Digital Lamang: Mga Young Adult
Para sa mga Missionary na Mayroong Problema sa Kalusugang Pangkaisipan
Ibinahagi ng dalawang young adult kung paano sila nagsikap na malampasan ang kanilang mga problema sa kalusugang pangkaisipan habang naglilingkod sa kanilang misyon.
Ang full-time mission ay maaaring maging isang kagila-gilalas na pinagmumulan ng mga pagpapala—kapwa para sa mga missionary at sa mga taong pinaglilingkuran nila. Tulad ng sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang misyon ay maglalaan ng pambihirang mga pagpapala sa iyo ngayon at sa buong buhay mo. …
“… Pinatototohanan ko na ang tapat na pagmimisyon nang full time ay pinagmumulan ng malaking kaligayahan at saganang mga pagpapala” (“Panahon Na para Magmisyon!” Liahona, Mayo 2006).
Ngunit ang pagmimisyon ay maaari ring maging isang di-inaasahang napakahirap na karanasan. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang gawaing misyonero ay mahirap. Inuubos nito ang lakas, sinasagad ang kakayahan, at hinihingi ang matinding pagsisikap ng isang tao. … Wala nang ibang gawain na nangangailangan ng mas mahabang oras o higit na katapatan o malaking sakripisyo at taimtim na panalangin” (“That All May Hear,” Ensign, Mayo 1995, 49). Bilang isang missionary, ginugugol mo ang buong araw kasama ang isang tao na maaaring kasundo mo o hindi, paulit-ulit kang nakararanas ng pagtanggi at oposisyon, at wala kang pang-araw-araw na kaginhawahan ng tahanan at malalapit na mahal sa buhay para tulungan kang magpatuloy. Ang lahat ng bagay na ito ay maaaring magkaroon ng epekto sa iyong kalusugang emosyonal at pangkaisipan bilang isang full-time missionary.
Hindi magkakapareho ang pag-iisip ng mga tao, kaya kung napapansin mong nahihirapan ka, sumangguni sa Ama sa Langit, sa iyong mission president, o sa iyong kompanyon para makahanap ng mga solusyon na babagay sa iyo. Ibabahagi namin dito ang mga karanasan ng dalawang young adult na nagsikap na malampasan ang kanilang mga problema sa pagkabalisa at depresyon habang naglilingkod ng full-time mission.
Bago pa man ako umalis para magmisyon sa Pennsylvania, USA, nagsimula na akong makaranas ng pagkabalisa. Ipinagpaliban ang aking planong magmisyon para mapawi ang nararamdaman ko. Gusto ng aking mission president na nasa maayos na kalagayan ang aking isipan dahil ang mga misyon ay maaaring maging sanhi ng matinding stress at pagkabalisa.
Nagsikap akong gawing maayos ang aking kalusugang pangkaisipan at pagkatapos ay umalis ako para magmisyon nang makatanggap ako ng clearance mula sa aking counselor.
Maayos naman ang lahat hanggang sa makarating ako sa aking pangatlong area. Mula sa hindi namin pagkakasundo ng aking kompanyon hanggang sa problema sa paghahanap ng mga taong tuturuan, biglang tumindi nang husto ang aking pagkabalisa hanggang sa punto na halos hindi na ako makabangon sa higaan tuwing umaga. Mayroong mga pagkakataon na nakaramdam ako ng napakatinding pagkabalisa kaya halos hindi na ako makahinga, at nakaranas ako ng depresyon sa ilang sitwasyon. Kalaunan ay humingi ako ng tulong sa aking mission president, na mapagmahal na nagmungkahi na makipag-usap ako sa mga counselor para sa kalusugang pangkaisipan sa aking misyon. Nakatulong ang pakikipag-usap sa kanila, ngunit hindi nito nalutas nang lubusan ang problema.
Ang nakatulong na umayos ang aking kalagayan ay ang mga pamamaraan at gawain na natutuhan ko mula sa counseling. Ginamit ko ang mga ito para mapanatiling maayos ang aking kalusugang pangkaisipan. Hindi lubusang napawi ng mga ito ang aking pagkabalisa, ngunit nakatulong ang mga ito na makayanan kong ipagpatuloy ang aking paglilingkod sa misyon.
