Kapag ang Masama ay Mukhang Mabuti at ang Mabuti ay Mukhang Masama
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “A Banquet of Consequences: The Cumulative Result of All Choices,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 7, 2017. Para sa buong mensahe sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Lubhang kinakalaban at pinagmumukhang masama ng kaaway ang mga pagpapalang hatid ng pamumuhay ayon sa plano ng Ama.
Ang isa sa mga pinakatusong ginagawa ng kaaway para sirain ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay ang kanyang nakapanlilinlang na turo na walang masamang impluwensya o diyablo (tingnan sa 2 Nephi 28:22) at ang pagtatangka niyang pagmukhaing mabuti ang masama at masama ang mabuti, liwanag ang kadiliman at kadiliman ang liwanag, at matamis ang mapait at mapait ang matamis! (tingnan sa 2 Nephi 15:20).
Ito ay tinatawag kung minsan na paradigm shift o pagbabago ng pananaw—“kapag ang karaniwang paraan ng pag-iisip o paggawa ng isang bagay ay pinalitan ng bago at ibang paraan,”1 sa gayo’y nagpapakita na ang mga bagay-bagay ay kabaligtaran mismo ng kung ano talaga ang mga ito. Sa kanyang nobelang The Screwtape Letters, sumulat si C. S. Lewis mula sa pananaw ng isang nakatatandang diyablo. Binaligtad ni Lewis ang tradisyonal na mga pinahahalagahan gamit ang kabalintunaan at satiriko para pagmukhaing mabuti ang masama at masama ang mabuti.2
Sa gayon ding paraan, ilang buwan pa lamang ang nakararaan, nagkaroon ako ng nakakapukaw na pakikipag-usap sa isang eksperto sa advertising na kilala sa buong mundo. Pinag-usapan namin ang impluwensya ng kasamaan at mga resulta ng mga maling pagpili.
Nakaisip siya ng isang kunwa-kunwariang salaysay tungkol sa pakikipag-usap ni Lucifer sa isang advertising agency. Ipinaliwanag ng kaaway ang kanyang problema: sila ng kanyang mga kaanib ay nagrebelde at tinanggihan ang plano ng Ama at naunawaan nila na hindi nila kayang manaig laban sa Diyos. Naunawaan ni Lucifer na samantalang ang plano ng Ama ay tungkol sa kagalakan at kaligayahan, ang kanyang sariling plano ay nauwi sa kalungkutan at paghihirap. Ang problema, paliwanag ni Lucifer sa adexecutive, ay kung paano mang-aakit ng mga kaanib.
Natukoy nila na ang tanging pag-asa niya para magtagumpay ay magbago ng pananaw o baligtarin ang mga pinahahalagahan—sa madaling salita, ipakita na ang plano ng Ama ay nauuwi sa kalungkutan at paghihirap at ang plano naman ni Lucifer ay nauuwi sa kagalakan at kaligayahan.
Ang kunwa-kunwariang pagpupulong na ito ay may kapaki-pakinabang na layunin. Ang totoo, hindi lamang tinatangkang pasamain ng mga kumakalaban sa plano ng Ama ang mga doktrina at alituntunin ng planong ito, tinatangka rin nilang pagmukhaing masama ang mga pagpapalang hatid ng planong iyon. Ang pangunahing pinagsisikapan nilang gawin ay pagmukhaing kaaba-aba ang mabuti, matwid, at masaya.
Tatalakayin ko ang ilan sa mga ginagawa ng kaaway para pagmukhaing masama at pasamain ang mga pagpapalang hatid ng pamumuhay ayon sa plano ng Ama.
Word of Wisdom
Sa buong buhay ko, nakita ko na ang buhay ng marami sa mga kaibigan ko na sinira at kung minsan ay winasak ng alak. Ang pag-inom ng alak ay hindi lamang tungkol sa doktrina ng Simbahan; tungkol din ito sa kalusugan at kaligayahan ng lahat. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring maging kinatawan ng kabutihan sa pagtuturo sa lipunan tungkol sa mga resulta ng isyung ito.
