2020
Pagtukoy sa Emosyonal na Pang-aabuso
Oktubre 2020


Digital Lamang

Pagtukoy sa Emosyonal na Pang-aabuso

“Hindi mapang-abuso ang asawa ko. Sinisigawan niya ako at tinatawag sa kung anu-anong pangalan, hindi iyon pang-aabuso, ‘di ba?”

Alam natin na “kinukundena ng Panginoon ang mapang-abusong pag-uugali sa anumang uri nito.”1 At ang ilang uri ng pang-aabuso, tulad ng pisikal na pang-aabuso, ay madaling makita, ngunit maaaring mas mahirap makita o matukoy ang emosyonal na pang-aabuso. Ang pinsala ay maaaring maging sanhi ng pagkalito, takot, pagkapahiya, kawalan ng pag-asa, at mababang pagpapahalaga sa sarili.

Ang emosyonal na pang-aabuso ay pagtatangka ng isang tao na alisin ang kalayaan ng iba at kontrolin sila gamit ang mga salita o pag-uugali na nagmamanipula ng emosyon o mga desisyon. Maaaring mangyari ang emosyonal na pang-aabuso sa anumang uri ng relasyon: sa mag-asawa, sa mga magulang at mga anak, sa mga magkakaibigan, sa magkadeyt, o sa mga magkakatrabaho.

Ano ang Ilang Halimbawa ng Emosyonal na Pang-aabuso?

Kapag nalaman mo ang mga palatandaan ng emosyonal na pang-aabuso, makatutulong ito para maprotektahan mo ang iyong sarili at ang iyong mga mahal sa buhay. Ang ilan sa mga mapang-abusong pag-uugali ay kinabibilangan ng:

  • Pagtawag sa iyo ng kung anu-anong pangalan o panlalait sa iyo.

  • Ipinapahiya ka sa harap ng maraming tao.

  • Pinipintasan ka at ipinadarama sa iyo na walang kuwenta ang mga nagawa at ginagawa mo.

  • Sinisisi ka sa kanilang mga ginawa at ayaw managot.

  • Kinukonsensya o sinusumbatan ka para may gawin ka para sa kanila dahil may ginawa sila para sa iyo.

  • Inihihiwalay ka sa iba at kinokontrol kung paano mo ginugugol ang oras mo.

  • Pinagbabantaan ka kung hindi ka kikilos ayon sa gusto nila o hindi gagawin ang isang partikular na bagay.

  • Hindi ka pinapansin hangga’t hindi mo ginagawa ang ilang bagay para sa kanila.

  • Minamanipula ka sa espirituwal sa pamamagitan ng paggamit ng mga doktrinang pangrelihiyon para makontrol ka.

Paano Ko Matutukoy ang Emosyonal na Pang-aabuso?

Mahalaga ring maging pamilyar sa mga mapang-abusong pag-uugali at sa iyong nadarama at impresyon. Narito ang ilang karaniwang iniisip at ipinapasiya na maaaring magpanatili sa iyo sa relasyon na may nangyayaring emosyonal na pang-aabuso:

  1. Dinidepensahan ang pag-uugali ng nang-aabuso sa iyo:

  2. Binibigyang-katwiran ang pag-uugali ng nang-aabuso: “Hindi naman niya dating ginagawa ito—marami lang siyang problema ngayon.”

  3. Hindi iniisip na matindi ang pang-aabuso: “Hindi naman malaking problema iyon.”

  4. Sinisisi ang iyong sarili sa kanilang inasal: “Kung naihanda ko lang ang pagkain sa oras, hindi sana siya magagalit at sisigaw sa akin.”

  5. Binabalewala ang di-komportableng damdamin. Sa una, kapag biktima ka ng emosyonal na pang-aabuso, maaaring naisin mong iwasan ang nakasakit sa iyo dahil hindi ka komportable o sinisisi ang sarili kapag nariyan sila. Upang mapangalagaan ang relasyon, maaari mong balewalain ang mga damdaming ito ng pagiging di-komportable. Sa paglipas ng panahon, ang pagiging di-komportable ay maaaring maglaho dahil nasanay ka na sa pag-uugali nila.

