Makikita Mong Angkop sa Iyo ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak
Setyembre 2020
Makikita Mong Angkop sa Iyo ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak
Bagama’t iba-iba ang mga kalagayan ng pamilya sa ilang paraan, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay naglalaman ng mga walang-hanggang alituntunin na nagbibigay ng huwarang dapat hangarin sa pagsisikap nating maabot ang ating banal na potensiyal. Kabilang sa mga sumusunod na pahina ang mga kabatiran na makatutulong sa atin na mas maunawaan ang inspiradong mga alituntunin ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Kung gagamitin natin ang mga alituntuning iyon sa ating mga kalagayan sa abot ng ating makakaya, pagpapalain tayo sa patuloy nating pagpupunyagi tungo sa buhay na walang-hanggan.
1. Bawat isa sa atin ay bahagi ng isang walang-hanggang pamilya na may banal na layunin
Anuman ang uri ng ating pamilya sa lupa, ang bawat isa sa atin ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” na nagmamahal sa atin. Bilang bahagi ng walang-hanggang pamilyang ito, ang ating banal na layunin ay “umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang [ating] banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang-hanggan.” (Maliban kung iba ang nakasaad, ang mga sipi ay nagmumula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”)
Tayong lahat ay may banal na katangian at tadhana
“Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios:
“At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:16–17).
2. Tinutulungan tayo ng ating pamilya sa mundo na makamtan ang ating walang-hanggang tadhana
Binigyan tayo ng Diyos ng mga pamilya upang tulungan tayong matuto at lumago habang sinisikap nating “umunlad patungo sa kaganapan” at magmana ng buhay na walang-hanggan. “Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha,” at kahit walang pamilya na perpekto, matutulungan tayo ng Diyos na umunlad sa pamilya na mayroon tayo.
Ang pamilya ko ay sapat na para sa Kanyang mga layunin
Ni Miranda Gaubatz, Utah, USA
Ang pamilya ko ay hindi yaong matatawag ninyo na “perpektong” pamilya. Naghiwalay ang mga magulang ko noong 11 taong gulang ako, kaya mag-isa akong pinalaki ng aking masipag at mapagmahal na ina. Pakiramdam ko kapansin-pansin na naiiba kami sa mga tao sa sacrament meeting.
Noong tinedyer ako, naalala ko nang ituro ang lesson tungkol sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na naging emosyonal ako habang nakikinig sa patotoo ng lider ng kabataan tungkol sa pamilya at nagkaroon ako ng sariling patotoo na ang aking munting pamilya ay inaprubahan ng langit at mailalaan ang lahat ng kailangan ko sa buhay na ito sa mundo.
Kahit alam ko iyon, nag-alangan pa rin akong kunin ang klase tungkol sa Eternal Families na kailangan kong pag-aralan ilang taon kalaunan sa Brigham Young University. Ayoko nang pumasok sa klase at marinig kung gaano “malayong maging ideyal” ang pamilya ko. Pero sinimulan ng aking propesor ang unang klase namin sa pahayag na ito: “Ipinapangaral natin ang ideyal ngunit nabubuhay tayo sa realidad at umaasa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas upang mapunan ang kakulangan.”
Alam ko na ang pamilya ang sentro sa plano ng Ama sa Langit. Maging ang mga pamilya na hindi gaanong ideyal, katulad ng naranasan ko noong tinedyer ako, ay makatutulong pa rin sa atin na matuto at umunlad. Ang Tagapagligtas mismo ay pinalaki ng isang amain noong Siya ay narito sa lupa. Nagpapasalamat ako na tinatanggap ni Jesucristo ang ating mga “hindi ideyal” na pamilya at ginagawa silang sapat upang matupad ang Kanyang mga layunin para sa atin.
3. Ang “pamilya” ay hindi lamang binubuo ng mga magulang at mga anak
Maraming kapamilya at kamag-anak ang maaaring makatulong o matulungan. Ang mga kapatid, tiya, tiyo, pinsan, biyenan, bayaw, hipag, manugang, balae, at iba pa ay may kani-kanyang impluwensyang maibibigay. “Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan.” Ang pagpapatibay ng mga ugnayang ito ng pamilya ay makapagbibigay ng kinakailangang tulong at magbubunga ng pagpapahalaga sa pamilya at kamag-anak.