Sa plano ng Ama, ang Word of Wisdom—na ibinigay dahil sa “masasama at mga pakana … ng mga nagsasabwatang tao”—ay naglalaan ng mga alituntunin ng kalusugan. Ito ay “iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng banal.” Nagtatakda ito ng mga detalye, kabilang na ang pagsasabi na ang “alak o matapang na inumin … ay hindi mabuti.” Ang tabako at maiinit na inumin (tsaa at kape) “ay hindi para sa katawan” (D at T 89:4, 3, 5, 8–9).
Itinataguyod din ng paghahayag na ito ang mabubuting kaugalian sa kalusugan na may kaakibat na pangako. Ipinapangako nito na ang mga sumusunod sa kautusang ito ng Diyos ay “tatanggap ng kalusugan … at makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman” (D at T 89:18–19).3
Ang pagbabaluktot na ginagamit ng kaaway ay malinaw na inilarawan sa kanyang pagtangkilik sa tabako at alak.
Maging ang kunwa-kunwariang advertising agency ay mahihirapang pagmukhaing maganda ang tabako ngayon. Natanggap ni Propetang Joseph Smith (1805–44) ang Word of Wisdom sa pamamagitan ng paghahayag noong 1833. Noong 1921, si Pangulong Heber J. Grant (1856–1945), na binigyang-inspirasyon ng Panginoon, ay nananawagan sa lahat ng Banal na mas lubos na ipamuhay ang Word of Wisdom.4 Noon, ang pagbebenta sa masa at pang-aakit sa mga pelikula ay pinagmukhang sunod sa uso, sopistikado, at nakakatuwa ang paninigarilyo. Noong lamang 1964, makalipas ang 43 taon, idineklara ng Surgeon General ng Estados Unidos na, “Ang paninigarilyo ay isang matinding panganib sa kalusugan sa Estados Unidos kaya kailangan itong mabigyan ng angkop na solusyon.”5
Ang estadistika ngayon tungkol sa paninigarilyo ay hindi maikakaila. Ang mga naninigarilyo ay mas malamang na magkaroon ng sakit sa puso, stroke, at kanser sa baga kaysa mga hindi naninigarilyo. Ang paninigarilyo ay tinatayang pinatataas nang 25 beses ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa baga.6
Kaya ang ipinakita ng kaaway na uso, sopistikado, at nakakatuwa sa katunayan ay humantong na sa pagdurusa at maagang pagkamatay ng milyun-milyong tao.
Ang alak ay isa pang halimbawa. Sa loob ng maraming taon sinubaybayan ko ang isang proyekto sa pagsasaliksik na nagsimula noong 1940s. Noong una, panaka-nakang pinag-aralan ang buong buhay ng 268 kalalakihang nag-aaral sa Harvard University. Kalaunan, ang iba pa, pati na ang mga babae, ay naging bahagi ng pag-aaral. Ang mithiin ng orihinal na pag-aaral ay upang alamin ang tungkol sa tagumpay at kaligayahan.
Ang pag-aaral na ito ay may tatlong mahahalagang kabatiran. Una, ang kaligayahan ng matatanda ay may malaking kaugnayan sa kaligayahan sa pamilya habang bata pa, lalo na sa pagmamahal at pagsuyo ng mga magulang.7 Ang pangalawa ay ang kahalagahan ng isang malusog at matatag na pagsasama ng mag-asawa sa habambuhay na kaligayahan.8 Ang pangatlo ay ang negatibong epekto ng alak sa tagumpay at kaligayahan sa pagsasama ng mag-asawa at sa buhay. Ang pagkalulong sa alak ay nakakaapekto sa isa sa bawat tatlong pamilya sa Estados Unidos at sa isa sa bawat apat na naoospital. Malaki ang ginagampanan nito sa pagkamatay, masamang kalusugan, at kawalan ng nararating ng mga tao.9
Kamakailan, iniulat sa isang artikulo sa unang pahina ng Washington Post batay sa U.S. federal health data na “ang kababaihan sa Amerika ay mas marami at mas madalas uminom ng alak kaysa kanilang ina o lola, at ang pag-inom ng alak ay kumikitil sa mas maraming buhay.” Nagtapos ang artikulo sa pagsasabing,“ang kasalukuyan at ang umuusbong na siyensya ay hindi sumusuporta sa pinaniniwalaang mga pakinabang ng paminsan-minsang pag-inom ng alak” at na “ang panganib na mamatay sa kanser ay mukhang tumitindi sa pag-inom ng alak, gaano man ito karami.”10
Sa nakaraang ilang taon, maraming unibersidad sa buong mundo ang nagsusumikap na pabawasan ang pag-inom ng alak dahil sa kaugnayan nito sa masasamang gawain laban sa lipunan, kabilang na ang seksuwal na pang-aabuso at mga seryosong banta sa kalusugan, lalo na dahil sa sobra-sobrang pag-inom ng alak. Ang napakasamang epekto ng alak sa utak ng mga kabataan ay napatunayan na ng medisina.11
Sa pagtalakay sa pangunahing problema sa kalusugan, hindi ko sinubukang banggitin ang iba pang delikadong ibinubunga ng pag-inom ng alak tulad ng aksidente habang nagmamaneho nang nakainom, kalalakihang binibigyang-katwiran ang pisikal at seksuwal na pag-aabuso dahil sa pagkalango sa alak, at mga epekto sa utak ng mga sanggol dahil sa pag-inom ng alak ng kababaihan habang nagdadalantao.12
Tila baga hindi pa sapat ang kasamaang dulot ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, at di-tamang paggamit ng mga gamot13 sa ating lipunan, nakikita natin ngayon ang mga puwersa ng kasamaan na nagtutulak na gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang libangan.