Narito ang aking mga payo para makayanan ang pagkabalisa sa iyong misyon:
Pisikal:
Pangalagaan ang iyong sarili! Ang pagbabasa ng iyong mga banal na kasulatan at pananalangin ay makatutulong na pagalingin ang iyong espiritu, ngunit kung kailangan mo ng personal na panahon araw-araw para mapangalagaan ang iyong sarili (siguro sa oras ng pagkain o kapag naghahanda kang simulan ang araw o matulog), gawin itong prayoridad para mapanatiling maayos ang iyong kalusugang pangkaisipan.
Hangga’t maaari, gawin ang mga bagay na nasisiyahan kang gawin. Maaaring pinaglilingkuran mo ang Panginoon, ngunit ikaw pa rin iyan! Magsulat sa iyong journal, magdrowing, kumanta, makinig sa musika, makipag-usap sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay kapag preparation day, sumulat ng liham—gawin ang mga bagay na nakatutulong sa iyo na makaramdam ng kapayapaan.
Magsulat ng limang bagay na pinasasalamatan mo bawat araw. Sa katunayan, ang paggawa nito ay makapagpapabago ng iyong utak para maging mas maayos ito.
Maaaring uminom ng mga gamot na aprubado ng doktor kung kailangan.
Ipaalam sa iyong kompanyon kung nahihirapan ka at kung paano ka niya matutulungan.
Mag-yoga, magnilay, o magkaroon ng kamalayan habang nag-eehersisyo ka sa umaga o sa gabi.
Makipag-usap sa isang propesyonal na counselor para sa kalusugang pangkaisipan kung kailangan.
Espirituwal/Pangkaisipan:
Magkaroon ng isang “pangit” na journal para maisulat ang lahat ng iyong negatibong naiisip at nararamdaman at pagkabahala, ngunit huwag magtuon dito. Gawin mo ito para maipahayag ang mga nararamdaman mo at pagkatapos ay sumulong. Kung minsan ay makatutulong na lukutin o punitin ang pahina pagkatapos mong isulat ang mga nararamdaman mo; parang sumasagisag ito sa pagpapalaya sa mga negatibong naiisip at nararamdaman mong iyon.
Humingi ng basbas ng priesthood kapag kailangan mo ng karagdagang lakas.
Basahin nang madalas ang iyong patriarchal blessing.
Magtuon sa iyong mga kalakasan, hindi sa iyong mga kahinaan.
Labanan ang mga negatibong naiisip mo! Basahin ang “Pag-adjust sa Buhay-Missionary” para sa karagdagang tulong.
Basahin at pagnilayan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, lalo na ang mga mensaheng nakatuon sa kalusugang pangkaisipan, tulad ng “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!” ni Sister Reyna I. Aburto (Liahona, Nob. 2019, 57–59) at “Parang Basag na Sisidlan” ni Elder Jeffrey R. Holland (Liahona, Nob. 2013, 40–42).
Basahin ang mga banal na kasulatan at pagnilayan ang mga paraan kung paano nakahanap ng lakas at pananampalataya ang mga propeta at missionary sa harap ng kagipitan.
Ang maliliit at simpleng gawaing ito ay nagkaroon ng napakalaking impluwensya sa aking abilidad na maglingkod sa Panginoon nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Ang pagkakaroon ng problema sa iyong kalusugang pangkaisipan ay hindi dapat ikahiya, at palagi tayong makaaasa na makahanap ng lakas, pag-asa, at paggaling sa pamamagitan ni Jesucristo. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng napakaraming kasangkapan para mapanatiling malusog ang ating mga pag-iisip, katawan, at espiritu. Kailangan lang nating maging handang gamitin ang mga ito.
Faith Ferguson, Idaho, USA
Una akong nakaranas ng depresyon sa pagtatapos ng aking misyon sa South Africa. Nakapagtatakang hindi ako masaya. Nalulungkot ako, hindi gaanong positibo ang aking pananaw, at nanghihina ang aking pananampalataya. Bukod pa roon, mayroong sakit ang aking ina, at mayroon pang ibang mga pagsubok na kinakaharap ang aking pamilya. Nagkunwari ako na ayos lang ang lahat, ngunit hindi iyon totoo. Noong una, nakakayanan ko pa ang stress na nararamdaman ko, ngunit kalaunan ay bumigay rin ako. Nalulunod ako sa mga naiisip ko, at tila sumasalungat sa akin ang lahat ng bagay.
