Mga Young Adult
Mahiwatigan ang Mabubuting Katangian ng Ating Sarili
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Paano mo ipaliliwanag ang kaloob na makahiwatig? Hanggang nitong kamakailan lang, hindi ko talaga naunawaan ang isa sa mahahalagang layunin ng kaloob na ito.
Sa halos buong buhay ko, binigyang-kahulugan ko ang kaloob na makahiwatig bilang kakayahang makilala ang tama sa mali, ang katotohanan sa kamalian. Bagama’t mahalagang bahagi iyan ng kaloob, nalaman ko kamakailan na marami pa itong aspekto.
Nakakita ako ng mahalagang kaalaman sa mga footnote ng isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020. Binanggit ng isang tagapagsalita si Pangulong Stephen L Richards (1879–1959), dating Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na nagsabing, “Ang pinakamataas na uri ng paghiwatig ay yaong nakakikita at nakapaglalabas ng mas mabubuting katangian ng iba, ng kabutihang likas sa kanila.”1
Hindi ba’t parang tula iyan?
Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na mailabas ang kabutihang likas sa iba. Ang katotohanan ng pahayag na iyan ay espesyal sa akin kaya ginusto kong malaman pa ang tungkol dito. Nalaman ko na itinuro rin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang kaloob na makahiwatig ay tumutulong sa atin na “malaman at mailabas ang kabutihang maaaring nasasaloob natin.”2
Mula nang matuklasan ko ito, natanto ko kung gaano kahalaga ang bahaging ito ng kaloob na makahiwatig. Kailangan nating makita ang mabubuting katangian ng ating sarili upang mapaunlad natin ang mga ito. Kapag ginawa natin ito, mag-iisip at kikilos tayo nang higit na katulad ng mga anak ng Diyos na siyang talagang tayo (tingnan sa Mga Awit 82:6; Mosias 5:7; Moroni 7:19).
Kaya paano tayo magsisimula para makita ang mabubuting katangian ng ating sarili? Narito ang ilang paraan para makapagsimula.
Magtuon sa Paggamit ng Iyong mga Kalakasan para Pagpalain ang Iba
Isang katotohanan ng doktrina na ang lahat ng tao ay may ilang kaloob mula sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:11)—at hindi pagyayabang ang isipin ang mga ito. Sa katunayan, iniutos ng Panginoon na gawin natin ito! Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na hanapin nang “masigasig … ang mga pinakamahusay na kaloob, alalahanin sa tuwina kung para saan ibinigay ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 46:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kapag mas alam natin kung ano ang ating mga kaloob o talento, dapat tayong humanap ng mga paraan na magamit ang mga ito sa paglilingkod sa iba.
Ang isang paraan para matukoy ang iyong mga kaloob ay sa pamamagitan ng pagtatanong sa isang taong pinagkakatiwalaan mo! Itanong sa kanila kung ano ang iyong mga kalakasan. Kung katulad mo ako, maaari mong isiping nakakahiya ito. Ngunit tandaan, hindi ito para makapagyabang tayo; ito ay pag-alam kung anong mga ugali o katangian mo ang kapaki-pakinabang sa iyong mga kapatid sa mundo (tingnan sa Mosias 8:18).
Halimbawa, sinabi minsan sa akin ng isang mabait na kapitbahay na mayroon akong kaloob na matulungan ang mga tao na hindi maasiwa. Sa halip na balewalain at ituring na iyon ay magalang na pagpuri lamang, nagsimula akong isaalang-alang ang kaloob na iyan sa aking buhay. Nang gawin ko ito, natanto ko na matutulungan ako ng Ama sa Langit na gamitin ang aking mga kasanayan sa pakikisalamuha sa mga tao para kaibiganin sila at pagpalain ang mas maraming buhay hindi lamang ang sarili kong buhay.
Kapag nalaman mo ang iyong mga kaloob, mapipili mong gamitin ang mga ito para pagpalain ang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:18).
Pag-aralan ang Iyong Patriarchal Blessing
Ang mga patriarchal blessing ay magandang sanggunian din para makita ang ating mga natatanging kaloob na bigay ng Diyos. Sinabi ni Elder Larry R. Lawrence, isang emeritus na miyembro ng Pitumpu: “Maipapakita sa atin ng Espiritu ang ating mga kahinaan, ngunit maipapakita rin Niya sa atin ang ating mga kalakasan. … Kapag binabasa natin ang ating patriarchal blessing, napapaalalahanan tayo na alam ng ating Ama sa Langit ang ating banal na potensyal.”3
Ang pag-aaral ng iyong patriarchal blessing ay tutulong sa iyo na magtuon ka sa pagkakaroon ng mga katangian na makatutulong sa iyo na maabot ang iyong potensyal.
Sa sitwasyon ko, madalas kong isipin ang uri ng ina na inaasam kong maging balang araw. Nang hindi napapansin, masyado kong inisip na ang isang mabuting ina ay dapat malusog, organisado, at maganda—at ang kanyang mga cinnamon roll ay tutularan ng Relief Society ng kanyang ward. Bagama’t hindi masama ang mga bagay na iyon, naipakita sa akin sa pag-aaral ko ng aking patriarchal blessing na mas mahalaga sa Panginoon na ako ay isang mabait at matulunging ina. Para sa akin, ang mga katangiang katulad ng kay Cristo ang dapat lalo kong pagsikapang taglayin.
