Digital Lamang
Sumakay sa Bangka: Pagkakaroon ng Kaligtasan sa Simbahan
Huwag tayong maging katulad ng mga tao sa Titanic na tumangging sumakay sa bangka o lifeboat dahil inakala nila na ang Titanic ay hindi kayang palubugin.
Nang simulan ng Titanic ang unang paglalayag nito noong 1912, sinabi ng mga tao na hindi kayang palubugin ang barko. Hindi tulad ng naunang mga barko, ito ay may pasadyang mga compartment para kung may butas ang isa, iyon lamang ang mapupuno ng tubig at mananatiling nakalutang ang barko. Gayunman, nang tumama ang Titanic sa isang iceberg sa hilagang Atlantic Ocean, nabutas ng iceberg ang maraming kompartment at nagsimulang lumubog ang barko.
Sinabi ng kapitan sa lahat na sumakay sa mga lifeboat o bangka, pero kumbinsido ang maraming pasarero na wala naman talagang panganib. Akala nila ay sobrang maingat lang ang kapitan at di-magtatagal ay ibabalita na nalutas na ang problema at maaari na silang bumalik sa kanilang mga silid. Wala silang nakitang dahilan para lisanin ang isang barkong naliliwanagan ng magagandang ilaw at kung saan ay tumutugtog ang orkestra. Pagkatapos ay mapanganib na tumagilid ang barko na “hindi kayang palubugin” habang nagsisimula itong lumubog, at gusto na ng lahat na sumakay sa lifeboat o bangka.
Pero sa oras na iyon, huli na ang lahat.1
Noong 2019 sinabi ng ilang tao, “Walang makapipigil sa ekonomiya ng mundo. Ang bilang ng mga walang trabaho sa iba’t ibang panig ng mundo ay mas mababa kaysa dati.” Pagkatapos ay dumating ang isang virus na napakaliit kung kaya’t ni hindi natin ito makita, at binago nito ang lahat. Hindi lamang nagkasakit ang milyun-milyong tao at marami ang namatay, kundi marami rin ang nawalan ng trabaho. Ang takot ay nasa lahat ng dako. Tulad ng Titanic, ang mundo ay nakatagilid, pero ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ligtas at sigurado sa bangka.
Pagkatapos ay may nangyaring nakakatuwa. Maraming tao ang nakatingin sa ating bangka sa Simbahan. Ang mga pangkalahatang kumperensya ng Abril at Oktubre noong 2020 ay pinanood ng mas maraming tao kaysa rati—milyun-milyong karagdagang mga tao. Sa panahon ng pandemya, maraming tao ang nagsimulang matanto na kailangan nila ang iniaalok ng bangka: paniniwala sa Diyos, pagpapahalaga sa organisadong relihiyon, at pananampalataya kay Jesucristo.
Maniwala sa Diyos
Isang international study kamakailan ang nagsaad na mas maraming kabataan kaysa rati ang nagpapahayag na sila ay mga ateista. Iniisip ng mga taong ito na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nakagagawa ng kaibhan pagdating sa pagiging mabuti, moral, at etikal na tao.2 Narito ang hamon: Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang maniwala sa Kanya o hindi, pero hindi tamang sabihin na wala itong nagagawang kaibhan. Ang ating paniniwala sa Diyos ay nakakaapekto sa pagtingin natin sa ating sarili at sa pagtingin at pinakikitungo natin sa iba.
Ipinapakita ng mga pag-aaral na sa panahon ng kaguluhan at krisis, mas nakakayanan ito ng mga nananalig kaysa sa mga hindi nananalig.3 Ang mga nananalig ay mas masaya at mas handang magbigay ng donasyon sa kawanggawa.4 Sa panahon ng pandemya, nahirapan ang mga tao na magkaroon ng kapayapaan at kahulugan sa panahon ng matinding pagkawalay at pagkagambala. Nakadama ang mga nananalig ng pag-asa at magandang pananaw na wala sa iba.5
Si Brett G. Scharffs ay isang law professor sa Brigham Young University. Kapag nalaman ng ilan sa mga kasamahan niya sa iba pang mga unibersidad na siya ay tapat na mananampalataya, itinatanong nila kung minsan, “Pero paano kung mali ka at walang Diyos?”
