2021
Pagharap sa Hindi Patas na Pagtrato sa Trabaho
Setyembre 2021


Digital Lamang

Pagharap sa Masasamang Palagay sa Trabaho

Ang awtor ay naninirahan sa Zacatecas, Mexico.

Napakahirap noong hindi ako tinanggap sa trabaho dahil miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

malapitang kuha ng tao na pinupunan ang mga papeles

Noong bata pa ako, nag-aral ako sa isang pribadong unibersidad sa aking sinilangang estado sa Mexico. Lagi akong kasundo ng mga teacher at director ng unibersidad. Magaling akong estudyante at matataas ang marka ko, at may ugnayan pa rin kami ng direktor nang matapos ko ang aking degree.

Isang araw noong 2010, kausap ko ang direktor. Sinabi niya sa akin na kulang sa mga guro ang unibersidad, at inalok niya ako ng trabaho dahil sa aking mga kasanayan at karanasan.

Parang biyaya iyon sa akin. Wala akong trabaho noon, at nahihirapan kami na humanap ng makakain. Pangarap kong magturo para matustusan ko ang aking asawa at mga anak.

Sabi ko, “Siyempre. Isang kasiyahan iyon para sa akin.”

Sabi niya, “Magaling! Ang susunod na semestre ay magsisimula sa loob ng 15 araw. Kailangan naming punan mo ang papeles na ito at pumunta sa oryentasyon para makapagsimula ka nang magtrabaho.”

Hindi Inaasahan at Hindi Nararapat

Nang punan ko ang papeles, nakita ako ng isa pang guro at tinanong kung ano ang ilalagay ko sa tanong tungkol sa aking relihiyon.

Sinabi ko, “Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Sabi niya, “Mabuti pang huwag mong isulat yan. Kung gagawin mo iyan, tatanggihan nila kaagad ang papeles mo.”

Itinanong ko sa sarili ko, Paano mangyayari ito? Ito ang ikadalawampu’t isang siglo. Paano magiging isyu ang relihiyon? Bukod pa rito, nadama ko na kailangan akong maging matapat, kaya naging tapat ako. Natapos ko ang papeles at ipinadala ito sa email. Kinabukasan, naghintay akong makatanggap ng impormasyon tungkol sa iskedyul ko sa pagtuturo. Walang nangyari.

Kinabukasan pagkatapos niyon, kinontak ko ang director at tinanong ko siya tungkol dito. Sabi niya, “Alam mo, hindi ito uubra.”

Itinanong ko, “Bakit, ano ang nangyari?”

Sabi niya sa akin, “Hindi natutugunan ng kurikulum mo sa klase ang mga kinakailangan sa akademya.”

Walang katuturan ito dahil siya pa ang nag-alok sa akin ng trabaho. Kalaunan ay sinabi sa akin ng mga administrator ang katotohanan: Hindi ako natanggap sa trabaho dahil sa relihiyon ko.

Dahil walang nakasulat na patakaran o polisiya ang unibersidad tungkol sa mga paniniwala o relihiyon ng guro, hindi patas ang naging pagtrato sa akin. Napakahirap nito para sa akin, pero lalo na dahil hindi ko alam kung paano ko maitataguyod ang aking pamilya.

Paghingi ng Tulong sa Diyos

Isa sa mga bagay na nakatulong sa akin ay ang pag-iisip kung paano nakagawa ng bangka si Nephi nang hindi nalalaman kung paano ito gagawin bago siya nagsimula (tingnan sa 1 Nephi 17:7–55; 18:1–4). Ang kaalaman na magagabayan ako ng Diyos at mailalaan ang mga bagay na kailangan ng aking pamilya ay nakatulong sa akin na makayanan ang mahirap na panahong ito. Habang pinag-iisipan ko ang sitwasyon ko, tinulungan ako ng Ama sa Langit para hindi ako magalit, at nagpasiya akong hahayaan ko na iyon. Tinulungan Niya akong magpokus sa aking pamilya at makahanap ng ibang trabaho bilang reporter, at malaking pagpapala iyon.

Pagtulong sa Iba

Binibigyan tayo ni Jesucristo ng perpektong halimbawa. Sa halip na kumilos nang may maling palagay sa iba, maaari nating pakitunguhan ang iba tulad ng ginagawa Niya.

Sa tungkulin ko bilang guro sa institute, kamakailan ay itinuro ko ang tungkol sa talinghaga ng Mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:25–37). Ang buhay ay makapagdudulot ng sakit na hindi natin dapat danasin, at maraming beses nating madarama na parang tayo ang lalaking binugbog at ninakawan, umaasa lamang na may isang taong tutulong sa atin. Ngunit sa talinghagang ito, nais ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na mas maging tulad tayo ng Samaritano o ng katiwala ng bahay-tuluyan, na nangalaga sa mga nasaktan. Iyan ang ginawa ng Tagapagligtas sa kabila ng matinding pagtanggi sa Kanya at pasakit. Natanto ko na sa halip na piliing maging biktima, maaari kong piliing kumilos bilang tagapagpagaling.

Lahat tayo ay maaaring magsikap na maging mabubuting kapitbahay, mabubuting kaibigan, mabubuting tao, at mabubuting mamamayan. Magiging mas madali iyan kapag mahal natin ang ating kapwa at sinisikap na maunawaan na nagkakamali ang mga tao. Kung minsan ang mga pagkakamaling ito ay maaaring hindi kasiya-siya sa atin. Ngunit ang pagpapakita ng pang-unawa at pagpapatawad ay tutulong sa atin na mahalin ang iba, suportahan ang mga nangangailangan, at baguhin ang mundo.

Pinalalakas tayo ng Diyos upang matulungan natin ang iba kapag nahihirapan sila. Kailangan lang tayong maging handa para maturuan Niya tayo kung paano ito gawin.