Ang 7 Katanungang Ito ay Magliligtas sa Pagsasama Ninyong Mag-asawa (Bago pa man Ito Magsimula)
“Nagmamahalan kami, kaya bagay na bagay kami!” Maaaring hindi mo naririnig na sinasabi ito nang malakas ng maraming tao—ngunit iniisip ito ng maraming tao, kahit hindi nila ito namamalayan.
Kapag ikaw ay nasa isang relasyon na maaaring humantong sa pag-aasawa, madaling ipalagay (o pikit-matang umasa!) na ang inyong mga pamantayan at layunin ay magsasanib nang maayos upang lumikha ng isang masayang pamilya. Ngunit kung minsan ay hindi iyon gayon kasimple. Makikinabang ka mula sa isang masinsinang sesyon ng tanungan at sagutan sa iyong sarili, sa iyong kasintahan, o sa bagong napangasawa mo, tungkol sa tunay na naisin ninyo at sa mithiin ninyo para sa inyong magiging pamilya.
Para sa ikakasal (o kamakailan lang ikinasal): Sagutin ninyo ng iyong kabiyak ang mga tanong sa ibaba para tuklasin kung magkatulad ang inyong pananaw at talakayin kung paano kayo mas magkakaisa sa inyong mga layunin.
Kung hindi ka pa totoong seryoso ngayon sa sinuman para gawin ninyo ito nang magkasama, huwag mag-alala; ang mga tanong ay angkop pa rin sa iyo! Sa pagbuo ng sarili mong mithiin ngayon, mas madali mong matatanto kung ang iyong mga plano ay nababagay sa isang potensyal na asawa sa hinaharap.
Isipin at talakayin ang sumusunod na mga tanong:
-
Ano ang ating pangkalahatang mithiin para sa buhay-pamilya at sa ating walang-hanggang pamilya? Ano ang pinakamahalaga sa bawat isa sa atin?
-
Anong mga layunin ang maaari nating itakda na makakatulong sa atin na makamit ang mithiing ito?
-
Mayroon bang anumang pagkakasalungat sa pagitan ng dalawang mithiin natin para sa buhay-pamilya? Bakit may ganito? Mayroon bang sinuman sa atin na handang magparaya?
-
Paano natin susuportahan ang isa’t isa sa ating pag-aaral, pagtatrabaho, at buhay-pamilya?
-
Paano tayo magtutulungan at/o maghahati sa gawaing-bahay?
-
Ano ang mga bagay na handa nating isakripisyo para sa ating pamilya?
-
Paano natin magagampanan ang iba’t ibang tungkulin sa pamilya, ngunit manatili pa ring pantay sa pananagutan?
Hindi kailangang magkatugmang-magkatugma ang iyong mithiin sa mithiin ng iyong kabiyak, ngunit maglaan ng oras na pag-usapan ang mga pagkakaiba na inyong nakikita. Sa pagtutulungan tungo sa pinagsamang mithiin, mas magkakaisa kayo sa inyong relasyon.