2020
Makasusumpong Ka ng Kalayaan
Oktubre 2020


Mga Young Adult

Makasusumpong Ka ng Kalayaan

friends smiling

Ikaw ba o ang isang taong mahal mo ay paulit-ulit na nagkakasala, nagsisisi, nangangakong muli, at nagkakasalang muli? Habang naglilingkod ako bilang isang young single adult ward bishop, marami akong natulungang kahanga-hangang young adult na nakaranas ng ganito. Ngunit marami ring nakahanap ng kalayaan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang mga mensahe tungkol sa adiksyon sa bahagi sa buwang ito ay nagbibigay ng nakatutulong na kabatiran sa paghahanap ng kalayaan—para sa iyong sarili at sa iba.

Ang pinakamahalagang bagay na dapat nating tandaan ay na lahat tayo ay minamahal na anak ng Ama sa Langit. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Hindi … hinihintay [ng Diyos] na madaig muna ninyo ang inyong kahinaan at masasamang gawi bago Niya kayo mahalin. Mahal Niya kayo ngayon nang may buong pag-unawa sa inyong mga paghihirap. … Alam Niya ang inyong pagsisisi sa mga panahong nagkulang o nagkamali kayo. At mahal pa rin Niya kayo” (“Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2014, 123; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa kabilang dako, sisikapin ni Satanas na paniwalain kang hindi ka mapapatawad o makatatanggap ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na babago at lilinis sa iyo. Sisikapin ni Satanas na punuin ka ng kahihiyan at pagkasuklam sa sarili, ngunit huwag kang maniwala sa kanyang mga kasinungalingan.

Sa halip, bumaling sa Ama sa Langit. Huwag matakot na magtapat sa iyong bishop o branch president at sa ibang tao na nagmamahal sa iyo. Habang binabasa mo ang mga kuwento ng pag-asa mula sa iba pang young adult na naapektuhan ng adiksyon, kumilos ayon sa mga impresyong natanggap mo. Pagpasensyahan ang iyong sarili, alalahanin ang iyong likas na kabanalan, magtuon sa nangyayari sa kasalukuyan, at maniwala sa nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo. Siya at ang napakarami pang ibang mga sanggunian ay tutulong sa atin na magtagumpay sa paghahanap ng kalayaang hangad natin. Huwag sumuko kailanman.

Ang iyong kaibigan,

Richard Ostler