Digital Lamang: Mga Young Adult
Sa Wakas ay Inamin Ko Rin na Nagkaroon Ako ng Depresyon. Tinulungan Ako ni Cristo na Makalabas sa Kadiliman
Matagal kong itinangging kailangan ko ng tulong, ngunit ibinigay sa akin ng Tagapagligtas ang pag-asa at liwanag na kailangan ko.
Tila bigla na lang nabalot ng kadiliman ang aking paligid. Nagsimula akong mabalisa at magkaroon ng depresyon dahil sa lahat ng hindi nalutas na isyu sa aking buhay. Nawalan ako ng kumpiyansa sa aking sarili, nagsimula akong magduda sa aking pananampalataya, at marami pang iba. Tila maging ang maliliit na paghihirap ay naging napakalaki, at ang aking magandang buhay ay biglang naging magulo.
Pakiramdam ko ay nakikipaglaban ako sa mga demonyo sa aking isipan.
Tila nilalamon ako ng kadiliman. At habang patuloy na lumalala ang mga nararamdaman kong ito, nagsimula akong magkaroon ng mga tanong sa aking sarili tulad ng, “Ano kaya kung wala na ako rito? Mayroon kayang pakialam ang mga tao kung magkagayon?” At sumasagot ang mga demonyo sa aking isipan ng, “Alabok ka lang sa sansinukob. Wala ni isang makapapansin kung mawala ka.”
Napuno ako ng takot dahil sa mga naiisip kong ito.
Ngunit habang nangyayari ang lahat ng ito sa aking isipan, kumikilos ako nang normal. Nakikipag-usap ako sa aking pamilya na parang normal lang ang lahat—dahil sa takot, hindi ko ipinaalam sa ibang tao ang mga nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang ibahagi kung gaano kagulo ang aking isipan.
Ikinaila ko rin na mayroon akong problema. Sinabi ko sa aking sarili na imposibleng magkaroon ako ng depresyon. Ayaw kong aminin na kailangan ko ng tulong. Takot na takot ako na kung malaman ng mga tao ang iniisip at nararamdaman ko, tatalikuran nila ako o iisipin nila na ako ay mahina o baliw. Hiyang-hiya ako na hindi ako makalabas sa kadiliman.
Pag-amin sa Wakas na Kailangan Ko ng Tulong
Nagpatuloy ako na maging ganito hanggang isang araw ay nakahanap ako ng kapanatagan sa mga salita ni Elder Jeffrey R. Holland. Sabi niya: “Kung kayo ay may apendisitis, aasahan ng Diyos na magpapabasbas kayo sa priesthood at magpapagamot sa pinakamahusay na doktor. Gayon din sa depresyon o emotional disorder. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito” (“Parang Basag na Sisidlan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 41).
Ang nakaaantig na mensaheng ito ay nakatulong sa akin na tanggapin sa wakas na nararanasan ko ang realidad ng pagkakaroon ng problema sa kalusugang pangkaisipan at na wala akong dapat ikahiya sa paghingi ng tulong. Higit sa lahat, napaalalahanan ako na hindi ako mahina at na maaari akong gumaling.
Noong gabing iyon, sinabi ko ang pinakataimtim na panalanging nasabi ko sa aking buhay. Habang humihikbi, nagpakumbaba ako at ibinuhos ko sa Ama sa Langit ang nilalaman ng aking puso. Humingi ako sa Kanya ng patnubay para malaman kung ano ang dapat kong gawin.
Pagkatapos ng panalanging iyon, nakatanggap ako ng pahiwatig na kausapin ang aking bishop. Siya ay mabait at maunawain—na hindi ko na dapat ikinagulat. At agad niya akong tinulungan na makaramdam ng kapayapaan at matinding kapanatagan mula sa aking mapagmahal na Ama sa Langit. Tinulungan niya akong malaman na nauunawaan ng Tagapagligtas ang lahat ng pinagdaraanan ko, kahit hindi ko nauunawaan ang lahat sa aking sarili. Tinulungan din niya akong gamitin ang mga kasangkapang kailangan ko.