Sagot niya: “Handa akong maging mali sa ganitong paraan kung ibig sabihin nito ay maniwala at makitungo sa iba na para bang sila ay mga anak ng Diyos, na nilikha sa Kanyang larawan na may potensyal na maging katulad ng isang perpekto at ganap na mapagmahal na Diyos. Mas gugustuhin kong magkamali sa pagbibigay ng kabuluhan at pagmamahal sa isang sansinukob na walang kabuluhan at may-kinikilingan kaysa gawin ang kabaligtaran nito. At saka, sa palagay ko hindi kami mali.”6
Pahalagahan ang Organisadong Relihiyon
Maraming tao ang naniniwala sa Diyos pero hindi naniniwala sa organisadong relihiyon. Sabi nila, “Espirituwal ako, hindi relihiyoso.” Karaniwan, ang ibig sabihin niyan ay kinikilala nila na mayroong Diyos pero ayaw nilang may hilingin Siya sa kanila, bigyan sila ng anumang kautusan, o umasang gagawa sila ng anumang pagbabago.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang espirituwalidad—isang indibiduwal na karanasan—ay maaaring ang kailangan lang natin kung mag-isa tayong nakatira sa mga tuktok ng bundok, pero may kasama tayong pamilya, nakatira sa mga komunidad, lipunan. Kaya nga kailangan natin ang relihiyon—ang espirituwal na gawain ng grupo.7
Madaling maupo nang mag-isa sa tuktok ng bundok at sabihing, “Mahal ko ang lahat.” Subukang ganito rin ang madama mo kapag huli ka na sa pagpasok sa trabaho dahil napakabagal ng drayber ng sasakyan na nasa harap mo. Gusto mong businahan at sigawan ang drayber. Sa sandaling iyon, kailangan mo ang mga kaugalian at pamantayan ng relihiyon para tulungan kang maipakita ang ideyal na pagmamahal sa bundok sa totoong sandali na may isang tao na hindi kaibig-ibig. Relihiyon ang tumutulong sa atin para magawa ito.
Sa tingin ng ilang tao ay hindi kailangan ang organisadong relihiyon, pero gusto nila na organisado ang mga paaralan, lungsod, tindahan, paliparan, at ospital. Nakikita nila ang mga pakinabang ng pagpunta sa organisadong ospital, kung saan may mga patakaran o inaasahan. Nakikita natin ang gayunding kapakinabangan sa ating organisadong Simbahan.
Ang pagiging bahagi ng organisadong relihiyong ito ay nagpapala sa atin at sa mga minamahal natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Dahil organisado ang Simbahan, maaari nating mapangalagaan nang mas epektibo ang ibang tao kaysa magagawa natin nang mag-isa. Sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa gitna ng pandemya sa mundo noong 2020, ang Simbahan ay nakibahagi sa mahigit 1,000 humanitarian aid project sa mahigit 150 bansa. Nagbigay tayo ng pagkain at iba pang mga pangangailangan para pangalagaan ang milyun-milyong nangangailangan. Wala ni isa sa atin ang nakagawa nito nang mag-isa, pero nagawa natin ito nang sama-sama dahil mayroon tayong organisadong relihiyon.8
Sumampalataya kay Jesucristo
Ang ilang tao ay naniniwala sa Diyos at kabilang sa mga organisadong relihiyon, pero hindi sila sumasampalataya kay Jesucristo. Iniulat ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 2020 na sa darating na mga dekada, mas marami ang hinulaang iiwanan ang Kristiyanismo kaysa pasukin ito.9
Karaniwang nakikita ang mga social media post na nagpapababa ng pagkatao ni Cristo at ng mga Kristiyano. Tatalikuran ba natin ang Tagapagligtas dahil ang pagsunod sa Kanya ay hindi na popular? Tatanggi ba tayong itaas ang bandilang Kristiyano dahil sa tutuligsain tayo dahil dito? Palagay ko’y hindi.
Ipinakita sa isang research study na bagaman lumaganap ang pandemyang COVID-19 noong tag-init ng 2020, 12 porsiyento ng mga pamilyang hindi Banal sa mga Huling Araw ang nag-ibayo ang gawaing panrelihiyon ng pamilya kumpara sa 62 porsiyento ng mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw na nagdagdag rin ng kanilang gawain ukol sa relihiyon.10 Alam ng mga pamilyang ito na ang katotohanan ay hindi binabago ng mga opinyon ng mga tao. Si Jesucristo ay Tagapagligtas ng sanlibutan. Siya ang Kapitan ng bangka. Sabi Niya, “Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinag-uusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sari-saring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin” (Mateo 5:11).
Tulungan ang Iba na Mahanap ang Bangka
Nang magsimulang sumakay sa bangka ang ilang pasahero sa Titanic, inisip ng iba na baliw sila. Sa katunayan, kalahati lang ang sakay ng mga unang bangka. Gayunman, nang tumagilid ang Titanic, nakita ng mga tao ang kahalagahan ng bangka. Kapag nakatagilid ang mundo, nagsisimulang maisip ng ilang tao ang tungkol sa Diyos, natatanto ang kahalagahan ng organisadong relihiyon, at pinalalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Hindi ngayon ang panahon para bumalik sa Titanic. Ngayon ang panahon para manatiling nakasakay sa bangka—ang Simbahan ni Jesucristo—at tulungan ang iba na malaman kung ano ang nawawala sa kanila.