Paano Pinalakas ng Hindi Pagkakaroon ng Anak ang Aking Patotoo sa Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak
Ang pagkakaroon ng mga anak ay hindi kailanman naging isang malaking prayoridad para sa akin, ngunit noong bigla akong naharap sa posibilidad na maaaring hindi na talaga ako magkaroon ng mga anak, nagbago nang lubusan ang aking puso.
Sumapi ako sa Simbahan sa edad na 16 at sa edad na 17, sa kabila ng lahat ng balakid, ako ay umalis sa England at pumunta sa America para matakasan ang kahirapan. Talagang nag-iisa at takot na takot ako, ngunit determinado ako. Mayroon lang akong iisang plano: ang maging mayaman at sikat. Ilang taon bago iyon, nakapanood ako ng isang dokumentaryo tungkol sa mga bahay-ampunan sa Romania na lubhang nakaimpluwensya sa aking bata pa at mapusok na puso. Nakaranas din ako ng trauma noong bata pa ako, kaya nagtakda ako ng mithiin na magkaroon ng sapat na pera para pondohan ang isang bahay-ampunan at makagawa ng tunay na kaibhan sa mundo.
Hindi ko pa alam noon kung gaano kalayo rito ang aking magiging buhay. Ikinasal ako sa edad na 25, at hindi nagtagal ay sumapi rin sa Simbahan ang aking asawa. Noong panahong iyon ay medyo matagumpay na ako, ngunit naghangad pa rin ako ng tunay na “tagumpay” (o ng inaakala ko noon na tagumpay: kasikatan at kayamanan). Naghangad akong makagawa ng malaking kaibhan. Nakapagtataka na hindi ko ninais mabuntis, ngunit nagkaroon ako ng malakas na pakiramdam na wala kaming dapat gawin na anuman para maiwasan ang pagbubuntis. At tama nga ang hinala ko dahil pagkatapos ng halos isang taon, hindi pa rin ako nabubuntis.
Pagharap sa Hindi Pagkakaroon ng Anak
Noon pa man, mahilig na ako sa mga bata, bagama’t hindi kasama sa aking mga plano ang pagkakaroon ng higit pa sa isa o dalawang anak sa malayong hinaharap. Hindi ko naisip na labis akong malulungkot kung hindi na talaga ako magkaroon ng mga anak, ngunit noong bigla akong naharap sa napakalaking posibilidad na iyon, nanlumo ako.
Sa loob ng sumunod na dalawang taon, ako ay nagalit, napuno ng hinanakit, at naging desperado. Lumabas ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” noong panahon na nagpakasal ako, at nagkaroon ng negatibong epekto sa akin ang mensaheng iyon dahil pakiramdam ko ay hindi ko kayang gampanan ang aking tungkulin na magkaroon ng mga anak. Noong bumisita kaming mag-asawa sa mga doktor, hindi sila makahanap ng anumang dahilan kung bakit hindi kami magkaroon ng anak. Tila hindi ito makatarungan. Napaisip ako kung bakit nagawa ito ng Diyos sa akin. Lingid sa aking kaalaman, unti-unting nabago ang aking puso. Noon pa man, palagi na akong nakatuon sa tagumpay, ngunit ngayon, sa unang pagkakataon sa aking buhay, nais kong magkaroon ng anak higit sa anupaman.
Sa paglipas ng panahon, mas lalo ko pang naramdaman na ako ay kinalimutan, desperado, nag-iisa … iniwan ng Diyos. Nagkunwari akong masaya, ngunit walang nakaunawa kung ano talaga ang pinagdaraanan naming mag-asawa. Isang araw, kinausap ko ang lola ng aking asawa, na isang napakatalino at espirituwal na tao. Nang ibahagi ko ang aking mga nararamdaman sa kanya, sabi niya, “Alam mo, marami pang ibang paraan para maging isang ina.” Naramdaman kong tumagos sa aking puso ang kanyang mga sinabi. Ako ay nagpakumbaba. Alam ko na ito ay isang sagot mula sa Ama sa Langit. Nakatuon lang ako sa pagkakaroon ng anak sa pamamagitan ng sarili kong katawan. Nagkaroon kami ng kaunting pag-asa nang pag-isipan namin ang iba pang opsiyon. Kami ay nag-ampon.
