Mga Tuntunin ng Visiting Teaching
Ipagdasal ang Bawat Sister na Binabanggit ang Kanyang Pangalan
Ang ating pagmamahal at inspirasyon tungkol sa mga binibisita natin ay mag-iibayo kapag mapagkumbaba nating ipinagdasal ang bawat sister na binabanggit ang kanyang pangalan.
Ikinuwento ng isang sister na sa isang mahirap na panahon sa kanyang buhay, madalas siyang makatanggap ng tawag o simpleng text message mula sa kanyang mga visiting teacher, lalo na sa mahihirap na panahon.” Tila alam nila kung kailan niya talaga kailangan ng pampalakas ng loob. Alam niya na siya ay ipinagdarasal nila, kapwa kapag bumibisita sila at sa kanilang sariling panalangin.
Ang mga banal na kasulatan ay nagbabahagi ng maraming halimbawa ng kalalakihan at kababaihang ipinagdasal ang iba na binabanggit ang kanilang pangalan. Kasama sa pinakamadula ang ama ni Nakababatang Alma. Isang anghel ang nangusap kay Nakababatang Alma, na sinasabi sa kanya na ang kanyang ama ay “nanalangin … nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo … ; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya” (Mosias 27:14).
Ang pagdarasal para sa isa’t isa ay nagbubukas ng ating puso upang matanggap ang mga pagpapalang nais ibigay sa atin ng Panginoon. “Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.”1
“Isipin ninyo ang pinagsama nating lakas kung bawat babae ay taimtim na nagdarasal bawat araw at gabi, o kaya’y, walang tigil na nagdarasal tulad ng ipinag-uutos ng Panginoon,” sabi ni Julie B. Beck, dating General Relief Society President.2 Ang pagdarasal para sa mga binibisita natin ay nagpapalakas sa atin bilang mga indibiduwal at bilang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw.
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “[Ipagdasal] ninyong malaman ang nasa puso nila. … Kakailanganin ninyong malaman ang gustong ipagawa sa inyo ng Diyos para tulungan sila at gawin ang lahat ng ito, hangga’t kaya ninyo, na nadarama ang pagmamahal ng Diyos sa kanila.”3