na ang ibig sabihin ay mayroon kaming halos pitong linggo na lang hanggang sa araw ng aming kasal!

Tinanong ni Priscilla, “Obim [na ang ibig sabihin ay “irog ko” sa wikang Igbo], may pera ka ba? Kaunti na lang ang panahon.”

Tugon ko, “Wala, subalit may kaunting pananampalataya ako.”

Tumawa siya at sinabi, “Okey lang iyon. Mag-ayuno at manalangin tayo.” Binabanggit ang 1 Nephi 3:7, nagpatuloy siya, “Ang Panginoon ay magbibigay ng daan para sa atin dahil iniutos Niya sa atin na magpakasal.”

Sa loob ng linggong iyon ay binayaran ako para sa isang trabaho na aking ginawa ilang buwan na ang nakararaan. Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Priscilla na nais niyang magsimula ng negosyo upang kumita ng dagdag na salapi. Gamit ang perang kinita ko, bumili siya ng mga gamit nang handbag ng kababaihan at ipinagbili muli ang mga ito. Matapos bilhin ang ilan sa mga kinakailangang bagay sa kanyang listahan, mayroon pa rin siyang higit pa sa dobleng halaga ng perang ibinigay ko sa kanya.

Noong panahong ito, walang trabaho na dumarating sa akin. Bawat ipinangakong trabaho ay hindi natuloy. Mayroon na lang kaming natitirang dalawang linggo at may mga bagay pa rin na kailangan naming bilhin. Iminungkahi ng kasintahan ko na iusod ang petsa. Ang sinabi ko lang, “May parating na himala.”

Dalawang araw na lang bago ang aming kasal, nangyari ang himala: Binayaran ako para sa isang trabahong nagawa ko dalawang linggo na ang nakararaan. Natututuhan ko rin na gamit ang pananampalataya at sipag, babasbasan tayo ng Panginoon upang matupad ang ating mabubuting mithiin.

Pumunta kami sa bangko upang papalitan ng pera ang tseke at mula roon ay tumungo kami sa palengke para bilhin ang natitira pa sa kung ano ang kailangan sa kabila ng matinding ulan, na nakita namin bilang pagsang-ayon ng langit sa aming ginawa nang may pananampalataya.

Wala pang 24 oras ang lumipas, ikinasal kami. Nang magpalitan kami ng mga panata, ang pakiramdam ay walang katulad sa anumang bagay na nadama ko sa aking buhay. Nadama ko na lubos akong nagtagumpay na naniwala akong magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pananampalataya mula sa oras na iyon. Kalaunan ay nabuklod kami sa Accra Ghana Temple.

Bagama’t maaaring kailanganin ninyo ng pera upang maghanda para sa pagpapakasal, ang pinakamahalagang bagay na kailangan ninyo ay pananampalataya.