Paggamit ng Lahat ng Kasangkapan ng Diyos
Nalaman ko na ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan ay maaaring mapagaan sa pamamagitan ng pananampalataya at, siyempre, sa pamamagitan ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo, ngunit ang pagpapagaling na iyon ay kailangan ding suportahan ng iba pang mga resource kung minsan. Nakaramdam ako ng lakas at pag-asa at liwanag na nanggaling kapwa sa mga espirituwal at temporal na kasangkapan. Narito ang ilang gawain na naghahatid ng liwanag sa aking buhay araw-araw na maaari mo ring subukan:
-
Simulan at tapusin ang iyong araw sa isang taimtim na panalangin—magtanong ng mga partikular na bagay, humingi ng patnubay, at magpasalamat.
-
Dapat mong malaman at tanggapin na ayos lang maging malungkot at umiyak kung minsan, basta huwag mo lang hayaang lamunin ka ng kalungkutan! Makipag-usap sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o mahal sa buhay para matulungan kang sumigla sa mahihirap na araw.
-
Kapag matutulog ka na sa gabi, ipagmalaki ang iyong sarili dahil nakatapos ka na naman ng isang buong araw! Ipaalala sa iyong sarili na malakas ka.
-
Magbasa ng mga banal na kasulatan at ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya o maging ng mga nagbibigay-inspirasyong aklat tungkol sa pagtulong sa sarili para malinang ang iyong isipan at ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.
-
Magtapat sa iyong mga mapagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya o sa iyong bishop para makahingi ng suporta. Matutulungan ka niyang makahanap ng counselor kung kailangan.
-
Dapat mong malaman na walang masama sa paghahangad ng propesyonal na tulong! Ang mga propesyonal ay maaaring maging napakalaking tulong sa pag-aaral na madaig at makayanan ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan. Ang pagsasamantala sa libreng counseling program sa aking unibersidad ay naging napakalaking tulong sa akin.
-
Huwag mahiya na makipagkita sa isang doktor o uminom ng mga gamot na pangontra sa depresyon—ang mga kasangkapang ito ay inihanda ng Ama sa Langit para tayo ay gumaling.
-
Gumawa ng gawain sa family history at ng gawain sa templo para matulungan kang maalala na ang ibang tao sa kabilang panig ng tabing ay nananalangin din para sa iyong paggaling! Ang mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” ay nagbibigay ng karagdagang kabatiran tungkol sa mga ipinangakong pagpapala ng paggawa ng gawain sa templo.
Pagkapit sa Liwanag ni Cristo
Sa loob ng mahabang panahon, hindi ko naisip na posibleng marinig ang tinig ng Espiritu o maramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa gitna ng depresyon. Pakiramdam ko ay patuloy akong lumulubog sa kailaliman ng kadiliman. Ngunit isang munting kislap ng liwanag mula sa Tagapagligtas ang tumulong sa akin na kumapit sa pag-asa. At sa pamamagitan ng pagtatapat tungkol sa aking mga problema, nalaman ko na marami sa aking mga kaibigan ang nakararanas din ng mga problema sa kalusugang pangkaisipan—at nagtulungan kami na iparamdam sa isa’t isa na hindi kami nag-iisa.
Kung sino ako noon bago ako bumaling sa Ama sa Langit para humingi ng tulong at kung sino ako ngayon ay dalawang tao na magkaibang-magkaiba. Hindi ako magkakaroon ng pananampalataya at patotoo kay Jesucristo na tulad ng mayroon ako ngayon kung hindi dahil sa panahon ng kadiliman na pinagdaanan ko. Labis akong nagpapasalamat para sa liwanag na dinadala Niya sa aking buhay na tumutulong sa akin na madaig ang mga demonyo at takot sa aking isipan. Alam ko na siya ay nagdusa para sa lahat ng ating paghihirap at na nauunawaan niya kung ano mismo ang pinagdaraanan natin (tingnan sa Alma 7:11–14) at sa piling Niya, maaari tayong palagiang kumapit sa pag-asa at liwanag.