Ang Susi sa Pagpapatawad sa Sarili
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Hindi ko kailangang patuloy na parusahan ang sarili ko dahil nagbayad-sala na si Jesucristo para sa aking mga kasalanan.
Limang buwan na ang nakalilipas, at hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko. Magmula noong nagkamali ako at nakagawa ng isang bagay na ikinahihiya ko, pakiramdam ko’y tila bumubulusok pababa ang buhay ko. Palala nang palala ang pagkahiya ko sa tuwing nakagagawa ako ng isang bagay na sa tingin ko ay mali. Hindi ako matahimik.
Nagdasal ako para humingi ng kapatawaran at sa pakiramdam ko nama’y pinatawad na ako ng Diyos. Pero hindi ko magawang patawarin ang sarili ko. Paano ko magagawa iyon samantalang nagkasala ako? Paulit-ulit kong kinakastigo ang sarili ko, na pumipigil sa aking magsimulang muli.
Kahit ganito ang nararamdaman ko, sumama ako sa isang summer youth conference kung saan itinuon namin ang lahat ng aming mga pag-aaral sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Isang araw, hindi sinasadyang nabasa ko ang isang talata sa Aklat ni Enos na nagsasabing: “Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.
“At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis” (Enos 1:5–6).
Ang lakas ng dating nito sa akin. Napag-isip-isip ko na, gaya ko, nakagawa rin si Enos ng isang pagkakamali at nangailangan ng kapatawaran. Inilarawan pa niya ang pagsisikap niyang mapatawad bilang isang pakikipagbuno sa Diyos (tingnan sa Enos 1:2). Ngunit kalaunan, matapos ang buong maghapon at magdamag na pagdarasal, napayapa si Enos. At nang magtanong siya, “Panginoon, paano ito nangyari?” sumagot ang Panginoon, “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo” (Enos 1:7, 8).
Iyon pala! Sumampalataya si Enos kay Jesucristo. Kung pinahintulutan ni Enos na linisin ng Tagapagligtas ang kanyang pagkakamali, bakit hindi ko Siya mapahintulutang magbigay ng kapayapaan sa aking buhay? Magmula noon, tuwing sa pakiwari ko ay hindi ko mapapatawad ang sarili ko, isinasaisip ko ang pagmamahal at kapatawaran ni Jesucristo. Ipinagdarasal ko na bigyan ako ng kakayahang pakawalan ang masasamang saloobin at tigilang ikahiya ang sarili. Matagal-tagal din ito, ngunit matapos ang maraming pagdarasal, tumigil na ang nararamdaman kong hindi maganda sa tuwina. Sa wakas ay nadama ko ang kapayapaan.
Ang karanasang ito ang nagturo sa akin ng maraming bagay tungkol sa biyaya ni Cristo. Matapos akong magkasala, nakadama ako ng makadiyos na kalumbayan, nagdasal, nagsisi, at nakatanggap ng pagpapatibay na napatawad na ako ng Diyos. Gayunman patuloy kong pinarusahan ang sarili ko. Kalaunan ay natanto ko na hindi ko kailangang patuloy na parusahan ang sarili ko sa kasalanang iyon dahil pinagbayaran na ito ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Marahil ay napakahirap at napakasakit noon para sa Kanya, ngunit naging handa pa rin Siyang magdusa para hindi ako magdusa.
Natuto ako magmula noon na umasa kay Jesucristo at hayaang mapuspos ng Kanyang kapayapaan ang aking buhay sa pamamagitan ng pagpapatibay ng aking kaugnayan sa Kanya at sa aking Ama sa Langit. Sinisikap kong magdasal at basahin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, araw-araw. Sinisikap kong makilahok sa mga kaaya-ayang aktibidad at mabubuting media.
Nagkakamali pa rin ako, ngunit alam ko na kung magsisisi at patuloy na magsisikap na gawin ang abot ng makakaya ko, bibiyayaan ako ni Jesucisto. Kapag umaasa ako sa Kanya at sa Ama sa Langit, ang pagkakasala at kahihiyan ay nagtatapos. Alam ko na ngayon ang kapayapaang nagmumula sa pagsampalataya kay Jesucristo, at mas malakas ako dahil dito.