Pamilya: Ang Bukal ng Kaligayahan
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na pinamagatang “What Do You Envision in Life?” na ibinigay sa Brigham Young University noong Disyembre 2, 2014. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Pag-isipan ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya, at alamin sa inyong sarili kung ano talaga ang pinakamahalaga.
Ang konsepto ng pamilya at buhay-pamilya bilang tunay na pinagmumulan ng kaligayahan ay lubhang pinahina sa nakaraang mga dekada. Ang tradisyonal na pamilya ay inaatake ng maraming magkakaibang pangkat sa buong mundo. (Sa pahina 18 ng isyung ito, tinalakay ni Elder Quentin L. Cook ang ilan sa mga gayong pag-atake.) Ngunit may iba pang mga bitag at panganib na nauugnay kahit sa ilan sa atin na nakakaalam tungkol sa kahalagahan, kabanalan, at walang-hanggang tadhana ng pamilya.
Naimpluwensiyahan ng mundo at ng mga pang-akit nito, ng tumitinding hangaring bigyang-kasiyahan ang sarili, at ng pagkahilig na guminhawa o maging madali ang mga bagay-bagay, inilalagay natin sa alanganin ang pamilya at ang ating kaligayahan. Sa maraming pagkakataon, ang kaligayahan sa ating buhay ay itinatakda ng kalidad ng ating “buhay na lubos na walang inaalala,” na inaasahan nating makamit at mapanatili sa pamamagitan ng “maliit-na-puhunan, malaking-kita” na paraan.
Ngunit hindi sa ganitong paraan tumatakbo ang buhay. Ito ay hindi kailanman nilayon upang maging madali. Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian” [D at T 58:4].
Inorden ng Diyos
Malinaw na ipinahayag ng Panginoon kung paano bumuo at magpanatili ng matatag na mga pamilya. Inaanyayahan tayong lahat na pag-aralan at isabuhay ang mga alituntuning itinakda sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Dagdag pa rito, kailangan nating kilalanin na ang paghugot ng personal na lakas at kaligayahan mula sa buhay-pamilya ay nangangailangan ng sakripisyo at pananampalataya.
Isinasaad sa pagpapahayag sa pamilya “na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang pamilya ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Isinasaad pa nito “na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”1
Para sa maraming tao, ang imahe at layunin ng pamilya ay lubhang nabago. Lalo pa, ang lipunan ay gumagamit ng tinatawag na “kapalagayang-loob (soul mate)” na modelo ng pag-aasawa, na nakatutok sa mga pangangailangan at damdamin ng mga nakatatanda sa halip ng sa mga bata. Bilang resulta, marami ang nagpapakasal pagkatapos ng matagalang relasyon sa halip na gawin ito pagkatapos ng isang angkop na pagliligawan. Ang paghahanap ng perpektong kabiyak, pagsubok sa isang relasyon sa pamamagitan ng pagsasama nang hindi kasal, o pagkakaroon ng magarbong pamumuhay na susuportahan ng isang matatag na kasunduan bago ikasal ay naging pangkaraniwang gawi ng marami bago magpasiyang magpakasal sa huli.
Iba ang itinuturo sa atin ng banal na kasulatan at modernong mga propeta. Itinatatag natin ang buhay may asawa na nakasalig sa kalinisang-puri at katapatan, na may layuning magtatag at mag-aruga ng isang pamilya. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895-1985): “Maraming nagsasalita at sumusulat laban sa buhay may asawa. Kahit nga ang ilan sa atin ay inaantala ang pagpapakasal at nagtatalu-talo laban dito. … Tinatawagan natin ang lahat ng tao na tanggapin ang [tradisyonal] na pag-aasawa bilang batayan ng tunay na kaligayahan. … Ang pag-aasawa ay nangangahulugan ng pagpapapamilya.”2
Noong bata pa kami ng asawa kong si Christiane, ito ang mga salita ng ating buhay na propeta, at nagtiwala at sumunod kami sa kanyang payo. Lumuhod kami sa altar ng Bern Switzerland Temple, noong 20 anyos siya at 22 ako. Naging karapat-dapat kaming pumasok sa tipan, wala kaming kaalam-alam kung ano ang aasahan, wala kaming karanasan sa trabaho o natapos na kurso, at medyo mahirap kami.
Ang tanging sagana sa amin ay ang aming pag-iibigan at walang-muwang na kasigasigan. Ngunit magkasama naming sinimulang buuin ang aming mundo. Hindi namin ipinagpaliban ang pagkakaroon ng mga anak, at kinailangan naming suportahan ang isa’t isa sa aming pag-aaral. Lubos kaming naniwala sa pangako ng Panginoon na “kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay kanyang pagpapalain at pauunlarin” (Mosias 2:22).
