2019
Ang Tawag sa Atin na Maglingkod at Mapaglingkuran
Mayo 2019


Ang Tawag sa Atin na Maglingkod at Mapaglingkuran

mga babaeng magkayakap

Isang tag-init, natrangkaso ang aming buong pamilya. Hindi makabangon mula sa kama ang aking mga magulang at lahat ng tatlo kong kapatid. Ako lamang ang hindi nagkasakit. Kaya ako na ang nagluto, naglinis ng bahay, at nag-alaga sa aking kahabag-habag na mga kapamilya.

Hanggang sa makalipas ang ilang araw, nahawa na rin ako.

Kahit paano, kumalat ang balita na lahat kami sa pamilya ay maysakit at walang kakayahang magluto o mamalengke. Biglang nagdatingan ang pagkain mula sa marami sa Relief Society sisters sa aming ward.

Talagang masigasig si Sister Thompson sa kanyang paglilingkod. Dinalhan niya kami ng agahan noong Lunes, tanghalian noong Martes, at hapunan noong Miyerkules at Huwebes. Noong Huwebes ng gabi, pagkatapos iwanan ni Sister Thompson ang kanyang chicken noodle soup at dinner rolls sa kusina, narinig ko ang isa pang katok sa pintuan. Naroo’t nakatayo si Sister Williams, na may dalang isang kaldero ng chili at isang basket ng cornbread.

Itinanong niya kung nakakain na ang pamilya ko habang inuusisa ang pagkain sa ibabaw ng mesa sa aking likuran. Sabi ko hindi pa kami nakakain, pero dinalhan na kami ni Sister Thompson ng hapunan.

“Buong linggo na niya kayong dinadalhan ng pagkain, hindi ba?” tanong ni Sister Williams.

“Opo nga,” sagot ko. “Talaga pong marami kaming pagkain.”

Sumimangot at namaywang si Sister Williams. “Sa susunod na makita mo si Sister Thompson, sabihin mo sa kanya na magpahinga naman siya at hayaan din kaming magbahagi ng mga pagpapala!”

Napangiti ako sa kanyang sinabi. Nahiya ako sa mahabaging mga pagsisikap na nagawa para tulungan ang aming pamilya, at mula noo’y talagang napahalagahan ko na ang dalawang kahulugan ng mga katagang iyon na, “magbahagi ng mga pagpapala.”

Kapag pinaglilingkuran natin ang iba, ibinabahagi natin ang mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit. Kapag mapagkumbaba at may pasasalamat nating hinayaan ang iba na paglingkuran tayo, makakabahagi sila sa mga pagpapala ng langit na ipinangako ng Panginoon sa mga nagmamahal at naglilingkod sa iba.

Nagbabahagi man kayo ng pagmamahal (at pagkain!) o tumatanggap nito, ang pambihirang mga pagpapalang ito—at marami pang iba, ay maaaring mapasaatin para ibahagi.