2018
Paglalakbay sa Pamamagitan ng Sinaunang Tabernakulo
March 2018


Paglalakbay sa Pamamagitan ng Sinaunang Tabernakulo

Tulad sa mga modernong templo, ang mga simbolo sa tabernakulo ay makapagtuturo sa atin tungkol sa ating paglalakbay pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.

Sa loob ng libu-libong taon, ang mga templo ay naging isang lugar kung saan ginagamit ng Diyos ang mga ordenansa ng priesthood at mga sagradong tipan para ituro sa Kanyang mga anak ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa Kanyang plano ng kaligtasan.

Sa kanilang mga paglalakbay sa ilang, inutusan ang mga tao ni Israel na magtayo ng tabernakulo para ang Diyos ay “tumahan sa gitna nila” (Exodo 29:46). “Ang literal na kahulugan ng tabernakulo ay ‘lugar na tirahan’ at tinawag nang gayon sa paniniwala na literal na nanirahan ang Diyos sa loob ng sagradong looban nito. Nang magkampo ang Israel, itinayo ang tabernakulo sa gitna mismo ng kampo (na sumasagisag sa ideya na ang Diyos ang magiging sentro ng buhay ng kanyang mga tao).”1

Isipin ang mga item na ito sa tabernakulo at kung ano ang maituturo nito sa atin tungkol sa pagbalik natin sa kinaroroonan ng Diyos.

tabernacle

Mga paglalarawan NI Steve Creitz / LISENSYADO MULA SA GoodSalt.com

Tabernakulo: Ang tabernakulo ay binubuo ng tatlong dibisyon na kailangang daanan ng isang tao para makarating sa kinaroroonan ng Diyos: ang patyo sa labas, ang dakong banal, at ang Kabanal-banalang Dako (tingnan sa Exodo 25–30).

altar

Dambana [Altar]: Itinakda ng batas ni Moises ang mga sakripisyong iaalay rito, na nagpapahiwatig sa Tagapagligtas at sa Kanyang “dakila at huling hain” (tingnan sa Alma 34:10). Ang sakripisyo ay maaari ding maging simbolo ng ating pagsisisi—pagtalikod sa ating mga kasalanan at pag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sakripisyo”).

laver of water

Hugasang may tubig: Bago pumasok sa dakong banal, ginamit ng mga saserdote ang hugasang tansong may tubig para paghugasan ng kanilang mga kamay at paa (tingnan sa Exodo 30:19–21), na nagpapaalala sa atin na kailangan nating maging malinis habang naghahanda tayong bumalik sa kinaroroonan ng Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 27:19–20).

table of shewbread

Kandelero: Ang pitong ilawan ay nagliliyab sa dalisay na langis ng olibo, na nagbibigay ng liwanag sa dakong banal (tingnan sa Levitico 24:2–4). Maaari nitong ipaalala sa atin ang Liwanag ni Cristo at ang Espiritu Santo, ang mga pinagmumulan ng espirituwal na liwanag.

candlestick

Dulang ng Tinapay na Handog: Labindalawang tinapay na walang lebadura ang inilalagay tuwing Sabbath sa dulang ng tinapay na handog, isang salita na nangangahulugang “tinapay na handog sa harap” sa Hebreo (tingnan sa Exodo 25:30). Ang mga tinapay ay kinakain sa dakong banal tuwing Sabbath bilang “pinakatipang walang hanggan” (tingnan sa Levitico 24:5–9).

altar of incense

Dambana ng Kamangyan: Nagsusunog ng kamangyan ang mga saserdote gabi’t umaga sa isang dambanang nasa harapan ng tabing. Ang umaakyat na usok ay maaaring kumatawan sa mga panalanging umaakyat sa langit (tingnan sa Apocalipsis 5:8).

veil

Tabing: Pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalang Dako sa pamamagitan ng tabing o lambong. Ang querubin, o mga anghel, ay nakaburda sa tabing o lambong (tingnan sa Exodo 26:31–33; D at T 132:19). Ang tabing o lambong ay maaaring magpaalala sa atin na ngayong natatabingan tayo mula sa kinaroroonan ng Diyos, mahahawi ng dakilang Mataas na Saserdote—si Jesucristo—ang tabing o lambong.

holy of holies

Kabanal-banalang Dako: Pumapasok ang mataas na saserdote sa pinakasagradong bahaging ito ng tabernakulo minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala. Ang Kabanal-banalang Dako ay kumakatawan sa kinaroroonan ng Diyos at naroon ang kaban ng tipan, na ang takip ay tinawag na luklukan ng awa. “Diya’y makikipagkita ako sa iyo,” sabi ng Panginoon kay Moises, “at makikipanayam sa iyo” (Exodo 25:22; tingnan din sa Exodo 29:43; 30:36).2

Mga Tala

  1. The Life and Teachings of Jesus and His Apostles (1979), 390.

  2. Sa sulat ni Pablo sa mga Hebreo (mga kabanata 8–10), ang tabernakulo ay ginagamit para ituro kung paanong ang dakilang Mataas na Saserdote, si Jesucristo, “sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan … sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan” (9:12). Dahil sa pagtubos na ito, kaya rin nating “makapasok sa [kabanal-banalang dako] sa pamamagitan ng dugo ni Jesus” (10:19).