Mga Pagpili ng Pamilya
Gayon din ang pattern na sinusunod ng mga pamilya sa kanilang mga pagpili. Sa plano ng Ama, ang tungkulin ng mga pamilya ay malinaw na itinakda.
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” mababasa natin: “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal. Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”14
Karaniwan na sa mundo ngayon, sa isa pang pagbabago ng pananaw, na pagmukhaing positibo ang mga pagpiling salungat sa planong ito at hindi nakakabuti sa pag-aasawa at pagpapamilya:
• Ang pagpili kapwa ng kababaihan at ng kalalakihan na unahin ang pag-aaral at trabaho kaysa pag-aasawa at pagpapamilya.
• Ang pagpiling sadyang hindi magkaanak o kaunti lamang ang maging anak15 o wakasan ang pagdadalantao kapag ito ay nakakasagabal.
• Ang pagpiling gumawa ng imoral na gawain bilang kapalit ng sagradong institusyon ng kasal.
Inatake na ng kaaway ang kababaihan at pinagmukhang walang halaga at nakababagot ang pagiging ina. Inatake na ng kaaway ang kalalakihan sa pagsasabing hindi mahalaga ang pagiging ama at ang pagiging tapat sa asawa ay “makaluma na.” Ang pagpiling mapag-isa at ituring ang ibang tao bilang isang bagay na nililikha ng pornograpiya ay isang halimbawa ng imoral na gawain na ipinapalit sa sagradong institusyon ng kasal. Binibigyang-diin nito ang nakakatakot na hangarin ng kaaway na patalikurin ang mga tao sa katotohanan at kabutihan.
Ang di-angkop na mga alternatibong pagpili ay pinagmumukhang angkop sa pagtulong na makamtan ang mga makamundong mithiin na maging malaya at pantay-pantay. Dahil sa ganitong mga pagpili, ang karaniwang dami ng ipinanganganak ng isang babae sa buong buhay niya ay kapansin-pansing bumababa. Tinatayang 46 na porsiyento ng mga tao sa mundo ang nakatira sa mga bansa kung saan ang karaniwang bilang ng mga sanggol na isinisilang ay wala pang 2.1—ang bilang na kailangan para manatiling matatag ang populasyon. Karamihan sa mga bansa sa Europe at Asia ay mas mababa pa rito. Ang mga sanggol na isinisilang sa Italy at Japan ay parehong nasa 1.3. Inaasahang bababa sa 100 milyon ang populasyon ng Japan mula sa 120 milyon pagsapit ng taong 2050.16
Ang pagbaba ng populasyon sa buong mundo ay inilarawan bilang isang “demographic winter [negatibong antas ng paglago ng populasyon].”17 Maraming bansa ang walang sapat na mga batang papalit sa henerasyon na malapit nang mamatay.