Pagsaksi sa Kamay ng Panginoon sa Aking Buhay
Hindi nagtagal, dumating ang unang sanggol na inampon namin, si Benjamin. Talagang naging malapit ako sa kanya, ngunit nakaramdam ako ng mahinang pahiwatig na hindi namin siya makakasama magpakailanman. Dinamdam ko ang ideyang iiwan niya kami. At naging desperado ako na magkaroon ng isang sanggol na mananatili sa akin. Ang Family Services ng Simbahan ay tumutulong noon sa mga mag-asawa na mag-ampon, kaya nagpunta ako sa aking bishop para kumuha ng impormasyon. Noong sumunod na linggo, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang social worker na naghahanap ng mag-aampon sa isang sanggol na nasa bahay-ampunan. Labis ko itong ikinatuwa. Sa kabila ng posibilidad na maaaring ang sanggol ay mayroong problema sa paglaki, nasaksihan namin na pinapatnubayan kami ng kamay ng Panginoon at nagkaroon kami ng pananampalatayang magpatuloy. Hindi ako magsisinungaling—natakot ako. Ngunit naramdaman kong tama ito, at ang sanggol na si Daniel ay dinala sa aming tahanan noong gabi ring iyon.
Pagkalipas lang ng ilang araw, siya ay nagkaroon ng malubhang sakit, isinugod sa ospital, at nag-agaw-buhay. Umupo ako sa tabi ng kanyang kuna sa loob ng 11 araw, pinaghahalinhinan ang pananalangin at pag-iyak para sa kanya. Hindi ako umalis sa ospital ni minsan. Noong dumating ang mga tunay na magulang ni Daniel para makita siya (hindi pa noon tapos ang proseso ng pag-aampon), naroon ako, mukhang binagyo! Ngunit tila malayo ang loob nila at hindi sila nagpakita ng anumang emosyon nang makita nila siya.
Ito ay naging matinding sandali ng kaliwanagan para sa akin. Napagtanto ko noon na ako talaga ang ina ni Daniel! Hindi mahalaga na hindi ako ang nagsilang sa kanya—nakatakda siyang mapasaakin. Marami akong natutuhan tungkol sa pagiging ina sa loob ng 11 araw na iyon. Handa akong gawin ang anumang bagay para sa kanya.
Naligtas ang buhay ni Daniel. Bumalik si Benjamin sa kanyang tunay na pamilya. Ngunit ang Panginoon ay nanatili sa aming tabi. Mula noon, kami ay nakapag-ampon pa ng anim na anak at mahimalang nagkaroon ng dalawang anak na galing mismo sa amin. Nais kong ipagsigawan ang mga himalang nasaksihan ko sa aking buhay. Mayroon akong patotoo sa pangako ng Ama sa Langit sa atin na maaari nating matanggap ang mga pagpapalang hinahangad natin, maging sa mga paraan o panahon na maaaring hindi natin inaasahan (tingnan sa 2 Nephi 10:17; Alma 37:17).
Tayong Lahat ay Mayroong Lugar sa Kanyang Plano
Ang pagkakaroon ng siyam na anak ay mahirap kung minsan. Ito ay nangangahulugang walang humpay ang paglalaba, iba’t iba ang kanilang mga katangian, at mayroong kanya-kanyang isyu ang bawat isa. Ngunit alam ko na silang lahat ay hulog ng langit. Sa totoo lang, tila ang aking pangarap na makagawa ng kaibhan at magkaroon ng sarili kong bahay-ampunan ay nagkatotoo naman!
Ang hindi ko pagkakaroon ng anak noon ay umakay sa akin tungo sa aking pinakamagagandang pagpapala. Sa aking palagay, kinailangan ko talagang magpakumbaba para masunod ko ang kalooban ng Diyos sa halip na ang sa akin. Naranasan ko ang “malaking pagbabago ng puso” (tingnan sa Alma 5:13). At sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagsunod, ako ay pinatnubayan Niya. Biniyayaan Niya ako ng mga panaginip, pangitain, at himala na umakay sa akin tungo sa bawat bata. Noon pa man ay mayroon na Siyang plano para sa akin! At kahit pakiramdam ko ay nakalimutan na ako, naroon Siya.
Ang hindi pagkakaroon ng anak ay maaaring maging napakadilim at napakalungkot. Naaalala ko ang mga araw na iyon na mahirap magsimba nang walang kasamang anak—noong ang paghahayag tungkol sa mag-anak ay masakit sa damdamin. Hindi ko pa nauunawaan noon ang nauunawaan ko ngayon. Ang magigiliw na mga salita sa pagpapahayag ay angkop sa akin noon pa man. Anuman ang ating kalagayan, ang bawat isa sa atin ay mayroon talagang lugar sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit.