2020
Ang Pagdaig sa Salot ng Adiksyon
Oktubre 2020


Ang Pagdaig sa Salot ng Adiksyon

Ang pag-intindi sa adiksyon ay mahalagang hakbang upang mapagtagumpayan ito. Ngunit kinakailangan din nating umasa sa Panginoon at maniwala na mapagagaling Niya tayo.

person falling into spiral

Mga paglalarawan mula sa Getty Images; mga icon ni Augusto Zambonato

Kapag may isang taong nakikipaglaban sa adiksyon, mahalagang malaman na may pag-asa. May mga tao bawat araw sa buong mundo na nakahahanap ng kalayaan mula sa isang bagay o ugali na bumibihag sa kanila. Kakailanganin ang buong-lakas na personal na pagsisikap, pag-intindi sa mga sanhi na natatangi sa mga ito na bumibihag sa kanila sa paulit-ulit na adiksyon, kasama ang paniniwala na mabibigyang-inspirasyon sila ng Diyos sa kanilang personal na landas tungo sa kalayaan.

Sa 38 taon ng pagtulong ko sa mga tao na mapagtagumpayan ang adiksyon, nakita ko ang pagbuti sa ating pag-intindi at paggamot sa adiksyon sa pagdaan ng mga taon. Malakas ang paniniwala ko na ang pagbabagong ito ay magpapatuloy sa paglipas pa ng mga taon. Bagamat sila na nasa larangan ng siyensya ng adiksyon ay humaharap sa maraming mahihirap na tanong, patuloy kaming sumusulong nang positibo. Kaya ang impormasyon na ipahahayag dito ay nakabatay sa alam natin ngayon, na may paniniwala na patuloy na madaragdagan ang liwanag at kaalaman sa hinaharap.

Pag-unawa sa Adiksyon

Alam kong napakahirap makipaglaban sa adiksyon, ngunit ang unang hakbang ay ang pagkaunawa mo mismo sa adiksyon. Narito ang ilang mahahalagang ideya na magbibigay liwanag sa paksang ito.

  • Ang mga adiksyon ay nagsisimula sa pagkalantad at nagtatapos sa pagdepende dito. Nasaan man ang isang tao sa panahong ito, maaari pa rin nilang gamitin ang kanilang kalayaang pumili at humanap ng paraan para makalabas sa kanilang pagkaadik.

  • Ang pagtawag sa isang tao na adik ay maaaring magpahina ng kanilang pangmatagalang progreso. Totoo ito lalo na sa umpisa ng adiksyon. Ang pagtawag na “kasalukuyang gumagaling” ay mukhang mas nakatutulong. Ito ay tila pagsasabing, “Pinipili ko na magtiwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala upang maging mas katulad Niya” sa halip na, “Hindi na ako makalalabas sa pagiging makasalanan sa walang hanggan.”

  • Lahat ng adiksyon ay may magkakaibang bahagi: byolohikal (genetika, kimika ng utak, atbp.), sikolohikal (pagpapahalaga sa sarili, katangian ng personalidad, post-traumatic stress, atbp.), sosyal o pakikihalubilo (mga magulang, kaibigan, kultura, atbp.), at espirituwal (personal at pampamilya na gawaing panrelihiyon, atbp.) Ang kombinasyon ng mga bahagi na ito, at ang kanilang magkakaugnay na lakas, ay kadalasan na natatanging tulad ng indibiduwal. Bawat bahagi ay maaaring nangangailangan ng tiyak at indibiduwal na atensyon para sa tao sa kabuuan upang mapalaya sila sa negatibong pag-uugali.

components of addiction

Byolohikal

Sikolohikal

Sosyal o pakikihalubilo

Espirituwal

Mga Palatandaan sa Landas Patungong Adiksyon

Ang sumusunod ay mga tanda na ang isang indibiduwal ay maaaring nasa landas ng pagsisimula ng isang ugali, pagkahumaling, at adiksyon:

  • Pagkahumaling: Nawawalan sila ng interes sa magagandang aktibidad habang ang nakasasamang bagay o pag-uugali ay nangingibabaw.

  • Karagdagang paghahangad: Sa pagdaan ng panahon, nais pa nilang dagdagan ito.

  • Paglilihim: Nadaragdagan ang kanilang pagnanais na hindi ipaalam sa iba ang kanilang mga desisyon at pag-uugali.

    signs on the path to addiction
  • Pagtanggi: Nagsisinungaling sila sa sarili nila tungkol sa karagdagang pagdepende nila at naniniwala sa kasinungalingan nila.

  • Pag-iwas: Kapag hindi sila naaabutan ng mga mapanganib na gamit o pag-uugali, nababawasan ang kanilang mabuting kalagayan.

  • Muling Pagbalik: Bagamat nalaman na nila ang negatibong epekto ng mga ito sa kanilang buhay, bumabalik sila sa bagay o pag-uugali na iyon.

signs on the path to addiction 2

Dagdag pa rito, ang indibiduwal ang pinaka hindi epektibong tao upang magtasa kung nasaan na siya sa proseso ng adiksyon kapag nagsimula na ang pag-uugali. Kung nag-iisip kayo kung ang isang minamahal sa buhay ay nasa landas patungong adiksyon, maraming resources na makatutulong, sa inyong komunidad at gayundin online.

Paghahanap ng Lunas

  • Ang responsibilidad na magbago ay nakadepende sa indibiduwal. Bagamat maaaring sumuporta ang pamilya at mga kaibigan, hindi nila mapanghihimasukan ang kalayaang pumili ng isang tao. Kung hindi nais ng indibiduwal na magbago, walang lunas ang magiging matagumpay.

  • Ang landas sa paggaling ay maaaring maging iba sa bawat indibiduwal. Dahil sa magkakaibang lakas at kahinaan ng apat na natatanging sanhi na nabanggit kanina (byolohikal, sikolohikal, sosyal o pakikihalubilo, at espirituwal), walang isang lunas na gumagana para sa lahat. Ang personal na pag-aaral, pagkonsulta sa mga eksperto, at pagnanais na magtiyaga hanggang sa makita ang solusyon ay paniguradong magtutulot ng tagumpay.

  • Bagamat nakawawasak ng buhay ang isang adiksyon na hindi pa nalulunasan, lahat ng kanilang mga mahal sa buhay ay naaapektuhan rin sa negatibong paraan. Ang mga mapagmahal at sumusuportang taong ito ay nangangailangan din ng suporta at pangangalaga.

Bagamat nasa kapangyarihan ng Diyos na tanggalin ang pagsubok na ito mula sa apektadong mga indibiduwal kung hahayaan nila Siya, Siya sa Kanyang walang hanggang katalinuhan, ay may mga bagay na nais Niyang matutuhan nila habang nagtatrabaho sila kasama Niya patungo sa isang solusyon. Bawat isa na nakalaya sa kanilang adiksyon ay maaaring magpatotoo ng mga natutuhan nila na nagmula sa kanilang sariling tagumpay sa kanilang adiksyon.

offering love