Mga Larawan ng Pananampalataya
Christian Karlsson
Buskerud, Norway
Nang matuklasan ni Christian ang mga journal ng kanyang lolo, wala siyang ideya na magiging napakahalaga nito sa kanya at sa kanyang pamilya.
Cody Bell, retratista
Ibinigay sa akin ng aking ina ang isang kahon ng mga lumang larawan. Ang isa sa mga sorpresang nasa kahong ito ay ang mga journal ng aking lolo. Marami sa mga nilalaman ay maikli at malinaw at kasama ang mga simpleng bagay tulad ng presyo ng gasolina, saging, o isda.
Kasama ng kanyang mga journal, ang pinakamagandang handog ay ang maingat na mga tala ng mga mensaheng ibinigay ni Lolo sa simbahan.
Matapos magsiyasat nang maraming taon, sumapi si Lolo sa Simbahan. Siya’y matapat na naglingkod at matatag at puno ng integridad. Bago kami nagkaroon ng mga stake sa Norway, nagsilbi siyang tagapayo sa Young Men presidency para sa buong Norway. Naglilingkod siya bilang tagapayo sa Stockholm Sweden Temple presidency nang siya ay namatay noong 1986.
Nagsimulang mag-date ang mga lolo’t lola ko bago sumapi si Lolo sa Simbahan. Sinabi sa kanya ni Lola na hindi siya maaaring makipagdeyt tuwing Linggo at ilang gabi sa loob ng isang linggo. Noong una ay pinag-isipan ng Lolo ko ang pakikipagdeyt sa iba dahil si Lola ay masyadong abala. Kalaunan ay ipinaliwanag ni Lola, “Miyembro ako ng isang simbahan na hindi mo pa narinig.”
Agad na sumagot si Lolo, “Ibig mo bang sabihin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?” Hindi nakapagsalita si Lola—naisip niya na sinusundan-sundan siya ni Lolo! Ngunit narinig na ni Lolo ang tungkol sa Simbahan noon pa.
Sa edad na 19, hinilingan si Lolo na tumulong sa sensus dahil sa kanyang sulat-kamay. Nang tanungin niya ang isang babae kung ano ang kanyang relihiyon sinabi ng babae na, “Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Ito ang pinakamahabang pangalan ng denominasyon na narinig niya. Ang pangalan ay tumimo sa isipan niya. Nang sabihin sa kanya ni Lola na siya ay kabilang sa isang simbahan na malamang ay hindi niya alam, ang pangalan ay naisaulo na niya.
Sa kanyang mga pagsasalita, ibinahagi ni Lolo ang kanyang mga saloobin at damdamin at ang mga pakikibakang naranasan niya sa pagsisiyasat sa Simbahan. Kinailangan niyang magpakumbaba upang manalangin tungkol sa pagsapi sa Simbahan. Nakatanggap siya ng sagot at kumilos ayon dito.
Nakakamanghang ibahagi ang mismong mga personal na kuwento ni Lolo sa aking asawa at mga anak. Hindi nila kailanman nakilala siya, ngunit ang kanyang mga salita ay umaabot sa kanila 30 taon pagkatapos ng kanyang kamatayan.