Mga Pagninilay
Pagsikat ng Araw
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Hindi nagtatapos ang lahat sa buhay na ito; may malaking kagandahan at kaligayahan at kagalakan pang darating.
Malamig at maganda ang panahon sa madaling araw ng taglamig na iyon nang simulan ko ang mga gawain sa aking dairy farm. Nabagabag ang aking isipan nang pagnilayan ko ang mga pangyayari noong nakaraang linggo. May trahedyang nangyari sa aming munting lambak. Isang kaibigan ko noong high school, pati na ang kanyang musmos pang anak na lalaki, kanyang tinedyer na anak na babae, at tatlo sa kanyang mga kaibigan ang namatay sa isang malagim na aksidente sa sasakyan. Kaibigan ng mga anak ko ang mga kabataang babaeng kasama sa aksidenteng iyon. Buong linggong ipinagluksa ng aming pamilya, at ng maraming iba pa, ang trahedyang ito na kasama ng mga pamilya ng mga biktima. Tatlong libing na ang nadaluhan namin noong linggong iyon at dadalo kami sa huling libing, para sa ama at sa kanyang dalawang anak, ngayon.
Nahirapan akong sagutin ang dalawang mahihirap na tanong nang luminaw at matanggap ko ang nangyari.
Una, nagdalamhati ako para sa mga kabataang ito at napaisip kung bakit sila kinuha bago nila maranasan ang napakaraming bagay sa buhay na ito. Hindi na sila lalaki, mag-aasawa, magmimisyon, magkakaanak, at makakaranas ng napakaraming iba pang kagalakan sa buhay na ito.
Pangalawa, bagama’t nadama ko na nais naming lahat sa komunidad na bigyan ng kapanatagan ang mga pamilyang ito, tila wala kaming magawa para ibsan ang kanilang dalamhati.
Habang nasa trabaho, nasorpresa ako nang bumisita ang biyenang lalaki ng namatay kong kaibigan. Bilang kapwa rantsero, na walang katapusan ang trabaho, kinailangan niyang bumili kaagad ng isang guya. Pagkatapos ng transaksyon, saglit kaming nag-usap tungkol sa kalagayan nila ng kanyang pamilya. Binanggit ko na nais kong makatulong sa kanila sa anumang paraan. Wala akong nagawa para ibsan ang sakit na kanilang nadarama. Ngunit humanga ako na kalmadong-kalmado at payapang-payapa siya sa kabila ng pinagdaraanan ng kanyang pamilya.
Bigla kong napagtanto na ang sagot sa isa sa mga tanong ko ay nariyan lang pa. Matagal akong nag-alala kung paano papanatagin ang mga kaibigan kong nagdadalamhati, at nalimutan ko na ang tunay na kapanatagan at kapayapaan ay nagmumula sa Espiritu Santo. Ang mga pamilyang ito ay nabiyayaan ng dagdag na kapanatagang iyon mula sa Ama sa Langit na tanging Siya ang makapagbibigay. Alam kong tumanggap sila ng kapanatagan ng Panginoon, na binanggit sa Aklat ni Mormon:
“Kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan …
“O kayong lahat na may dalisay na puso, itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal; sapagkat maaari ninyong gawin ito, kung matatag ang inyong mga isipan, magpakailanman.” (Jacob 3:1–2).
Matapos kaming magpaalam sa isa’t isa, lumabas ako ng kamalig at napansin ko ang paglubog ng bilog na buwan sa kalangitan sa kanluran. Napakagandang tanawin niyon. Pagkatapos ay lumingon ako at nakita ko ang pagsikat ng araw sa silangan. Ang buong kalangitan ay para bang buhay na buhay dahil makulay ito. Ang paglubog ng buwan ay kaakit-akit; ang pagsikat ng araw ay napakaganda. Nang tumigil ako para pag-isipan ang pagkakaibang ito, napagtanto ko na gaano man kaganda at kasaya ang buhay natin sa lupa, hindi ito maihahambing sa kagandahan at kaligayahang naghihintay kapag tayo ay tapat at masunurin. Napagtanto ko rin na wala talagang nawala sa mga namatay. Naging matatag sila sa buhay nila sa lupa at patuloy silang magkakaroon ng mas magaganda at masasayang karanasan.
Kalaunan noong araw na iyon, dumalo kami ng pamilya ko sa huling libing. Nagpulong kami noong araw na iyon sa punung-punong tabernakulo, na talagang umaapaw sa dami ng tao dahil sa suporta ng buong komunidad. Noong araw na iyon at ilang panahon pa pagkaraan, nakaranas ang mga tao sa aming lambak ng isang naiibang kapayapaan. Mas humigpit ang yakap ng mga magulang sa kanilang mga anak, at napagtanto namin na ang buhay natin sa lupa ay maikli at kailangan nating ipahayag nang mas madalas ang ating pagmamahal sa pamilya at mga kaibigan. Naalala ko ang pagmamahal ng Panginoon sa atin at ang kagandahan ng plano ng kaligtasan. Hindi nagtatapos ang lahat sa buhay na ito; may malaking kagandahan at kaligayahan at kagalakan pang darating.