Nakalimutan ba Ako ng Diyos?
Edwin F. Smith
Utah, USA
Naghanap na ako sa lahat ng lugar. Dalawang beses akong nagmaneho mula sa opisina patungo sa fabrication yard na naghahanap ng mahahalagang piyesa na kailangan upang makumpleto ang isang crane na ipadadala namin sa isang base-militar. Naka-iskedyul itong ipadala sa loob ng dalawang araw—tamang oras lamang para matugunan ang deadline sa aming kontrata. Mahaharap ang aking kumpanya sa mabigat na kaparusahan kung hindi namin matutugunan ang aming ipinangako.
Pumasok ako sa bodega ng opisina at muling naghanap ng mga nawawalang piyesa. Sinuri ko ang bawat kahon at muling napagtibay na ang mga bahagi ay talagang na-order. Huling-huli na upang mag-order muli ng mga piyesa at matugunan pa rin ang deadline. Pinanghinaan ako ng loob. Umuwi ako sa bahay, sinisikap pa ring malaman kung paano lulutasin ang problema.
Nagdasal ako nang mabilis at hindi mula sa puso bago humiga at sinubukang matulog. Sa aking isipan ay inalala kong muli ang mga ginawa ko nang maaga pa ng araw na iyon, umaasa na matatandaan ko ang isang bagay na hindi ko napansin. Gumulong-gulong at bumaling-baling ako sa higaan hanggang alas-3:00 n.u.
Sa wakas ay umupo ako. Tumingin ako pababa sa unan na inilagay ko sa sahig upang paalalahanan ako na manalangin. Hindi ko naramdaman na magdasal. Buong araw akong nanalangin ngunit nadama na wala sa sinabi ko ang nagbibigay ng anumang kaibhan. Nakalimutan ba ako ng Diyos?
Dahil wala nang iba pang mapupuntahan, lumuhod ako at nagsimulang manalangin. Tinanong ko ang Ama sa Langit kung alam Niya ang aking kalagayan. “Ama sa Langit,” samo ko, “Alam po Ninyo kung nasaan ang nawawalang bahagi. Maipaaalam din po ba Ninyo sa akin—ngayon?”
Kalaunan ng umagang iyon, pumasok na ako sa opisina ko. Ipinatong ko ang aking portpolyo sa mesa ko at naramdaman na dapat kong siyasatin ang bodega sa huling pagkakataon. Pumasok ako sa bodega at tiningnan ko ang mga kahon na sinuri ko muli’t-muli nang nagdaang araw. Natuon ang pansin ko sa isang malaking kahon. May isang bagay na hindi tama.
Natuklasan ko sa malapitang pagtingin na ito ay hindi isang kahon kundi dalawang kahon na magkapatong. Inangat ko ang kahon sa ibabaw mula sa nasa ibaba nito. Sa kahon sa ilalim, nakita ko ang mga piyesa! Nanalangin ako ng pasasalamat at bumalik sa aking opisina upang ipaalam sa mga fabricator na ang mga nawawalang piyesa ay natagpuan.
Biglang kong natanto na hindi ko lang nahanap ang mga piyesa, kundi natuklasan ko din na alam ng Ama sa Langit kung nasaan ako at na mahalaga ako sa Kanya. Hindi ako nakalimutan ng Diyos, at hindi Niya gagawin kailanman.