At ginawa nga Niya iyon. Nang magpakasal kami, nasa nursing school si Christiane. Kasama sa mithiin namin ang makatapos siya sa kanyang kurso, ngunit kasabay nito ay sinadya rin naming ipasiya na simulang tuparin ang aming pangarap na makabuo ng isang pamilya. Bilang resulta, ang aming unang anak ay isinilang mga dalawang linggo bago ipinasa ni Christiane ang kanyang huling pagsusulit bilang sertipikadong nars.
Ngayon, halos 40 taon na ang lumipas, nagpapasalamat kami na magkasama kaming makakabuo ng aming pamilya. Ang aming pananampalataya sa Diyos at ang aming relasyon sa isa’t isa ay naging matatag dahil nakita namin ang kamay ng Panginoon na gumagabay sa amin sa proseso ng pagtatayo ng aming kaharian sa mortalidad. Ang kahariang ito ay patuloy na lalago magpakailanman.
Maging Handang Magsakripisyo
Para sa aming minimithing kaligayahan, pareho kaming handa at payag magsakripisyo. Tinanggap namin ang mga banal na tungkulin ng ama na “mangulo” at “maglaan” at ng ina na “mag-aruga sa kanilang mga anak.”3 Sinabi ni Julie B. Beck, dating Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society: “Ang priesthood na tungkulin ng mga ama ay ang mamuno at magpasa ng mga ordenansa ng priesthood sa susunod na henerasyon. Ang priesthood na tungkulin ng mga ina ay manghikayat. Ang mga ito ay mahalaga, magka-ayon, at magkakaugnay na mga responsibilidad.”4
Ang pagtutulungan ng mag-asawa at ng pamilya bilang pantay na magkatuwang ay hindi nangangahulugan na pareho palagi ang ating ginagawa o ginagawa natin nang magkasama o magkapantay ang lahat ng bagay. Nauunawaan at tinatanggap natin ang iba’t ibang mga tungkulin na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng banal na disenyo na nakabalangkas sa pagpapahayag tungkol sa pamilya. Hindi namin sinusunod ang mundo sa kung ano ang inilalarawan bilang “pagpapalaya,” kung saan ang kapwa lalaki at babaeng kabiyak ay nagsasama lamang upang matugunan ang kanilang pansariling mga interes. Ipinamumuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo; pinupunan ng mga mag-asawa ang kakulangan ng isa’t isa, at nagsisikap ang mga pamilya na magkaisa at hindi maging makasarili.
Maaaring sabihin ng ilan sa inyo: “Aba, iba naman ang sitwasyon natin. Ang mundo ngayon ay hindi perpekto. Dapat ay may lugar para sa mga eksepsyon.” Totoo, pero sinusubukan kong ituro ang patakaran o ang banal na huwaran at hinahayaan ko kayong harapin ang mga eksepsyon habang tumatahak kayo sa landas ng inyong buhay.
Sa mithiin namin para sa aming pamilya, gusto naming mamalagi sa bahay si Christiane para arugain ang aming mga anak. Nangangahulugan ito ng sakripisyo. Ilang sandali lamang matapos naming malaman na isang sanggol ang isisilang, ipinaalala sa akin ni Christiane ang desisyon na ginawa namin bago pa ang araw ng aming kasal na kaagad siyang titigil ng pagtatrabaho sa labas ng bahay sa sandaling ipinanganak ang isang sanggol. Sinubukan kong takasan ang alam kong magiging karagdagang responsibilidad sa pagbanggit na siya ay nag-aambag ng ikatlong bahagi ng kita ng pamilya. Simple ang sagot niya, “Ako ang bahala sa mga bata, at ikaw ang bahala sa pagpakain sa amin.”
Alam kong tama siya; matagal na naming pinag-usapan ito. Naaayon ito sa aming mithiin sa buhay-pamilya, naaayon ito sa mga salita ng mga buhay na propeta, at nadama kong tama ito. Kaya nagbitiw siya sa trabaho niyang malaki ang suweldo bilang nars para mapalapit sa mga bata at matugunan ang kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan, at kinailangan kong ayusin ang trabaho ko para makapaglaan ng pagkain at kanlungan. Pinagpala kami ng Panginoon na maisakatuparan ang aspetong ito ng aming mithiin.
