Pagpapaabot ng Tulong kay Anna
Margaret S. Lifferth
Utah, USA
Ilang taon na ang nakalipas, nagturo ako sa mga batang anim na taong gulang sa Primary. Si Anna ay kabilang sa aking listahan. Kilalang-kilala ko ang pamilya nila kaya alam kong naghiwalay ang kanyang mga magulang at siya ay naninirahang kasama ng kanyang ama. Bihira silang magsimba.
Dumaan ako sa bahay upang makipagkita kay Anna at sa kanyang ama at anyayahan si Anna sa Primary. Tila interesado si Anna, ngunit hindi siya kailanman dumating. Tuwing umaga ng Linggo sa loob ng maraming linggo, tinawagan ko siya sa bahay upang anyayahan siya sa Primary. Walang sumasagot sa telepono, ngunit palagi akong nag-iiwan ng mensahe na nagsasabi kay Anna kung gaano ako masisiyahan na makita siya sa Primary.
Isang umaga ng Linggo, naroon si Anna. Tinulungan siya ng kanyang ama na maghanda para sa Primary suot ang kanyang pinakamagandang damit pangsimba at pagkatapos ay inihatid sa simbahan. Masayang makita siya, malugod ko siyang tinanggap at tinulungang makilala ang iba pang mga bata sa klase.
Nagkaroon kami ng lesson, kumanta ng mga awitin, at nagkaroon ng aktibidad na pagkukulay sa pagtatapos ng klase. Habang papaalis ang mga bata, lumapit si Anna sa akin at inilagay ang isang lukot na piraso ng papel sa aking mga kamay. Noong una, akala ko ay basura ito. Itatapon ko na sana ito, ngunit inudyukan ako ng Espiritu na buklatin ito. May isinulat si Anna sa papel para sa akin. Sa sulat-kamay ng isang anim na taong gulang, sinabi rito, “Mahal kita.”
Hindi ako gaanong kilala ni Anna para mahalin niya ako. Ang alam lang niya sa akin ay isang tinig sa kanyang answering machine na nag-aanyaya sa kanya sa Primary. Ngunit ang munting pagsisikap na iyon na magpaabot ng tulong sa kanya ay nakatulong kay Anna na malaman na may nagmamalasakit sa kanya at nais siyang matulungan na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
Nakikita ko si Anna sa Primary paminsan-minsan at ang kanyang ama ay nagsimulang dumalo rin nang pasulpot-sulpot sa simbahan. Ngunit nang magbago muli ang mga pangyayari sa kanilang pamilya, hindi na namin sila nakita nang madalas.
Naisip ko ang tungkol kay Anna sa paglipas ng mga taon. Buong puso akong umaasa na naaalala niya ang kanyang panahon sa Primary. Maaaring matandaan niya ang ilan sa natutuhan niya, ngunit umaasa akong higit na naaalaala niya na nadama niya ang pag-ibig ng Panginoon, ang kapanatagang hatid ng Espiritu, at ang pagmamahal ng isang guro.