2020
Higit sa Isang Paraan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Oktubre 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Higit sa Isang Paraan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Kahit hindi mo gusto ang pagbabasa, maraming paraan para pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Gustung-gusto ko ang kasalukuyan kong tungkulin sa Primary bilang piyanista. Ilang linggo na ang nakararaan, pinapraktis ng mga bata ang isang kanta. Nadama ko ang Espiritu habang kumakanta sila:

Babasahin ko,

Uunawaing husto.

Mananalangin; At patotoo

sa puso’y kakamtin ko.1

Ngunit isang tanong din ang pumasok sa aking isipan. Paano kung hindi mo—tulad ng sinasabi sa unang talata ng kanta—“hilig … laging binabasa, kasulatang banal”? Siguro ang paksa tungkol sa pagbabasa ang laging nasa isipan ko nitong mga nakaraang araw dahil hindi lang isang kaibigan ang nagsabi na nahihirapan sila dahil sa problema sa pagbabasa. At marami akong kakilala na hindi talaga nasisiyahang magbasa! Mayroon bang paraan para magkaroon pa rin sila ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at magkaroon ng “patotoo [na ang mga ito ay totoo]”?

Tila pinakamainam na natututo ang mga tao kapag inilahad ang impormasyon sa maraming iba’t ibang paraan, gaya ng paraang biswal at berbal, at pag-uulit ng mga lesson sa pagdaan ng panahon. Habang iniisip iyan, sinikap kong mag-isip ng maraming iba’t ibang paraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ngayon, ipagpalagay natin na hindi lahat ng nasa listahang ito ay maituturing na masusi at malalim na pag-aaral ng mga banal na kasulatan na itinuro ng mga propeta na napakahalaga sa ating mga patotoo—ang ilan sa mga ito ay madali at nakatutuwang mga ideya lamang—pero natanto ko na maaaring makaisip ka ng sarili mong mga bagong ideya dahil dito. Pag-aralan natin nang mabuti ang ebanghelyo nang sa gayon, tulad ng sinasabi sa kanta, ay “maunawaan” natin ito nang sama-sama!

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

  1. Tukuyin ang mga salitang binanggit nang paulit-ulit sa iyong patriarchal blessing at hanapin ang mga salitang iyon sa mga banal na kasulatan.

  2. Sa iyong pag-aaral, magdrowing sa study journal o sa margin ng iyong manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ng mga larawan tungkol sa iyong mga ideya.

  3. Gumawa ng isang miniature model na naglalarawan sa isang kuwento sa banal na kasulatan.

  4. Tumawag sa isang kamag-anak na nakatira sa malayo at magkasamang magbasa sa telepono.

  5. Magsulat ng mga itatanong mo sa Diyos at pagkatapos ay hanapin ang mga sagot habang nagbabasa ka.

  6. Manood ng isang video mula sa BookofMormonVideos.org o sa BibleVideos.org.

  7. Buklatin ang mga banal na kasulatan sa kahit anong kabanata at simulan ang pagbabasa.

  8. Kumanta ng isang himno at pagkatapos ay tingnan ang mga banal na kasulatan na nakalista sa dulo ng kanta.

  9. Bisitahin ang topics.ChurchofJesusChrist.org at pag-aralan ang isang bagay na interesado ka.

  10. Tingnan ang mga gawang-sining online na naglalarawan sa kuwento sa mga banal na kasulatan na pinag-aaralan mo.

  11. Basahin lamang ang kabanata at mga section heading ng isang aklat.

  12. Magpatugtog ng banayad na instrumental na musika habang nagbabasa nang malakas.

  13. Alamin kung paano nauugnay sa templo ang bawat kabanata ng mga banal na kasulatan.

  14. Kung nakagawian mong pag-aralan ang digital na mga banal na kasulatan, subukang magbasa ng mga nakalathalang kopya, o vice versa.

  15. Ipinta o idrowing ang isang tagpo o kuwento ng banal na kasulatan.

  16. Magkunwaring naatasan ka na magsalita tungkol sa isang paksa sa simbahan, at nag-aaral para dito.

  17. Matapos basahin ang isang paboritong kabanata sa banal na kasulatan, muling isulat ito gamit ang iyong sariling mga salita.

  18. Basahin ang mga scripture reference sa mga footnote sa isang paboritong scripture verse, pagkatapos ay basahin naman ang mga scripture reference sa mga footnote nito, at gayon din ang gawin sa kasunod, atbp.

  19. Magsalitan sa pagbabasa nang malakas ng mga scripture verse kasama ang mga kaibigan at pag-usapan ang nabasa ninyo.

  20. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa pag-aaral ng isang salita o paksa.

  21. Hanapin at basahin ang lahat ng mga banal na kasulatan sa mga tala sa katapusan ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

  22. Maglagay ng scripture verse sa isang lugar na makikita mo ito araw-araw at sikaping isaulo ito sa linggong ito.

  23. Magsulat sa kard ng mga nakasisiglang scripture verse at ibigay sa mga tao.

  24. Gawan ng diagram ang timeline ng mga pangyayari habang binabasa mo ang Aklat ni Mormon.

  25. Maghanap ng “scripture buddy” at i-text sa isa’t isa ang isang scripture verse kada umaga.

  26. Magsimulang magbasa sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon hanggang sa umpisa.

  27. Basahin ang mga banal na kasulatan na kinapapalooban ng patotoo, pagkatapos ay isulat ang iyong patotoo.

  28. Kung tumutugtog ka ng isang instrumento, subukang magsulat ng isang awiting nagpapahayag ng damdaming nakapaloob sa isang scripture verse.

  29. Itanong sa mga kapamilya o kaibigan ang tungkol sa kanilang mga paboritong scripture verse.

  30. Habang nagbabasa ka, idrowing ang mga bagay na inilalarawan, tulad ng nabaling pana ni Nephi.

  31. Basahin at isaulo ang mga scripture verse na ginagamit sa pagtuturo ng mga missionary lesson na matatagpuan sa kabanata tatlo ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

  32. Basahin ang isang aklat mula sa Biblia na hindi mo pa nabasa kahit kailan.

  33. Magsaliksik tungkol sa buhay ng isang bayani sa banal na kasulatan at magsulat ng talambuhay tungkol sa kanya.

  34. Isadula ang isang kuwento sa banal na kasulatan bilang bahagi ng family home evening o ng isang aktibidad sa Simbahan.

  35. Maghanap ng isang pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na tugma sa bawat kabanata na natapos mo.

  36. Basahin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tulad ng Pambungad sa Aklat ni Mormon o Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

  37. Mag-ukol ng oras sa kalikasan at pag-isipan kung paano nauugnay sa ebanghelyo ang mga bagay na nakita mo, at pagkatapos ay maghanap ng isang scripture verse tungkol sa natutuhan mo.

Nakaisip ka na ba ng sarili mong mga ideya? Ibahagi ang mga ito sa iyong mga kaibigan!

Tala

  1. “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66.