Paglilingkod sa Simbahan
Kung Saan Tayo Makasusumpong ng Kaginhawahan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang Relief Society ay isang lugar kung saan maaari at dapat makasumpong ng kaginhawahan ang lahat ng kababaihan habang pinangangalagaan, pinaglilingkuran, at minamahal nila ang isa’t isa.
Noong nakatira kami ng aking pamilya sa Las Vegas, Nevada, USA, naglingkod ako sandali bilang ward Relief Society president. Lumakas ako sa magandang pagsasamahan namin ng mabubuting sister sa aming ward. Gustung-gusto kong magplano ng nakasisiglang mga aktibidad, mangasiwa sa Relief Society, dumalo sa mga miting kasama ang mga lider ng ward, at maglingkod sa mga pamilya.
Gumugol ako ng maraming oras sa pagbisita sa mga tahanan para kausapin ang mga sister. Pinaglingkuran ko rin ang mga nanay na pagod, maysakit, o nahihirapan—mga babaeng nangailangan ng pag-alo, kapwa sa espirituwal at sa pisikal. Nadama ko ang kasiyahan at pangangailangan sa akin sa labas ng mga responsibilidad ko bilang ina na may anim na anak.
Pagkatapos ay biglang nagbago ang buhay ko.
Tinanggap ng asawa ko ang promotion sa trabaho sa ibang estado. Sa loob ng isang buwan nag-empake kami at nilisan namin ang aming tahanan sa mainit na Las Vagas at lumipat sa isang maliit na paupahang bahay sa malamig na Casper, Wyoming. Sa linggo ring iyon ng aming paglipat, natuklasan ko na buntis ako—at kambal pa!
Noong gabing dumating kami sa inupahan naming bahay, nagkasakit ako nang malubha. Naaalala ko na nakahiga lang ako sa kama at halos hindi makagalaw habang pinanonood ko ang aking asawa na inaasikaso ang aming mga anak at ibinababa ang mga gamit namin mula sa van. Iyon ang simula ng pinakamahirap na pisikal na hamon sa buhay ko. Sa sumunod na apat na buwan, lagi kong isinusuka ang kinakain ko at wala akong sapat na lakas para pagsilbihan ang pamilya ko, para alagaan ang mga anak namin, at—kung minsan—para magluto.
Nang makagamay na ang asawa ko sa bago niyang trabaho, nakagamay rin ako sa bagong bayan namin at inenrol ko ang apat sa mga anak namin sa eskuwela. Ang maliit na inuupahan namin ay masikip, at ilang linggo kaming tumira sa isang magulong bahay. Inihahatid ko ang mga anak naming nag-aaral hanggang sa labas ng pintuan tuwing umaga pagkatapos ay pinalilipas ko ang maghapon na nakaupo sa sopa habang naglalaro sa malapit ang dalawang maliliit naming anak.
Isang umaga nang pumasok na ang mga bata sa eskuwela, tumunog ang doorbell. Binuksan ng isa sa maliliit kong anak ang pinto, at naroon ang isang sister mula sa Relief Society presidency ng aming bagong ward. May hawak siyang basket ng kung anu-ano at kasama niya ang kanyang anak na babae. Pumunta siya para batiin ako sa paglipat namin sa ward.
Napahiya ako.
Naroon ako, naka-pajama pa, nakahiga sa sopa at may katabing balde. Naglalaro ang dalawang maliliit kong anak sa magulong sahig sa gitna ng mga kahon na hindi pa nabubuksan.
Pumasok ang butihing sister na ito at ibinaba ang kanyang basket sa isang sulok ng mesa. Pagkatapos ay umupo siya sa magulo naming sala at kinausap ako—at nagtanong tungkol sa akin at sa aming pamilya.
Habang nag-uusap kami, hiyang-hiya ako. Isang buwan lang bago iyon, ako ang nasa kalagayan niya, bumibisita at nag-aalok ng tulong sa iba. Ngayo’y nabaligtad ang sitwasyon. Nakahilata ako sa isang magulong bahay at kailangang-kailangan ko ng tulong. Malungkot ako, hirap na hirap, at nahaharap sa isang sitwasyong hindi ko makayanan. Isa ako sa mga sister na nangailangan ng tulong. Mabisang ipinaalala kaagad sa akin ng Panginoon na kailangan ko Siya at ang tulong na ibinigay Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.
Pagkaalis niya, nakaginhawa at nagbigay-pag-asa sa akin ang makita ang dala niyang basket na nasa ibabaw ng mesa ko. Nang sumunod na ilang linggo, ninamnam ko ang laman ng basket at nagpasalamat ako sa lumalagong pagkakaibigan namin nang paulit-ulit siyang bumisita, na nag-aalok ng tulong at suporta sa mahihirap na buwang iyon. Nagkaroon ako ng bagong pagpapahalaga sa pag-asa at ginhawang maihahatid ng isang sister sa iba.
Ilang buwan kalaunan bumili kami ng bahay na sapat ang laki para sa lumalaki naming pamilya. Nagtapos ang mahirap kong pagbubuntis sa pagsilang ng dalawang magagandang anak. At naging malapit kong kaibigan ang mabait na Relief Society sister na iyon at patuloy niya akong pinalalakas at pinasisigla sa kanyang patotoo at halimbawa. Madalas kong pinagmumuni-muni ang mahirap na umagang iyon ng una niyang pagbisita at nagpapasalamat ako na ginampanan niya ang kanyang tungkulin.
Pinatototohanan ko na “tayong lahat ay mga pulubi” sa harap ng Diyos (tingnan sa Mosias 4:19). Maaaring magbago ang ating sitwasyon anumang sandali, na magbibigay sa atin ng bagong pagkaunawa kung gaano tayo umaasa sa ating Ama—at sa mga naglilingkod sa atin para sa Kanya. Alam ko na ngayon nang higit kaysa rati na ang Relief Society ay isang lugar kung saan lahat ng sister sa lahat ng sitwasyon ay maaari at dapat makasumpong ng kaginhawahan sa pangangalaga, paglilingkod, at pagmamahal nila sa isa’t isa.