Alalahanin at Magnilay sa Oras ng Sacrament
Ang sacrament ay oras para isipin ang Tagapagligtas. Oras din ito para pagnilayan ang iyong pag-unlad patungo sa pagiging katulad Niya. Sa pagsisikap mong matuklasan ang iyong likas na mabubuting katangian, ang paggunita linggu-linggo sa iyong mga tagumpay, karanasan, at pakikisalamuha ay makatutulong sa iyo na makita ang ilang sandali kung saan naipakita ang iyong mga kaloob.
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Samantalang sinusuri ninyo ang inyong buhay habang isinasagawa ang ordenansa ng sakramento, nawa’y hindi lamang nakatuon ang inyong isipan sa mga nagawa ninyong mali, kundi sa mga nagawa rin ninyong tama—mga sandaling nadama ninyo na natutuwa sa inyo ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Maaari kayong maglaan ng ilang sandali sa oras ng sakramento para hilingin sa Diyos na tulungan kayong makita ang mga ito.”4
Narito ang ilang bagay na maaari mong itanong sa iyong sarili o sa Diyos sa oras ng sacrament:
-
Paano ko tinularan ang halimbawa ni Cristo sa linggong ito?
-
Sino ang pinaglingkuran ko?
-
Kailan ko nadama ang Espiritu sa linggong ito? Bakit?
-
Anong katangian na katulad ng kay Cristo ang sinisikap kong taglayin? Ano na ang progreso ko?
-
Mayroon bang anumang bagay sa buhay ko na dapat kong ipagdasal na tulungan ako?
-
Mayroon bang tao na kailangan kong patawarin?
-
Ano ang isang problema, malaki o maliit man, na tinulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa linggong ito?
Ang pagninilay sa kabutihan ng Diyos at pagsusuri sa buhay ko sa oras ng sacrament sa halip na magtuon lamang sa mga kabiguan at kahinaan ay tumutulong sa akin na magtiwala sa Kanya.
Gampanan ang Iyong Tungkulin
Binibigyan tayo ng mga tungkulin dahil may dahilan, kahit hindi natin alam ang dahilan sa una.
Minsan ay tinawag ako sa Relief Society presidency sa aming young single adult ward. Sabik na akong magsimula na gampanan ito. Ngunit pagkaraan ng ilang buwan, pinanghinaan ako ng loob. Wala akong makitang anumang espirituwal na pag-unlad sa mga taong sinisikap kong paglingkuran. Walang nangyari sa mga pagsisikap kong bisitahin at kaibiganin sila.
Isang araw ng Linggo, nadama ko na parang nawawala sa akin ang mga espirituwal na kaloob na tumutulong sa isang tao na maging mahusay sa ministering. Ang dalangin ko sa oras ng sacrament noong araw na iyon ay makadama ng katiyakan na kaya kong gampanan ang aking tungkulin. Nadama ko na dapat akong humingi ng basbas ng priesthood.
Kinausap ko ang aming bishop, at nang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa aking ulo, isa sa mga unang bagay na sinabi niya sa akin ay, “Pinasasalamatan ng Ama sa Langit ang kabaitan na ipinapakita mo sa iba.”
Nadama ko nang malakas ang Espiritu, at natiyak ko na nalulugod ang Panginoon sa aking mga pagsisikap. Nadama ko na talagang nasa akin ang isang bahagi ng mga kaloob na kailangan para mag-minister nang may pagmamahal. Ang tinitingnan ko lamang noon ay ang aking mga kaibiguan sa halip na ang aking mga tagumpay.
Ang iyong mga tungkulin ay magagandang pagkakataon para makita at magamit ang iyong mga espirituwal na kaloob.
Makapagsisimula Ka Ngayon
Huwag na nating patagalin pa na simulan ang pagpapalabas ng mabubuting katangian sa ating sarili.
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Kung minsan pinanghihinaan tayo ng loob dahil hindi tayo ‘iba pa’ sa isang bagay—mas espirituwal, iginagalang, matalino, malusog, mayaman, magiliw, o may kakayahan. …
“Natutuhan ko sa buhay ko [na] hindi tayo kailangang ‘lumabis’ sa anumang bagay para magsimulang maging ang taong nais ng Diyos.”5
Maaari tayong magsimula sa panalangin. Sabihin sa Ama sa Langit ang nadarama mo ngayon, at kung ano ang nais mong madama tungkol sa iyong sarili. Hilingin lalo na ang kaloob na makahiwatig para matulungan kang makita ang iyong likas na kabutihan. Ang ilan sa pinakamatatamis na sandali ng buhay ko ay nagmula sa pag-usal ng mga panalanging ito. Naniniwala ako na nais ng Ama sa Langit na tulungan tayong makita ang lahat ng nakikita Niya.
Dahil sa ating identidad bilang mga anak ng Diyos, nakatadhana tayo sa kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:17). Sa pamamagitan ng kaloob na makahiwatig, malalaman natin iyan para sa ating sarili.