Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagtulong sa Aking Ina sa Kanyang Pagtigil sa Pag-inom ng Alak
Hindi madali, ngunit sulit ang pagtahak sa landas ng paggaling kasama ang mga may problema sa adiksyon.
Noong nasa hustong gulang na ako para maunawaan kung ano ang alak, nalaman ko na problema ito ng aking ina. Tinangkang itago ng mga miyembro ng pamilya ang problema niya sa aming magkapatid, pero ang maitatago lamang nila ay labis na pag-inom ng alak at pananakit ng ulo sa umaga na dulot nito.
Sugapa sa alak ang aming ina—at walang katwiran o paliwanag ang makapagpapabago riyan.
Noong bata pa ako, naniniwala ako na maaaring piliin ng tao ang malulong o hindi. Nagdaramdam ako noon sa tuwing papasok sa pinto ang aking ina na amoy alak matapos mangakong hindi na iinom. Parang ayaw niyang magbago. Ngunit iba ang itinuro sa akin ng mga taon ng kanyang mapapait na luha, nabigong pagtatangka, at biglaan at matitinding sintomas sa pagtatangkang tumigil sa pag-inom ng alak.
Noong nasa middle school ako, nagsimula kong maunawaan na ang pagkasugapa sa alak ng aking ina ay hindi “madaling maglalaho sa isang iglap,” tulad ng isinulat minsan ng makatang si Dylan Thomas1—at hindi dahil sa ayaw niyang magbago. Hindi ito tungkol sa kawalan ng kagustuhang magbago o pinipili niya ang alak kaysa sa kanyang pamilya. Hindi siya makawala sa kanyang adiksyon.
Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isinusuko kalaunan ng adiksyon ang kalayaan nating pumili. Sa pamamagitan ng kemikal na paraan, literal na nawawala sa tao ang kakayahan na kontrolin ang sarili o magpasiya para sa kanyang sarili!”2 Ang paghahanap ng paggaling mula sa adiksyon ay magiging tunggalian ng kanyang katawan at espiritu sa mga darating na taon.
Pagtitiis sa Paulit-ulit na Pagbabalik sa Adiksyon
Matapos matigil sa pag-inom ng alak sa loob ng anim na buwan, nakita kong bumalik sa dati ang aking ina—pasayaw-sayaw sa loob ng sasakyan at sumusulat ng magagandang tula at nakikipagbiruan sa lahat ng kanyang mga kaibigan. Tila may kung anong nangyari sa kanya na nagpabalik ng ningning sa kanyang mga mata at masigasig na pinananatili iyon. Noon lamang nangyari na gayon katagal siyang hindi uminom ng alak sa loob ng maraming taon, at maganda sa pakiramdam na bumalik na siya sa dati.
Ngunit hindi iyon nagtagal. Isang gabi, bago pa siya nagkaroon ng pagkakataong magsalita, alam na namin ng kapatid ko. Hindi iyon maikakaila ng kanyang nanlalamlam na mga mata at namumulang mga pisngi: pagkaraan ng anim na buwan at apat na araw, muli siyang uminom ng alak. Nang sandaling iyon, naisip namin na lumabas ng pinto, lumayo sa pag-aalala at takot, pero alam namin na gusto niyang magbago. Hindi namin iyon magagawa para sa kanya, ngunit matutulungan namin siya sa pagtahak sa landas ng paggaling.
Binasag ang Katahimikan tungkol sa Adiksyon
Nang sumunod na ilang buwan, naghanap kaming magkapatid ng paraan para matulungan ang aming ina na matigil sa pag-inom ng alak. Hindi ito magiging madali, ngunit nagawa na niya ito nang minsan, at alam naming magagawa niya itong muli.
Dahil nasaksihan namin noon ang naranasan ng aming ina nang tumigil siya sa pag-inom ng alak, alam na namin ang mangyayari, kaya tinipon namin ang lahat ng mga alak at bote ng alak na makikita namin at itinapon ang mga ito. Pagkatapos ay bumili kami ng maraming Gatorade sa tindahan ng grocery at nilinis at inayos na mabuti ang bahay; ito ang pinakamainam naming ginawa para maalis ang aming ina sa kapaligiran kung saan siya bumalik sa adiksyon.
Makalipas ang ilang araw, mabuti na ang pakiramdam ng aking ina kaya nakapasok na siya sa trabaho, pero alam namin na hindi pa tapos ang laban. Hanggang sa sandaling iyon, ang pagkasugapa niya sa alak ay itinago sa karamihan sa aming mga kamag-anak at mga kaibigan. Sa mga nagdaang taon, naging parang sikreto ito—pinagmumulan ng kahihiyan, isang bagay na ipinaliwanag ng social science researcher na si Brené Brown na “dahil hindi ito mailantad lalo itong lumalakas.”3 Kung gusto naming matigil siya sa pag-inom ng alak, kailangang sabihin na namin ito.
Mahirap ang pasiya naming sabihin ito sa aming mga kamag-anak at ilang pinagkakatiwalaang kaibigan, ngunit nagpagaan din ito ng pakiramdam. Ang kahihiyan ay “nakakaapekto sa damdamin natin na naniniwala na maaari tayong magbago at mas magpakabuti,”4 kaya ang pag-uusap tungkol sa kanyang adiksyon ay nagbigay muli sa aking ina (at sa akin!) ng pag-asa. Hindi kami nag-iisa, at sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon, nakinita namin ang buhay na hindi kinokontrol ng kanyang adiksyon.