Pagod na pagod na ang aking puso’t isipan, kaya nagpasya akong mag-ayuno at manalangin para mapatnubayan. Dahil dito, nakatanggap ako ng tatlong partikular na pahiwatig:
Ang una ay makipag-usap sa aking mission president. Ang pagbabahagi tungkol sa aking mga problema ay nakatulong na mapagaan ang pakiramdam ko at malaman kong hindi ako nag-iisa.
Pangalawa, nakatanggap ako ng pahiwatig na ang pag-aaral tungkol kay Jesucristo ay makatutulong sa akin na malampasan ang pagsubok na ito. Nang mag-aral ako tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, naging malinaw sa akin na alam Nila ang aking pasakit at ramdam Nila ang aking kalungkutan. Sa Kanila ako kumuha ng lakas noong nanghihina ako.
Ang ikatlong pahiwatig ay nagmula sa isang sipi mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley: “Paglilingkod ang pinakamabisang lunas sa pagkaawa sa sarili, kasakiman, kawalang pag-asa, at kalungkutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 229.) Nang magtuon ako sa ibang tao at sa paglilingkod sa kanila, sa paglipas ng panahon ay nakaramdam ako ng higit na kaligayahan, lakas ng loob, at tiwala sa Ama sa Langit.
Natapos ko ang aking misyon, ngunit muling umatake ang depresyon noong aking unang ilang buwan sa unibersidad. Kalilipat ko lang noon sa Malaysia mula sa Zambia at malayo ako sa aking mga kaibigan at kapamilya. Ni hindi ko alam kung saan nagtitipon ang mga miyembro ng branch para magsimba.
Patuloy akong umasa at nakaramdam ako ng pahiwatig na muling mag-ayuno at manalangin para mapatnubayan. Mula roon, inakay ako na makipagkaibigan sa isang babae sa aking klase na tumulong sa akin na hanapin ang pinakamalapit na branch. Habang naglalakad ako papasok sa simbahan noong unang araw na iyon ng Linggo, naramdaman kong pinagaan ng Espiritu Santo ang aking pasanin. Alam ko na maaari kong sundan ang mga hakbang sa paggaling na ginawa ko sa aking misyon. Muli, nakipag-usap ako sa aking mga lider sa Simbahan para humingi ng tulong, pinag-aralan ko ang buhay at ang mga turo ng Tagapagligtas, at pagkatapos ay nagtuon ako sa paglilingkod sa ibang tao. Ako ay nakahanap ng mga taong kakausapin at tutulungan, tumulong sa ibang estudyante sa paaralan, at tumanggap ng tungkulin sa Simbahan.
Napakarami kong natutuhan tungkol sa kalusugang pangkaisipan dahil sa naranasan kong depresyon. Maaaring masyado tayong abala para kumustahin ang ating mga sarili o ang mga taong nakapaligid sa atin, ngunit kailangan nating magbahagi sa iba tungkol sa ating mga problema—para sa ating sariling kapakanan at para na rin sa kanilang kapakanan. Ang kasalanan, kalungkutan, pighati, kabiguan, at dalamhati ay maaaring makaapekto sa emosyon, pag-iisip, at espirituwalidad ng bawat isa sa atin. Ang isa sa pinakamahihirap na bahagi ng depresyon ay maramdamang malayo ka sa Diyos.
Ngunit kailanman ay hindi tayo nag-iisa. Kapag nahihirapan tayo, maaari tayong magtuon sa paglapit kay Cristo, dahil kaya Niyang palakasin ang mahihinang bagay (tingnan sa Eter 12:27).
Alam ko na mahal tayo ng Diyos at tayo ay Kanyang mga anak. Kung tayo ay aasa kay Jesucristo at susunod sa Kanyang mga kautusan, tayo ay pagpapalain at palalakasin. Dahil sa Kanya, nakatatanggap ako ng lakas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at patuloy kong natatamasa ang mga pagpapala ng kapayapaan at kagalakan.
Akasiwa Wamunyima, Malaysia