  6. Ginagamit ang mga doktrinang pangrelihiyon para bigyang-katwiran ang sitwasyon. Karaniwan na ito sa ating lipunan, pati na sa mga miyembro ng Simbahan. Maaaring isipin ng taong inabuso ang ganito: “Iniuutos ng Panginoon na magpatawad tayo. Magkakasala ako kung hindi ako magpapatawad.” Ang pagpapatawad ay isang kautusan. Ngunit, tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa Tagapagligtas, “Hindi Niya sinabing, ‘Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.’ Hindi rin Niya sinabing, ‘Para magpatawad nang lubusan kailangan mong magpatuloy sa di-kanais-nais na relasyon o bumalik sa mapang-abuso, at mapaminsalang kalagayan.’”2

  7. Pinapabayaan ang sarili mong mga pangangailangan. Tinutugunan mo ang mga pangangailangan ng iba at pinapabayaan ang iyong sarili. Halimbawa, nagdaranas ng hirap ng kalooban para hindi makasakit ng damdamin ng iba o nagbibigay ng pera sa kaibigan, kahit hindi mo kaya.

  8. Pakiramdam na wala kang halaga. Hindi mo maramdaman na may halaga ka dahil sa emosyonal na pang-aabuso. Ngunit ikaw ay anak pa rin ng Diyos at may banal na katangian at tadhana. Ang iyong halaga, na dakila, ay hindi nagbabago (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).

Ano ang Maaari Kong Gawin Kung Ako ay Emosyonal na Inaabuso?

Kung minsan maaaring makapinsala nang husto ang emosyonal na pang-aabuso sa relasyon kaya maaaring kinakailangang iwan o tapusin na ang relasyon. Gayunman, hindi lang pag-iwan o pagtapos sa relasyon ang opsiyon sa lahat ng sitwasyon. Posible ang pagbabago, at maaaring maging maganda ang relasyon o pagsasama sa pamamagitan ng pagsisikap at kadalasan sa tulong ng isang propesyonal. Kung naniniwala ka na may emosyonal na pang-aabuso sa inyong relasyon, makatutulong ang mga sumusunod:

  1. Humingi ng suporta at tulong sa isang pinagkakatiwalaang tao na mababahaginan mo ng iyong mga karanasan, tulad ng isang kaibigan, isang lider ng Simbahan, o isang propesyonal sa isang organisasyon sa komunidad. Ang taong ito ay maaaring makapagbigay ng emosyonal na suporta at positibong pananaw kung sino ka at mapag-uukulan ka ng oras na malayo sa pang-aabuso. (Tingnan sa abuse.ChurchofJesusChrist.org. Iklik ang “In Crisis” para sa listahan ng mga helpline.)

  2. Magtakda ng limitasyon at panatilihin ito sa taong nagpapakita ng mapang-abusong pag-uugali sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga pag-uugaling mapang-abuso at pagtatakda ng mga limitasyon para sa iyong patuloy na pakikipag-ugnayan. Maaari mong sabihing, “Pakiramdam ko, hindi mo ako nirerespeto. Gusto kitang kausapin, pero hindi kita kakausapin hangga’t hindi mo ako tinatrato nang may paggalang at kabaitan.”

  3. Humingi ng tulong sa isang professional counselor na dalubhasa tungkol sa emosyonal na pang-aabuso at sa mga epekto nito. Kung minsan hindi alam ng mga nagkasala na nagiging mapang-abuso na sila. Matututuhan nilang magbago kung handa silang humingi ng tulong. Kung hindi na maaayos ang relasyon, ang paghingi ng propesyonal na tulong, kasama ang tulong ng Panginoon, ay makatutulong sa paggaling mo.

  4. Maghanap ng iba pang makatutulong na impormasyon at resources sa abuse.ChurchofJesusChrist.org.

Anuman ang iyong kalagayan, dapat mong malaman na may mga taong nagmamahal sa iyo at gusto kang tulungan. At sa pagbaling sa iyong Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa Espiritu Santo, ang pag-asa at paggaling ay posible.

Mga Tala

  1. First Presidency Letter, “Responding to Abuse,” Hulyo 28, 2008.

  2. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 79.