Patuloy na Umasa
Hayagan kong sinasabi: hindi laging madali ang patuloy na umasa. Ilang taon kong tinulungan ang aking ina sa pagsisikap niyang tumigil sa pag-inom ng alak, gayunpaman magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi ako nakadama ng kalungkutan, pagkadismaya, at pagkabigo sa buong karanasan kong ito. Tungkol sa hirap na nararanasan ng isang tao para madaig ang adiksyon, ipinaliwanag ni Pangulong Nelson: “Bawat isa na determinadong akyatin ang matarik na daan patungo sa paggaling ay dapat magbigkis o maghanda para sa pinakamahirap na laban ng buhay. At ang pagtatamo ng buhay ay gantimpala na sulit ipaglaban.”5
Kung mahal mo ang isang taong may problema sa adiksyon, malalaman mo kung gaano kasakit ang makita na winawasak nila ang kanilang sarili. Ngunit maging sa pagbalik sa adiksyon, ang pag-asa ay hindi kailanman nawawala. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, alam ng Tagapagligtas “kung paano [tayo] tutulungan alinsunod sa [ating] mga kahinaan” (Alma 7:12). “May pagpapagaling sa kanyang mga bagwis” (3 Nephi 25:2), tinutulungan Niya tayo kapag nakakaramdam tayo ng sobrang pagod para magpatuloy pa, “[hinahawakan tayo at hinihikayat tayo,] hindi tayo pinababayaan hanggang sa makauwi tayo nang ligtas sa bisig ng ating mga Magulang sa Langit.”6
Kaya kung nakakaisang hakbang ka pa lamang o nakapaglakbay na nang libu-libong milya kasama ang isang tao sa kanyang paglalakbay patungo sa paggaling, narito ang ilang bagay na natutuhan ko sa mga nakalipas na taon:
-
Tulungan silang iwasan ang mga sitwasyon na nag-uudyok sa adiksyon.
Kung ang tinutulungan mo man ay isang kaibigan, asawa, kapamilya, o kabarkada, napakahalaga na tulungan sila na maiwasan ang mga sitwasyong ito! Sa tuwing lumalabas kami para kumain kasama ang aking ina, halimbawa, ipinapakiusap namin na doon kami sa mesa na malayo sa mga istante ng alak. Kung walang bakanteng mesa, nagkukuwentuhan muna kami hanggang sa may mabakante.
-
Mamagitan para sa kanila sa mga pagtitipon.
Hindi dahil sa nagsabi sa iyo ang taong tinutulungan mo tungkol sa kanilang adiksyon ay handa na silang hayagang sabihin ito sa maraming tao. Sa mga unang yugto ng paggaling, maaaring maging napakahirap ipaliwanag kung bakit iniiwasan ng isang tao ang mga partikular na sitwasyon o gumagawa ng mga partikular na desisyon, lalo na sa mga hindi kakilala. Sa mga sitwasyong ito, mas pagaanin ang buhay para sa kanila sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na magpaliwanag kapag naging asiwa na ang mga bagay-bagay.
-
Tulungan silang maghanap ng karagdagang resources na makatutulong.
Gaano man ang bahagi mo sa proseso ng paggaling, hindi mo magagawa nang mag-isa ang lahat ng bagay. Kung minsan kinakailangan lang ng aking ina ng isang taong makakausap na gayon din ang pinagdaanan, isang taong nakauunawa, at OK na iyon! Ang professional resources at mga support group (tulad ng Addiction Recovery Program ng Simbahan, mga recovery group, mga addiction and behavioral specialist) ay literal na nagpapabago ng buhay, kaya’t huwag mag-atubiling hikayatin ang taong tinutulungan mo na gamitin ang tools o resources na ito.
-
Kung bumalik sila sa adiksyon, tulungan silang muling makabangon.
Kung nabubuhay tayo sa isang perpektong mundo, walang pagbalik sa adiksyon, ngunit mortalidad ito. Kung bumalik sa adiksyon ang mga taong tinutulungan mo, ipaalala sa kanila ang progresong nagawa na nila. Hikayatin sila na “huwag sumuko matapos ang sunod-sunod na kabiguan at [huwag] isiping hindi [nila] kayang tumalikod sa kasalanan at daigin ang adiksyon.”7 Tulad ng sinabi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi [sila] dapat tumigil na sumubok”8 (at ikaw rin). Ang pagbalik sa adiksyon ay hindi naglalagay sa kanila sa simula ng paglalakbay patungo sa paggaling. Hindi nito inaalis ang lahat ng nagawa at lakas na natamo nila. Lagi silang may pagkakataon na magbalik sa landas ng paggaling, humingi ng tulong sa Tagapagligtas, at magpatuloy.
-
Patuloy na umasa.
Ang makita ang mga taong mahal mo na nahihirapang daigin ang kanilang adiksyon ay magpapaisip sa iyo kung minsan kung gagaling ba talaga sila nang lubusan. (Maniwala ka sa akin, alam ko. Naranasan ko na ito nang maraming beses.) Si Mormon ay nagtanong din: “At ano ito na inyong aasahan?” Ngunit gaano man ito kahirap makamtan, ang “pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” ay lagi nating matatamo (Moroni 7:41).
Sa buong buhay ko, hindi ko na mabilang ang pagbalik sa adiksyon ng aking ina, ngunit ipinagmamalaki kong sabihin na anim na taon na ang nakalipas mula noong huling pag-inom niya ng alak. Bagama’t umabot ng maraming taon para matutuhan at muling matutuhan kung paano siya pinakamainam na matutulungan, ang makita siyang gumaling ay nagturo sa akin na nadadaig ang adiksyon. Maraming beses man bumalik sa adiksyon ang taong mahal mo, magpatuloy—patuloy na magsikap na tulungan sila sa anumang paraang magagawa mo. Ang paggaling ay habambuhay na gagawin—isang paglalakbay na puno ng luha, tagumpay, kabiguan, at pagwawagi—at sulit itong kamtin.