Ang Piliing Sumulat
Ang awtor ay naninirahan sa Rhineland-Palatinate, Germany.
“At sila ay malayang makapipili” (2 Nephi 2:27).
Tuwid na tuwid ang upo ni Justina. Ipinatong niya ang mga bago niyang lapis sa kanyang mesa. Ngayon ang unang araw ng pasok sa paaralan. Nakilala na niya ang mga kaklase at gumuhit ng isang masayang larawan.
Pagkatapos ay sinabi ni Gng. Werner, “Oras na para magsulat!” Namigay ng mga papel si Gng. Werner sa klase. “May 30 minuto kayo para gawin ito. Pagkatapos, magre-recess na tayo.”
Napalunok si Justina. “Lagot na. Magsusulat agad?” sa isip-isip niya.
Noong nakaraang taon ay nahirapan si Justina sa pagbabasa at pagsusulat. Lahat ng kanyang mga kaibigan ay tila gusto ito. Hindi ito masyadong mahirap para sa kanila. Paano kung maulit ang nangyari noong nakaraang taon sa taong ito?
Dinampot ni Justina ang kanyang lapis. Pinagmasdan niya ang kanyang papel. Sumakit ang kanyang tiyan. Lahat ng iba pang mga estudyante ay nagsusulat. Maliban sa kanya.
Gusto niyang kausapin si Gng. Werner. Magagalit ba siya dahil nahihirapan si Justina? Kahit pa magalit siya, mas mainam pa iyon kaysa sa pagsusulat.
Lumapit si Justina sa mesa ng kanyang titser. “Gng. Werner? Mas mahirap po ito kaysa sa ginawa ko noong nakaraang taon. Sa tingin ko po hindi ko kayang gawin ito.”
Mukhang hindi naman nagalit si Gng. Werner. Nginitian niya si Justina. “Gawin mo ang kaya mo. Baka magulat ka kung ano ang kaya mong gawin! Hindi mo palaging mapipiling gawin kung saan ka magaling. Pero makapipili ka palagi na magsikap nang husto.”
Bumalik sa kanyang mesa si Justina. Pinag-isipan niya ang sinabi ni Gng. Werner. “Pipiliin kong sumubok.” Gaya rin ito ng natutunan niya sa Primary. Binasa ng kanyang klase ang isang talata sa mga banal na kasulatan na nagsasabing tayo ay “malayang makapipili.” Ibig sabihin nito maaari tayong gumawa ng sarili nating pagpili. Nagtitiwala ang Ama sa Langit na makagagawa tayo ng mabubuting pagpili. Nangangako Siyang tutulungan tayo kapag nagkakamali tayo.
Maiiba kaya ang takbo ng klase sa taong ito? Marahil magagawa niyang piliin na maiba ito! Dinampot ni Justina ang kanyang lapis. Pinagmasdan niya ang kanyang papel. Kumalma ang kanyang tiyan. “OK. Gagawin ko ito,” sa isip-isip niya.
Tumunog ang bell at recess na. Hindi pa nakakatapos si Justina. Ngunit kaunti na lamang at matatapos na siya! Itinaas niya ang kanyang kamay. “Maaari po bang maiwan na lamang ako at magpatuloy sa paggawa? Malapit na po akong matapos!”
Ngumiti si Gng. Werner at tumango.
Sa wakas at naipasa na rin ni Justina ang kanyang papel. Sumakit nang kaunti ang kamay niya. Sumakit din ang ulo niya! Ngunit nakangiti siya. Kahit kailan ay hindi pa siya nagsikap nang ganito sa pagsusulat.
Nang sumunod na araw nagbasa naman sila sa klase. Sinabi ni Gng. Werner sa lahat na magbasa sa loob ng 20 minuto. Muling sinubok ni Justina na gawin ito. Binuklat niya ang kanyang aklat at binigkas ang mga salita.
Nagsimulang gumawa si Justina ng mga pagpili sa araw-araw. Pinili niyang magbasa. Pinili niyang magsulat. Siguro ay hindi ganoon kahirap ang magbasa at magsulat!
Pinili rin niyang magpunta sa library. Tumingin siya ng mga aklat. Noong nakaraang taon ni hindi niya ito ginawa. Hindi nagtagal palagi na siyang nagbabasa. At talagang masaya iyon! At mas lalo siyang nagbabasa, mas humuhusay siya sa pagsusulat.
Nang lumaki na si Justina, nagalak siya na pinili niyang magsikap sa pagbasa at pagsulat. Dahil ngayon ang mga iyon ay ilan sa mga bagay na paborito niyang gawin.