Ibabahagi ko sa inyo ang isa pang bagay na ikinababahala ko. May nakalulungkot na karanasan ako sa Jerusalem noong 2016 sa Children’s Memorial, na bahagi ng World Holocaust Remembrance Center. Kami ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, kasama ang dalawang pinunong Amerikanong Judio, ay nag-alay ng remembrance wreath. Pinaniniwalaan na mahigit isang milyong batang Judio ang pinatay noong Holocaust.18
Nang libutin ko ang museum, nabagbag ang kalooban ko. Habang nakatayo ako sa labas para bumalik ang aking kahinahunan, pinagnilayan ko ang nakasisindak na karanasan at bigla kong natanto na sa Estados Unidos pa lang, ang mga sanggol na ipinalalaglag kada dalawang taon ay kasindami ng pinatay na mga batang Judio sa Holocaust noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.19
Pinatay ang mga batang Judio dahil sila ay mga Judio, at wala itong kalintulad sa buong kasaysayan, ngunit ang sidhi ng damdamin ko ay tungkol sa pagkawala ng mga bata. Ang pagsilang ng mga bata rito sa mundo ay sagradong bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Labis tayong walang pakiramdam at natatakot sa dami ng nagpapalaglag kaya sinusubukan ng marami sa atin na iwaksi ito at kalimutan na lang. Malinaw na inaatake ng kaaway ang halaga ng mga bata sa maraming paraan.
Ang isyu tungkol sa pagpapalaglag ay kailangang harapin nang buong ingat. Ito ang problema na malamang ay hindi malulutas sa paghatol sa sarili o sa mapanghusgang pagpaparatang. Ang ilan ay nagbabala na huwag husgahan ang isang barko—o ang kalalakihan o kababaihan—nang hindi nauunawaan ang haba ng biyahe at ang mga unos na pinagdaanan nito.20 Idaragdag ko rin, marami sa mga gumagawa ng napakasamang gawaing ito ang walang patotoo tungkol sa Tagapagligtas o kaalaman tungkol sa plano ng Ama.
Gayunpaman, para sa mga naniniwala na mananagot tayo sa Diyos—at kahit para sa mga taong hindi natin kasapi—napakalala na nito. Kapag isinama ninyo ito sa demographic winter na katatalakay lang natin, malaking problema ito sa moralidad ng ating lipunan.
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang dakilang kaligayahan sa pagsasama ng mag-asawa ay lubhang nakabatay sa isang pangunahing bagay—ang pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak. … Hindi maaaring payagan ni pahintulutan ng Simbahan … ang mga gawaing … lubos na naglilimita sa laki ng pamilya.”21
Tungkol naman sa bilang at agwat ng mga anak, kailangang isaalang-alang dito ang kalusugan ng ina, at desisyunan ito ng mga mag-asawa nang may panalangin.22 Ang gayong mga desisyon ay hindi dapat husgahan ng mga hindi kasapi ng Simbahan. Ang ilang matatapat na Banal ay hindi nagkakaanak o maaaring walang pagkakataong makapag-asawa. Tatanggapin nila ang bawat pagpapala sa pinakamalaking piging ng mga resulta ng mga pagpili.23
Gayunpaman, sinuportahan na ni Lucifer ang pagpapalaglag at sa isang nakakatakot na pagbabago ng pananaw ay nakumbinsi niya ang maraming tao na ang pag-aanak ay hadlang sa mga oportunidad at hahantong sa pagdurusa sa halip na sa kagalakan at kaligayahan.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, dapat tayong manguna sa pagtulong na mabago ang puso at isipan ng mga tao tungkol sa kahalagahan ng mga anak. Ang mga pag-atake sa pamilya na kapapaliwanag ko ay hahantong sa kalungkutan at pagdurusa sa huli.
Ipinahayag na ng Panginoon na ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang plano ay itinatag sa pamamagitan ng mga pamilya. Bawat miyembro ng pamilya ay mahalaga, at ang mga tungkuling kanilang ginagampanan ay maganda, maluwalhati, at nakalulugod.
Napakalinaw sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ang mga resulta ng mga pagpiling hindi naaayon sa plano ng Ama. Maliwanag nitong ipinapahayag na, “Kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”24
Malinaw nitong ipinaliwag kung ano ang magiging kalagayan sa piging ng mga resulta ng mga pagpili at ang pinagsama-samang epekto ng mga pagpiling hindi ayon sa plano ng kaligayahan ng Ama.
Sa lahat ng pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak, may mga hamon at sakripisyong kailangang gawin. Ngunit ang mga gantimpala kapwa sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan ay talagang kamangha-mangha. Nagmumula ang mga ito sa isang mapagmahal na Ama sa Langit.
