2018
Ang mga Visiting Teacher ay mga Sugo ng Diyos
March 2018


Sa Pulpito

Ang mga Visiting Teacher ay mga Sugo ng Diyos

Sister Alice Smith

Larawan ni Sister Smith sa kagandahang-loob ng kanyang pamilya; kuwadro mula sa Getty Images

sisters praying together

Nang umakyat si Jesus sa mga tuyong burol ng Galilea o dumaan sa maalikabok na mga kalsada ng Judea, sumalubong sa Kanya ang lahat ng uri kahirapan, sakit, at pagdurusa. Nakita Niya ang makasalanang nagsisisi at di-nagsisisi. Sumalubong sa Kanya ang mga nagdurusa. At nagmula sa mga karanasang ito at sa Kanyang malawak na pang-unawa ang Kanyang mahabaging paanyayang, “Magsiparito sa akin.”

Noong 1830, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na ang Diyos ay “siya ring hindi nagbabagong Diyos” [D at T 20:17]. Kaya nga, hindi nakakagulat na noong Hulyo 28, 1843, 16 na kababaihan ang itinalagang “hanapin ang mga maralita at nagdurusa … para matugunan ang pangangailangan ng lahat ng tao.”1 Labing-anim sa isang mundong milyun-milyon ang mga tao. Ngunit kinailangang magkaroon ng simula. Noong 1843, 16 na visiting teacher, ngayon [1969], mahigit 100,000; bukas 200,000; at sa makalawa dalawang milyon.

Ilang linggo pa lang ang nakalilipas, nakita ko ang isang butihing kaibigan. Maraming taon siyang naging aktibo sa Relief Society. … Tinanong ko siya kung ano tungkulin niya sa Simbahan ngayon. Kapansin-pansin ang sandali ng katahimikan. Pagkatapos, sumagot siya, “Ah, visiting teacher lang ako.” Visiting teacher lang! Nang maghiwalay kami, naisip ko, ano kaya ang madarama niya kung sinabi sa kanya ng Tagapagligtas, “Nais kong maging sugo kita. Nais kong sabihin mo sa kababaihan [na binibisita mo] na mahal ko sila, at nag-aalala ako sa nangyayari sa kanila at sa kanilang pamilya. Nais kong tulungan mo ako, na bantayan ang mga babaeng ito, na pagmalasakitan sila upang maging maayos ang lahat sa aking kaharian.” Kung nagkita kami pagkatapos ng pag-uusap na iyon, hindi kaya maiba ang kanyang sagot? Hindi ba tinawag na siya ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang priesthood na tulad ng gagawin Niya kung magkaharap sila?

Ilan sa ating mga visiting teacher ang nag-iisip na sila ay “mga visiting teacher lang”?

Ibinigay sa visiting teacher ang malaking responsibilidad na hanapin ang mga nangangailangan. Dagdag pa rito, sasabihin niya sa lahat ng babae sa pagbisita niya na may nagmamalasakit sa kanila at na nagmamalasakit ang Diyos sa kanila.

… Hindi siya dapat magmadali sa huling araw ng buwan at magsabing, “May ilang minuto lang ako—alam kong nabasa mo na ang mensahe at mas alam mo ito kaysa sa akin, at hindi mo naman kailangan iyon. Kumusta ka na, at magkita tayo sa Relief Society sa susunod na linggo.” Dapat ipadama ng visiting teacher ang kanyang pagmamahal na magpapala kapwa sa kanyang binisita at sa tahanan nito. …

… Bawat taon habang lumalago ang Simbahan, lalong lalaki ang pangangailangan sa mga visiting teacher. … Tutulong silang labanan ang kalungkutang laganap sa mundo at ang kawalan ng habag na karaniwan sa malalaking lungsod. Aalagaan nila ang mga estranghero, ang balo, ang ulila, ang sugatan, ang nababalisa, ang lahat ng babae nang may malasakit at pagmamahal. … Tutulong silang ibsan ang pagdurusa ng katawan, puso, at isipan. Tutulungan nila ang makasalanan at aaliwin ang nalulungkot. Dadalhin nila ang mensahe ng pagmamahal ng ebanghelyo sa lahat ng kababaihan sa buong mundo. …

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” [Mateo 11:28–30].

Pagpalain ng Diyos ang mga visiting teacher. Dahil kapag nagtutulungan ang lahat, malambot ang pamatok, at magaan ang pasan.

… Nawa’y laging magkaganito, ang dalangin ko. Amen.

Tala

  1. Dating Relief Society Handbook, p. 29. Tingnan sa Handbook of the Relief Society of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (1931), 29.