2021
Paghahanap ng Tulong para sa mga Pakikibaka sa Kalusugan ng Isipan
Setyembre 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paghahanap ng Tulong para sa mga Pakikibaka sa Kalusugan ng Isipan

Takot na takot ako nang magsimula akong makaranas ng pagkabalisa, pero pagkatapos ay lumapit ako sa Panginoon—at tinulungan Niya akong mahanap ang tulong at resources na kailangan ko para masimulan ang paggaling.

dalagitang nakatingin sa tabi

Isang araw ilang taon na ang nakalipas, pakiramdam ko ay pagod na pagod ako habang sakay ng tren pauwi mula sa trabaho. Ang aking isipan ay puno ng pagkabalisa at nakakatakot na mga kaisipan. Hindi ito ang unang pagkakataon na pumasok sa isip ko ang gayong mga ideya, pero mas dumadalas na ang mga ito, at sa pagkakataong ito, natakot ako.

Bigla akong nakadama ng matinding pananakit sa aking dibdib, at nahihirapan akong huminga. Nagsimula akong mataranta. Kumakabog ang puso ko. Pagdating ko sa istasyon ng tren na malapit sa bahay ko, umupo ako sa isang bangko, at hindi ko nagawang humakbang pa.

Di-nagtagal ay nasa ambulansiya na ako papunta sa ospital, na natitiyak na mamamatay na ako.

Nahihiya

Ilang buwan bago ang pangyayaring ito, napakarami ng pangyayari sa buhay ko, at nagsimula na akong magkaroon ng problema sa kalusugan ng aking isipan. Pakiramdam ko ay lungkot na lungkot ako at inis na inis ako sa sarili ko. Kausap ko ang isang counselor, pero alam ko na kailangan ko ng karagdagang tulong. Gayunpaman, hindi ko nagawang magpatingin sa doktor. Ayaw ko lang mahatulan o makitang mahina ako, at nahihiya ako sa nararanasan ko.

Ganito ang nadama ko dahil sa Japan, hindi madalas pag-usapan ng mga tao ang mga problema sa isipan at damdamin, at kung pag-uusapan man nila ito, hindi ito tinatalakay sa labas ng sariling pamilya.

Sa ospital, sinabi ng mga doktor na hindi ako mamamatay—ang naranasan ko ay panic attack. Kaya pinauwi na ako nang gumanda na ang pakiramdam ko.

Pero kinabukasan, malakas pa rin ang tibok ng puso ko. Alam ko na maaaring konektado ito sa mahinang kalusugan ng isipan ko, kaya sa wakas ay nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na makipag-appointment sa isang psychiatrist.

Nasuri ako na may generalized anxiety disorder, at niresetahan ako ng doktor ng gamot para dito.

Ang totoo, mahirap tanggapin ang pagsusuri na ito noong una. Pero kasabay nito, napanatag ako nang ipaliwanag ng doktor na hindi ito kahinaan—ito ay isang kundisyon na kailangang gamutin.

Paghingi ng Tulong sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Akala ko mabilis akong gagaling, pero hindi iyon ang nangyari. Nakakalungkot ang paulit-ulit na pakiramdam na bumuti ka na at pagkatapos ay babalik sa kalagayan ng depresyon.

Sa isang napakahirap na araw, nagpasiya akong lumapit sa Panginoon. At nang gawin ko ito, nakita ko na ang proseso ng paggaling ko ay pagkakataon para magpakumbaba, buksan ang aking isipan sa katotohanan ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, pagtanggap at pagtitiyaga, at higit na pag-asa sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Naniniwalang mapapagaling Nila ako, sinimulan kong masigasig na manalangin para sa lakas at patnubay sa resources na makatutulong sa akin. Nabigyang-inspirasyon din akong humingi sa aking mga ministering brother ng basbas ng priesthood sa mga araw na nahihirapan ako. Kahit hindi ako lubusang gumaling kaagad, sa tuwing tatanggap ako ng basbas ng priesthood, nakadarama ako ng kapayapaan sa aking puso, patnubay, at pag-asa.

Talagang nadama ko ang “agarang kabutihan ng Diyos” na minsang binanggit ni Elder Kyle S. McKay ng Pitumpu. “Bagama’t matiyaga tayong naghihintay sa Panginoon, mayroong mga pagpapala na sumasaatin kaagad.”1

Nahanap ang Paggaling

Hindi ko naisip na mahihirapan akong harapin ang mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip. Gayunman, sa karanasang ito, muli kong nalaman na alam ng Panginoon ang tungkol sa bawat isa sa atin.

Nasaksihan ko ito nang magpasiya akong magpahinga mula sa trabaho para makatulong sa paggaling ng aking isipan. Sa pakikipag-usap sa boss ko, nagulat ako sa labis na pagkahabag at pang-unawa na ipinakita niya sa akin. Sinabi rin niya sa akin na siya ay may sertipiko sa mental health counseling.

Nadama ko na hindi nagkataon lang na nagtrabaho ako para sa lalaking ito, lalo pa nga na ang kalusugan ng pag-iisip ay hindi hayagang tinatalakay sa Japan. Lalo kong nalaman ang awa at impluwensya ng Ama sa Langit sa mga detalye ng ating buhay.

Ang mga problema sa kalusugan ng isipan ay madaling mangyari kaninuman, at wala silang dapat ikahiya. Kailangan silang pakitunguhan, tulad ng iba pang mga maysakit o karamdaman.2 Ngayong bahagi na ito ng buhay ko, nakadarama ako ng pagkahabag at pagmamahal sa iba na dumaranas ng gayon ding mga paghihirap.

Natanto ko na kahit maraming tao sa paligid ko ang hindi nakauunawa sa mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip, nauunawaan ito ng Tagapagligtas. At naghanda Siya ng paraan para mapaglabanan ko ang hamong ito. Kasama Niya, maging ang pinakamahihirap na panahon sa buhay ay maaaring maging para sa ating ikabubuti at para sa ating espirituwal na pag-unlad (tingnan sa Mga Taga Roma 8:28).

Nagpapagaling pa rin ako, pero natuklasan ko na matutulungan ako ng mga pagsubok na makilala ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa bawat isa sa atin. Alam ko na kapag umasa tayo sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, lagi Nila tayong susuportahan sa ating mga paghihirap at patuloy tayong tutulungang makahanap ng pag-asa at paggaling.

Mga Tala

  1. Kyle S. McKay, “Ang Kagyat na Kabutihan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 105.

  2. Jeffrey R. Holland, “Parang Basag na Sisidlan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 40–42