Pag-unlad sa Lupain
Ang isang pamilyar na talatang matatagpuan sa buong Aklat ni Mormon ay may dalawang bahagi. Sabi rito, “Habang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos ikaw ay uunlad sa lupain.” Nakasaad naman sa pangalawang bahagi, “Habang hindi mo sinusunod ang mga kautusan ng Diyos ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan” (tingnan, halimbawa, sa Alma 36:30). Malinaw na ang pagpapalang makasama ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagsunod ay isang pangunahing bahagi ng pag-unlad sa lupain.
Dagdag pa rito, itinatakda ng mga sagradong turo ng Simbahan na pagkakaroon ng sapat para sa ating mga pangangailangan ang pinakamagandang sukatan ng ating pag-unlad sa temporal. Ang pagbabago ng pananaw ni Lucifer dito ay ang patindihin ang paghahangad sa malaking kayamanan at magkaroon ng kapansin-pansing maluluhong produkto. Ang ibang tao ay tila nahuhumaling sa paghahangad na tularan ang buhay ng mayayaman at mga sikat na tao. Ang pagkakaroon ng sobra-sobrang kayamanan ay hindi ipinangako sa matatapat ng miyembro, ni hindi rin ito kadalasang nagdudulot ng kaligayahan.
Bilang isang lahi, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay ngang umunlad. Ang matatalinong tuntunin sa pananalapi ay kinabibilangan ng:
• Paghahanap muna sa kaharian ng Diyos.
• Pagtatrabaho, pagpaplano, at paggastos nang buong talino.
• Pagpaplano para sa hinaharap.
• Paggamit ng kayamanan upang maitatag ang kaharian ng Diyos.
Ang Layunin ni Lucifer
Maliban sa paglalarawan sa mga pagpapala bilang pagdurusa, gustong pasamain ni Lucifer ang plano ng Ama at hangad niyang sirain ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Mas malinaw ngayon ang pag-atake sa Biblia at sa kabanalan ni Jesucristo sa panahon ko nang higit kailanman. Tulad ng ipinropesiya sa mga banal na kasulatan, maraming ginagamit si Lucifer para maisakatuparan ang layunin niyang ito.
Isang bagay ang malinlang ng kaaway. Ibang bagay ang maging isa sa kanyang mga bayarang kampon. Sabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakapanlulumo na maraming tao ang nagpapabayad para itaguyod ang layunin ng kaaway … at sila ay pumapayag na gawin ito sa napakaliit na halaga. Isang munting katayuan, kaunting pera, kaunting papuri, dagliang katanyagan, at handa silang tanggapin ang ipinagagawa niya na makapaghahandog ng lahat ng uri ng panandaliang ‘pabuya,’ ngunit walang halaga sa kahariang selestiyal.”25
Marahil ay wala nang mas magandang halimbawa ng epekto ng mga bayarang kampon kaysa sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at sa malaki at maluwang na gusali sa Aklat ni Mormon. Nakaturo ang mga daliri ng mga nasa gusali sa mga nakakapit sa gabay na bakal at nakatikim pa ng bunga ng punungkahoy. Ang mga nakatikim ng bunga ay “nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala” (1 Nephi 8:27–28).
Kaya nga, ang masasamang pagpili ay hahantong sa isang piging na puno ng mapapait, malulupit, masasama, at malulungkot na resulta.
Ihambing ito sa maluwalhating piging ng mga resulta ng mga pagpili na ipinangako sa matatapat. Kayo ay “mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon” at “pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng” inyong katawan, at lahat ng mayroon ang Ama ay ibibigay sa inyo (D at T 84:32, 33; tingnan din sa mga talata 34–38).
Sa gayong piging ng mga resulta ng mga pagpili, ang espirituwal na pagkaing pagsasaluhan natin ay masarap, malasa, matamis, makatas, masustansya, at nakabubusog at magpapagalak sa ating puso. Kapag tayo ay “lumapit sa Banal ng Israel, at magpakabusog doon sa hindi nawawala, ni nasisira” (2 Nephi 9:51), masusundan natin ang makitid at tuwid na landas na maghahatid sa atin sa Banal ng Israel, “sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan” (2 Nephi 9:41).