Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagagaanin Niya ang Ating mga Pasanin
Mula sa “Mga Natatanging Saksi ni Cristo,” Liahona, Abr. 2001, 12–13. Para mapanood si Elder Hales sa pagbibigay ng mensaheng ito, “Jesus Christ Is the Perfect Example of Obedience,” bisitahin ang prophets.lds.org at piliin ang “Special Witnesses of Christ.”
Mababago ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas ang buhay ng tao kung pahihintulutan natin ito.
Mahal na mahal ko ang mga banal na kasulatan. Gustung-gusto kong magbasa tungkol sa buhay ni Jesucristo sa lupa. Maraming bagay sa Kanyang buhay ang nag-aangat, nagpapasigla at nagpapalakas sa atin sa oras ng ating pangangailangan. Para sa akin, isa sa pinakasagradong mga kabanata sa mga banal na kasulatan ang Juan kabanata 17. Ang buong kabanatang ito ay ang panalangin ni Jesucristo sa Kanyang Ama para sa atin. Ganito ang sinasabi Niya, “Kung makikilala ka lamang ng mundo gaya ng pagkakilala ko sa iyo.” Sinabi Niya sa Kanyang Ama na ginawa Niya ang lahat ng iniatas sa Kanyang gawin.
Minsa’y nalilimutan natin kung gaano naging masunurin ang Tagapaglitas. Lahat ng ginawa Niya, at lahat ng sinabi Niya ay dahil sa pagsunod sa Kanyang Ama. Ang paghahanap at pagkalinga Niya sa mahihirap, ang pagtawag ng Kanyang mga disipulo, ang Kanyang pagtuturo kapwa sa lupain ng Palestina, at sa Amerika—lahat ng ito ay ginawa dahil iniutos ito sa Kanya ng Kanyang Ama. Wala Siyang pansariling layunin. Sinabi Niya, “Wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi ayon sa itinuro sa akin ng Ama” (Juan 8:28). Isang perpektong halimbawa ng pagkamasunurin!
Sa mga pagpili natin sa buhay, dapat nating kilalanin ang Tagapagligtas. Ang simpleng payo Niya na “Pumarito … sumunod ka sa akin” (Mateo 19:21) ay magpapabago sa buhay ng tao, kung hahayaan natin ito. May kapangyarihan Siyang pagaanin ang ating mga pasanin kung babaling tayo sa Kanya.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, may pagkakataon akong magpatotoo bilang sagradong saksi ng Tagapagligtas. Labis ang aking paghahangad na tumimo ang aking patotoo sa puso ng lahat ng makaririnig nito.
Alam kong buhay si Jesucristo. Ginagabayan at pinamamahalaan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga propeta ngayon. Kung sasampalataya tayo sa ating Tagapagligtas, tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok at paghihirap, at makababalik sa Kanyang piling matapos ang pagsubok na ito sa lupa. Siya’y buhay at kilala at minamahal Niya tayo. Pagpapalain Niya tayo nang lubos kung lalapit tayo sa Kanya.