Ang Aking Pangarap na Nagkatotoo
Valencia Hung
New South Wales, Australia
Ipinanganak ako sa Hong Kong, China. Noong bata pa ako, pinangarap ko na manirahan sa isang magandang bansa na napapalibutan ng kalikasan.
Matapos akong lumaki at makapag-asawa, lumipat kaming mag-asawa sa Australia. Siya ay isang dalubhasang mekaniko at binigyan ng visa para makapagtrabaho, na nagpapahintulot na manatili kami sa Australia sa loob ng apat na taon. Nang pareho kaming nagtatrabaho, nakatanggap kami ng karagdagang apat na taon na palugit sa aming mga visa.
Sa panahong ito, nagtrabaho kami para mapabuti ang aming sitwasyon upang makapag-aplay kami para sa permanenteng paninirahan. Hindi namin kayang bayaran ang mga klase sa Ingles, ngunit tinutulungan kami ng isang kasamahan sa aming ward na matuto. Gayunman, sa pagtatapos ng walong taon, mukhang kailangan pa rin naming umalis sa Australia. Nag-ayuno at nanalangin kami upang makahanap ng paraan upang manatili doon. Nag-ayuno at nanalangin din ang aming ward para sa amin.
Tila wala ng pag-asa ang aming kalagayan. Nagsimula kaming mag-impake at magplano para sa aming pagbabalik sa Hong Kong. Isang gabi tumawag ang isang kaibigan at nagtanong tungkol sa aming mga visa. Ipinaliwanag namin ang aming sitwasyon at sinabi niya sa amin na may kilala siya na isang ahente ng imigrasyon na maaaring makatulong.
Kinabukasan ay nakipagkita kami sa ahente. Agad na pinayapa niya ang aming pag-iisip. Isusumite niya ang mga papeles para sa isang extension sa ibang visa—isang permanent-residency visa na nangangailangan ng paglipat namin mula Sydney patungong kabukiran.
Lumipat kami sa isang lungsod na mga isa’t kalahating oras ang layo sa hilaga ng Sydney. Natagpuan namin ang isang bahay na malapit sa isang kapilya, na napapalibutan ng mga luntiang berdeng dahon ng Australia. Mahal namin ang aming bagong tahanan at ward.
Di nagtagal kami ay nabigyan ng pansamantalang visa. Patuloy kaming nanalangin ng aking asawa. Nag-ayuno siya tuwing Linggo sa loob ng anim na buwan. Binasa namin ang mga banal na kasulatan araw-araw at dumalo sa templo bawat linggo.
Pagkatapos, isang araw ay nakatanggap kami ng tawag mula sa ahente ng imigrasyon. Kinailangan naming bumalik sa opisina sa Sydney at ibigay ang aming mga pasaporte. Ibinalik ang mga iyon sa amin na natatakan ng pag-apruba para sa permanenteng paninirahan. Nagpasalamat kami sa Ama sa Langit para sa pagpapalang ito. May pananampalataya kami na sasagutin ang aming mga panalangin, at nangyari nga. At ang pangarap kong manirahan sa isang bansa na napapalibutan ng kalikasan ay nagkatotoo.