Mapagpapala mo ang iyong pamilya sa maraming tungkuling ginagampanan mo
Ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng matwid na kalalakihan at kababaihan na gumawa ng malaking kaibhan sa buhay ng kanilang mga kamag-anak. Binago ni Abraham ang buhay ni Lot bilang kanyang tiyuhin. Iniligtas ni Jose ng Egipto ang kanyang mga kapatid at kanilang mga pamilya. Bilang mga adult, pinagpala ng magkapatid na Maria at Marta ang isa’t isa at ang kanilang kapatid na si Lazaro. Si Ruth, bilang isang manugang, ay sinuportahan si Noemi at kapalit nito ay pagpapalang walang-hanggan dahil sa ipinayo ni Noemi. Sinuportahan nina Elisabet at Maria ang isa’t isa bilang magpinsan nang danasin nila ang mga alalahaning kaakibat ng kanilang pagdadalantao. Maging si Zoram, na hindi kadugo, ay matapat na sumuporta kay Nephi kung kaya’t itinuring siya at ang kanyang mga anak na parang kapamilya. Ang mas malawak na pananaw na ito tungkol sa pamilya ay napakahalaga sa maraming tao na napakaraming maiaambag ngunit nalilimitahan ng kawalan ng kumpletong pamilyang inaasam nila.
4. Makagagawa ka ng kaibhan sa pagsisimula o pagpapanumbalik ng walang-hanggang pamilya
“Ang mga sagradong ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang-hanggan.” Sa kasamaang palad, nauuwi kung minsan sa hiwalayan ang mag-asawa, nawawasak ang mga pamilya, o napuputol ang mga kawing sa kadena ng walang-hanggang pamilya. Ang “mga sagradong ordenansa at tipan,” na ito “ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos” anuman ang mga kalagayan ng kanilang pamilya. Sa tulong ng Diyos, ang paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipang iyon sa abot ng iyong makakaya ay makatutulong sa iyo na buuin, ayusin, o patatagin ang iyong pamilya, sa pag-asang balang-araw ay mapagkakaisa mo sila nang walang-hanggan.
5. Ang pagsasama ng mag-asawa ay pagsasama na nangangailangan ng pananampalataya at panalangin
Pinagtitibay sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na ang mag-asawa “ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.” Ngunit ang pagiging tunay na magkatuwang sa pagsasama ng mag-asawa ay maaaring maging isang hamon. Maaaring makaapekto ang pagpapalaki sa atin, kultura, edukasyon, kabuhayan, karanasan, at iba pa sa paraan ng pagdadala at pangangalaga natin sa ating pamilya. Itinuturo ng pagpapahayag na “ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak” ay itinatatag sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, at iba pang mga alituntunin habang tayo ay nagsasanggunian at nagtutulungan upang matugunan ang kalagayan ng bawat indibiduwal.
6. Ang potensiyal na maging magulang ay bahagi ng plano ng Diyos na maging katulad Niya
Isa sa mga paraan na maaari tayong maging higit na katulad ng ating mga magulang sa langit ay ang maranasan mismo ang pagiging magulang. “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang potensiyal na maging magulang bilang mag-asawa.” Bagama’t ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay hindi laging nangyayari ayon sa plano natin, hindi ibig sabihin niyan na hindi ito bahagi ng plano ng Diyos. Para sa marami sa atin, ang paghahanda nang may pananampalataya at paghihintay sa Panginoon ay mahalagang bahagi ng nais ng Panginoon na kahinatnan natin.
Kawalan ng Kakayahang Magkaanak at ang Aming Ward Family
Ni John McMullin, Alberta, Canada
Matagal na naming gusto ng asawa kong si Gennie na magkaroon ng maraming anak. Noon pa man. Ngunit pagkaraan ng isang taon ng pagsisikap na magkaanak, nalaman namin ang kahulugan sa medisina ng mga katagang infertility o walang kakayahang magkaanak.
