2018
Ang pagpili ng mapapangasawa ay isang malaking desisyon, at kinakabahan ako rito. Paano ko malalaman na tama ang pinili ko?
March 2018


Tuwirang Sagot

Ang pagpili ng mapapangasawa ay magiging isang malaking desisyon, at kinakabahan ako rito. Paano ko malalaman na tama ang pinili ko?

bride and groom in front of the Manila Philippines Temple

Ang pagdesisyon kung sino ang pakakasalan ay isang bagay na makakaapekto sa inyong kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ngunit hindi ito dapat magdulot sa inyo ng uri ng pagkabalisa na kalauna’y paparalisa sa inyo. Makadarama kayo ng kapayapaan at kagalakan sa desisyong ito kung susundin ninyo ang mga kautusan at mabubuting payo. Narito ang ilan sa mga bagay na kalimitang itinuturo ng mga lider ng Simbahan tungkol dito:

Maraming potensyal na “tamang” pagpipilian kung sino ang mapapakasalan ninyo. Makipagkilala sa maraming tao. Makipagdeyt sa mga taong may mataas na pamantayan. Mamuhay nang karapat-dapat. Kung ikaw ay young adult, makipagdeyt sa mga klase ng tao na maaari mong makasama sa templo. Ang potensyal na mapapangasawa ay isang taong sapat nang kilala para malaman kung magagawa ba ninyong makipagtipan sa Ama sa Langit nang magkasama. Humingi ng payo sa iyong mga magulang. “Pag-aralan ito sa iyong isipan” at pagkatapos “itanong [sa Diyos] kung ito ay tama” (D at T 9:8). Matatanggap mo ang pagpapatibay sa iba’t ibang paraan, ngunit kailangan ding makatanggap ng pagpapatibay ang taong itinatangi. Sa sandaling mangako kayo sa isa’t isa, pagsikapan ninyong maging “soul mate” ng isa’t isa.”