Digital Lamang: Mga Young Adult
Pinili Kong Manatili. Narito ang mga Paraan Para Matulungan Mo ang Isang Tao na Manatili Rin
Nahirapan akong labanan ang depresyon at ang pag-iisip tungkol sa pagpapakamatay. At narito ang mga paraan na natulungan talaga ako ng mga tao na manatili.
Labing-apat na beses.
Labing-apat na beses nang mayroong bumigay sa aking utak na naging dahilan para isipin ko na hindi ko na kayang magpatuloy. Ang bawat isa sa mga pagkakataong ito ay napakasakit, ngunit puno ng mga himalang nagliligtas ng buhay.
Ang isa sa mga karaniwang tanong ng mga tao kapag nalalaman nila kung ano ang aking problema ay, “Ano ang maitutulong ko sa iyo?” Sa pagsisikap na sagutin ang tanong na ito at matulungan ang ibang tao sa kanilang mga pagsisikap sa pagmi-minister, nais kong ibahagi ang listahang ito ng 14 na bagay na pinakanakatulong na ginawa ng mga tao sa akin na nakapagbigay ng lakas sa akin na manatili.
-
Alamin kung ligtas sila sa kasalukuyang sitwasyon. Noong humingi ako ng tulong, tumugon kaagad ang mga tao sa pamamagitan ng mga tanong tulad ng: “Nag-iisa ka ba ngayon?” “Mayroon ka bang naiisip gawin?” “Maaari ba akong pumunta diyan para kausapin ka?” Ang mga tanong na ito ay makapagtutulot sa kanila na masuri kung ano ang nangyayari at magpasiya kung kailangan nilang mamagitan.
-
Tiyakin na hindi sila nag-iisa. Ang pag-iisa ay nagpapalala lang ng naiisip at nararamdaman nila hanggang sa tila hindi na nila makayanan ang mga ito. Sa mga sandaling naging mahina ako, tumulong ang aking mga kapamilya at kaibigan sa pamamagitan ng pagpunta sa aking bahay para kausapin ako o pagsundo sa akin para makasama ko sila.
-
Magpahayag ng pagmamahal. Ang dalawang simpleng salita na, “Mahal kita” ay nagsasabing, “Kailangan kita at gusto kong manatili ka. Kung mawawala ka, masasaktan ako, kaya pakiusap huwag kang sumuko.” Ang mga salitang ito ay nakapagbibigay sa akin ng lakas at nakadaragdag sa aking kakayahang magtiis.
-
Ipangako sa kanila na magiging maayos ang mga bagay-bagay. Sa aking pinakamahihirap na sandali, ako ay lubusang nalunod sa depresyon. Ang pagpapaalala sa akin ng isang tao na mayroong pag-asa, na ang nararamdaman ko sa kasalukuyan ay hindi magtatagal magpakailanman, ay nagbibigay sa akin ng isang bagay na muli kong mapanghahawakan. Hindi ko kayang unawain na ang mga bagay-bagay ay maaari pang maging maayos, ngunit kaya kong magtiwala sa pag-asa ng ibang tao.
-
Magbigay ng mahihigpit na yakap. Ang ganoong uri ng pisikal na ugnayan ay nagbibigay ng agarang kaginhawahan sa aking kumikirot na puso. Pakiramdam ko ay ligtas ako kapag nakabalot sa akin ang mga bisig ng isang tao at ang matinding pighati at takot ay nawawala nang ilang sandali.
-
Tulungan silang matugunan ang kanilang mga pisikal na pangangailangan. Kapag tila gumuguho ang lahat ng bagay sa aking mundo, ang pagtugon sa aking mga pangunahing pangangailangan ay mahirap. Naghahanda ng pagkain para sa akin ang aking asawa, pinaaalalahanan niya ako na uminom ng tubig, at tinutulungan niya ako na gawin ang mga bagay na kailangan para makatulog ako nang maayos sa gabi. Ang mga pangunahing pangangailangang ito ay tuwirang nauugnay sa pangangalaga ng iyong kalusugang pangkaisipan.
-
Ulit-ulitin, “Hindi ako titigil na mahalin ka. Hindi ka pabigat sa akin.” Sa pinakamahihirap na panahong iyon, lagi kong kinailangang madinig na hindi mawawala ang lahat ng taong nakapaligid sa akin dahil sa paghingi ko ng tulong.