Ang iba pang mahahalagang bagay, tulad ng pagiging magulang, pagtuturo, pagpapayo, paglilinis, o kahit pagpapalit ng lampin, ay magkasama naming ginawa hangga’t maaari. Nangyari ang pagbibigayang ito sa trabaho dahil mula’t sapul ay bahagi na ito ng pangarap namin sa aming buhay-pamilya.
Natuklasan namin ni Christiane na habang kami ay kumikilos nang may pananampalataya at nagtitiwala sa Panginoon, tinulungan Niya kaming gawin ang Kanyang kalooban sa Kanyang paraan at ayon sa Kanyang panahon. Ngayon, masasabi ko na ang Kanyang paraan ay hindi nangahulugan na lahat ay agarang nangyari sa paraang inakala namin. Kung minsan kailangan naming maging matiyaga, kung minsan kailangan namin ng dagdag na pagsisikap, at kung minsan ay tila sinusubok ng Panginoon ang aming kaseryosohan. Gayunman, ang aming mithiin ay laging nagpasigla sa amin at naging pundasyon ng aming pinakamahahalagang desisyon.
Ang isang bagay na palagi naming pinangarap ni Christiane ay ang makasama ang aming mga anak sa silid selestiyal ng isang templo para pasimulan ang walang-hanggang kagalakan at kaluwalhatiang inaasam naming maranasan balang araw. Sa nakalipas na ilang taon isinama namin ang bawat anak namin para tumanggap ng mga ordenansa sa templo, na simbolo na ibinabalik namin sila sa ating Ama sa Langit matapos ituro sa kanila ang mga alituntunin ng kabutihan. Sinamahan namin ang tatlo sa aming mga anak sa mga altar sa templo nang makasal sila sa kanilang kasintahan, at inaasam namin na mas marami pang kasal sa templo ang darating.
Walang nagbigay ng higit na kaligayahan at kasiyahan sa aming buhay kaysa sa kagalakan na natagpuan namin sa isa’t isa at sa aming mga inapo. Nang maunawaan namin na ang mga ito ay simula lamang ng aming walang-hanggang pag-unlad at samakatwid ay mga unang antas lamang ng aming kagalakan at kaligayahan, naging handa kami noon—at ngayon—na sakripisyo ang lahat ng mayroon kami para ipamuhay ang doktrina ng pamilya at makitang lubos na matupad ang aming mithiin.
Inaanyayahan ko kayong pagnilayan ang doktrinang ito at alamin sa inyong sarili kung ano talaga ang pinakamahalaga. Ang ganitong uri ng kaligayahan ay nasa puso ng ating pag-iral. At ang kaligayahang nagmumula sa matiwasay na pagsasama ng mag-asawa at mga anak ay palaging lumalago.
Ipatupad ang Inyong Mithiin
Matapos mong pag-aralan ang doktrina ng pamilya at maitatag ang isang mithiin para sa iyong kaligayahan, kailangan mong maging seryoso sa pagpapatupad ng iyong mithiin.
Ang unang mga pagtanggi na natanggap ko sa aking panliligaw kay Christiane ay bahagyang nakasira ng aking loob. Katatapos ko lang magdesisyon na magsimula ng isang matagumpay na propesyon bilang isang batang single adult sa Simbahan, ngunit isang araw ay nagkaroon ako ng isang espesyal na espirituwal na impresyon. Nakikilahok ako noon sa isang ordenansa sa Swiss Temple nang marinig ko ang isang tinig sa puso ko na parang ganito ang sinasabi: “Erich, kung hindi ka seryosong nagsikap na mag-asawa at pumasok sa bago at walang-hanggang tipan, lahat ng turo at ipinangakong mga pagpapalang ito ay talagang walang kaibhan para sa iyo.” Ito ay isang pampagising na natanggap ko sa batang edad na 21, at mula sa sandaling iyon sinubukan kong mas lalong magsikap na maging karapat-dapat sa pagpapalang iyon.