Noong una, madalas kaming manalangin. Gabi-gabi, magkawak-kamay kaming humihiling sa Ama sa Langit na biyayaan kami ng anak na pinaghandaan namin sa buong buhay namin. Nag-ayuno kami buwan-buwan, kung minsan mas madalas pa. Mas naging mahirap para sa amin ang bawat buwan na hindi pa rin nagdadalantao ang aking asawa. Hindi lang dahil sa wala kaming anak na mamahalin, kundi tila wala ring sagot sa aming mga panalangin. Pakiramdam ko narinig na ng Diyos ang matagal na naming hinihiling sa buong buhay namin, at ang sagot Niya ay hindi.
Nagsimula na kaming mag-isip kung karapat-dapat ba kami. Madali nang paniwalaan na inilaan Niya ang Kanyang mga espiritung anak na isilang sa mas matatapat na pamilya.
Ang pagsisimba ay naging mahirap na. Masakit pakinggan na nasagot na ang mga panalangin ng iba, at kung gaano sila kamahal ng Ama sa Langit.
Dalawang bagay ang naghikayat sa amin na patuloy na magsimba. Una, nakipagtipan kami sa Panginoon at sa isa’t isa nang mabuklod kami sa templo. Para kami sa isa’t isa, at determinado kaming manatiling magkasama ngayon at sa kawalang-hanggan.
Ang pangalawa ay ang aming ward family. Pinagpala kami na magkaroon ng mga lider na personal na naranasan ang hindi pagkakaroon ng anak. Si Gennie ay may ministering sister na hindi rin magkaanak at hayagang sinasabi kung gaano kahirap na wala kang anak sa simbahan. Nahihirapan kami, ngunit alam namin na mayroon ding ibang mga miyembro ng Simbahan na nahihirapan ding tulad namin.
Hindi pa rin nasasagot ang lahat ng aming mga tanong. Wala pa rin kaming mga anak, kahit kumunsulta na kami sa mga propesyonal sa medisina. Hindi namin alam ang mga dahilan ng Ama sa Langit, ngunit dahil may mga tipan kami, at ward family na tumatanggap at sumusuporta sa amin, nagkaroon kami ng panahong dagdagan pa ang aming tiyaga at pananampalataya (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:12–13).
Inaasam namin ang araw na magiging mga magulang na kami. At habang naghihintay kami sa masayang araw na iyon, may lugar para sa amin ang Simbahan para makabilang kami.
7. Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay ibinibigay at iniingatan ng Diyos
Sa pagpapahayag, ang mga Apostol ng Panginoon ay “pinagtitibay ang kabanalan ng buhay.” Dahil sagrado ang buhay, ang Diyos ay nagbigay ng kautusan hinggil sa pagbigay at pagkuha ng buhay. Ang paraan ng paggalang natin sa kapangyarihang iyon ay may matagalang epekto na nakabubuti o nakasasama sa ating sarili at sa lipunan.
8. Ang responsibilidad ng mga magulang ay bigay ng Diyos
Upang tulungan tayong maging katulad Niya, binigyan ng Diyos ang marami sa atin ng oportunidad at responsibilidad na maging magulang. Pananagutan natin sa Kanya ang “pagtupad sa mga tungkuling ito.” Ngunit makakaasa rin tayo na tutulungan Niya tayo sa paghahanap ng kaligayahan at tagumpay sa buhay may-asawa at pamilya habang sinisikap nating palakihin ang ating mga anak sa pagmamahal at kabutihan at suportahan sila sa kanilang mga hamon sa buhay.
9. Maaari tayong manindigan para sa plano ng Diyos para sa Kanyang pamilya
Mula sa simula ng daigdig, naging tungkulin na natin ang isulong ang plano ng Ama para sa Kanyang pamilya at protektahan ito laban sa pagkawatak-watak mula sa loob nito mismo at mga pag-atake mula sa labas. “Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtakda ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak.” Mahalagang maunawaan kung bakit at paano.