-
Maging handang makinig at makipag-usap. Kapag napalilibutan ako ng kadiliman, mayroong isang milyong saloobin na umiikot sa aking isipan. Kung minsan, ang pakikipag-usap ay nagtutulot sa akin na malaman na ang mga saloobing iyon ay hindi makatwiran. Sa ibang pagkakataon, sa mga tugon ng ibang tao ako nakahahanap ng kaliwanagan at kapayapaan.
-
Ipaalala sa kanila na kailangan lang nilang harapin ang mga bagay-bagay nang paisa-isa. Kapag labis ang aking depresyon, hindi ako makapanatili sa kasalukuyan gaano ko man subukan. Sabay-sabay pumapasok sa aking isipan ang lahat ng bagay na kailangan kong gawin sa hinaharap. Kapag mayroong tao na nagpapaalala sa akin na huwag alalahanin ang mga bagay na ito, naiibsan ang aking stress.
-
Hilingin sa kanila na ipangako sa iyo na sila ay mananatili at patuloy na hihingi ng tulong. Ang mga pangako ay makapangyarihan. Ang pagsasabi nang malakas ng, “Ipinapangako kong wala akong gagawin” ay nagbibigay ng pambihirang lakas. Sa totoo lang, napakahirap sabihin ng mga salitang iyon sa pinakamadidilim na sandali, ngunit kapag nasabi ko na ito, alam kong hindi ako maaaring sumuko. Alam kong hindi ko maaaring sirain ang aking pangako.
-
Tulungan silang makuha ang pisikal, emosyonal, propesyonal, at espirituwal na tulong na kailangan nila, kabilang na ang pagtanggap ng basbas ng priesthood, pakikipag-usap sa kanilang bishop, pakikipagkita sa isang doktor o counselor, o pagpunta sa ospital.
-
Ibahagi ang iyong kumpiyansa sa kanila. Minsa’y mayroong nagsabi sa akin, “Ilang beses ka nang napunta sa pinakamahirap na kalagayan noon, at sa tuwing nangyayari ito ay nakakabangon ka. Magagawa mo ulit iyon.” Minsa’y isa pang kaibigan ang nagbigay ng katiyakan sa akin, “Wala kang kailangang gawin na espesyal na bagay. Kaya mo ito.” Binibigyan ako ng lakas ng kanilang kumpiyansa sa akin. Tinutulungan ako nitong makita na mas malakas ako kaysa sa depresyon.
-
Ipaalala sa kanila na magiging malungkot ka kung mawawala sila. Tinutulungan ako nitong isipin ang ibang tao at alalahanin ang mga taong pinakamamahal ko at kung gaano sila masasaktan kung mawawala ako.
-
Tulungan silang malaman na ang paggaling ay palaging posible. Ang isa sa mga pinakanakapapanatag na bagay na sinabi sa akin ng isang tao ay, “Hindi totoong hindi ka na maaaring gumaling. Hangga’t nandito ka, maaari ka pang gumaling.” Madalas ko iyong isipin ngayon, lalo na kapag ang mga kasinungalingan sa aking isipan ay nagsasabing masyado nang malala ang aking kalagayan para gumaling.
Bagama’t ang nagdaang ilang taon ay sumubok sa aking pananampalataya at humamon nang husto sa aking kaluluwa, nakasaksi rin naman ako ng mga himala. Nabago ang aking buhay dahil sa napakaraming makapangyarihang halimbawa na nakita ko tungkol sa “pakikidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at pag-aliw sa mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Nagkaroon ako ng habag at pang-unawa nang mabuksan ang aking mga mata sa mga problema ng ibang tao at nang makipag-ugnayan ako sa kanilang mga bagbag na puso sa magagandang paraan. Kumukuha ako ng pag-asa sa mga salita ni Sister Reyna I. Aburto, “Pinatototohanan ko sa inyo na ‘sa dilim at liwanag’ mananatili ang Panginoon sa piling natin, ang ating ‘mga paghihirap [ay] malululon sa kagalakan dahil kay Cristo,’ at ‘naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.’” (“Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 59).
Nasaksihan ko sa aking buhay ang kapangyarihan ni Jesucristo na magpagaling, at nagbigay ito sa akin ng lakas na magtiis at kakayahang mapagaling. Maaaring ikaw ang makatutulong sa ibang tao na makahanap ng lakas na manatili.