Inaanyayahan ko kayong magtakda ng mga personal na layunin na nauugnay sa inyong mithiin. Sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo nababasa natin: “Nakikita sa mga mithiin ang mga hangarin ng ating puso at pagkaunawa sa maaari nating magawa. Sa pamamagitan ng mga mithiin at plano, ang mga inaasam natin ay naisasagawa. Ang pagtatakda ng mithiin at pagpaplano ay mga gawa ng pananampalataya.”5
Huwag lapastanganin ang mga bagay na banal. Sa sandaling maabot mo ang edad na pwede ka nang mag-asawa, huwag mag-date para lamang magpakasaya. Huwag ikompromiso ang iyong walang-hanggang karapatan sa pagsilang sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay na mag-aalis sa inyo ng pagkakataong gawin ang pinakamahalagang mga tipan sa templo. Kapag itinuring mong potensyal na walang-hanggang kabiyak ang bawat kadeyt mo, hindi ka gagawa kailanman ng mga bagay na hindi nararapat na makakasira sa iyong kadeyt sa pisikal o espirituwal na paraan o magkokompromiso sa iyong personal na pagkamarapat at magpapalabo sa iyong mga mithiin. Habang ikaw ay nananatiling karapat-dapat, ang iyong espirituwal na pang-unawa ay hindi kailanman lalabo, at palagi kang magkakaroon ng karapatan sa mga bulong ng Espiritu. Hihikayatin ka ng Espiritu Santo at pagtitibayin ang katumpakan ng mga pinakamahahalagang desisyon sa iyong buhay, kahit na kung minsan ay lubha kang natatakot.
Panagutin ang iyong sarili sa Panginoon sa iyong mithiin at mga layunin sa buhay. Kung may isang bagay na kailangan mong pagsisihan, huwag mag-atubiling gawin ito. Ang buhay na ito at ang buhay na walang hanggan ay kapwa napakahalaga para “ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi” (Alma 13:27; 34:33). Sundin ang paanyaya ng isang propeta ng Diyos na humimok sa atin na “humingi sa Ama sa pangalan ni Jesus ng anumang bagay na inyong kailangan. Huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala, at magsimula katulad noong unang panahon, at lumapit sa Panginoon nang buo puso ninyo, at isakatuparan ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan niya” (Mormon 9:27).
Nauunawaan ko na ang ilan sa inyo, dahil sa inyong mga kalagayan, ay maaaring kailangang iangkop ang magandang mithiin ng isang pamilya upang umakma sa iyong personal na sitwasyon. Ngunit natutunan ko na tutulungan tayo ng Panginoon habang kumikilos tayo nang may pananampalataya at sumusunod sa huwaran hangga’t maaari.
Ang Alituntunin ng Pagtapos
Kabilang sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pinaka nakapagpapaginhawang bahagi. Ito ang aspeto na pagtapos o pagkumpleto ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Pinayuhan tayo ni Moroni na laging manatili sa tamang landas, “umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng [ating] pananampalataya” (Moroni 6:4).
Dahil sa ating pananampalataya kay Jesucristo, maaari nating ipagpatuloy ang landasin sa buhay na kailangan nating tahakin. Ngunit kung natitisod tayo dahil sa kahinaan o lumampas na mga pagkakataon, Siya ay tutulong sa atin, pupunan ang puwang, at magiging tagatapos ng ating pananampalataya. Sinabi Niya, “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (D at T 137:9).
Mula sa Handbook 2 mababasa natin, “Ang matatapat na miyembro na dahil sa sitwasyon ay hindi natanggap ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal at hindi naging magulang sa buhay na ito ay tatanggapin ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa mga kawalang-hanggan, kapag tinupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Diyos.”6
Pinatototohanan ko na nilayon ng Panginoon kung ano ang sinabi Niya nang sabihin Niya na “Hindi mabuti na ang lalake ay magisa” (Genesis 2:18) at ang Kanyang lubos na pagnanais para sa lahat ng Kanyang anak na matanggap nila ang “ganap na kagalakan” (Moises 7:67). Samakatuwid, palaging panatilihin ang iyong mithiin sa harapan mo at “magsikap para sa magandang pamumuhay sa isang walang-hanggang pamilya. Ang ibig sabihin nito ay paghahanda upang maging karapat-dapat na mga kabiyak at mapagmahal na mga ama o mga ina. Sa ilang mga kaso, ang mga pagpapalang ito ay hindi matutupad hanggang sa susunod na buhay, ngunit ang tunay na layunin ay pareho para sa lahat.”7
Alam ko na ang maraming iba’t ibang pangyayari sa buhay ay kasindami ng mga tao sa mundo. Alam kong may mga pagkakaiba sa mga kultura, tradisyon, at inaasahan. Gayunman, ang mga doktrina at alituntuning ito ay walang hanggan at totoo, at hindi nakadepende sa ating mga personal na sitwasyon sa buhay. Lubos ang tiwala ko na kapag taimtim ninyong pinagnilayan at mapanalanging pinag-iisipan ang mga doktrina at alituntuning ito, magkakaroon kayo ng personal na mithiin para sa inyong buhay na magiging kasiya-siya sa Panginoon at hahantong sa inyong pinakamalaking kaligayahan.