2021
Pagdaig sa Rasismo at Masasamang Palagay: Makabubuo Tayo ng mga Tulay
Setyembre 2021


Pagdaig sa Rasismo at Di-matwid na Pagpapalagay: Makabubuo Tayo ng mga Tulay

Sa pagtulong natin na tipunin ang Israel at itatag ang Sion, maaari nating itaguyod ang paggalang sa lahat ng anak ng Diyos.

two happy girls as friends hold hands

Ang isa sa mga makapangyarihang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo—na may malawak na implikasyon—ay na “bawat isa sa atin ay may banal na potensyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin.”1

Kapag hinangad ng mga miyembro ng Simbahan na sundin ang atas na maging isa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27) at ilabas at itatag ang kapakanan ng Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:6), si Pangulong Russell M. Nelson ay nag-anyaya “na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain [na may di-matwid na pagpapalagay]” at nagbahagi ng ilang paraan na maaari nating “itaguyod ang paggalang para sa lahat ng anak ng Diyos.”2 Hinikayat niya tayo na bumuo rin ng mga tulay ng pagkakaibigan, pagtutulungan, at pag-uunawaan habang itinatayo natin ang Sion.3

“Magkakaugnay tayong lahat, at binigyan tayo ng Diyos ng tungkulin na tumulong na mapabuti ang buhay ng mga nasa paligid natin,” sabi niya. “Hindi natin kailangang maging magkatulad o magkamukha para magkaroon ng pagmamahal para sa bawat isa. Ni hindi natin kailangang sang-ayunan ang isa’t isa para mahalin ang bawat isa. Kung umaasa tayo na makamit ang ating inaasam na pagkakaroon ng mabuting kalooban at pagkamakatao, dapat itong magsimula sa bawat isa sa atin, nang paisa-isa.”4

May Puwang para sa Lahat

Hinimok tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “palawakin ang sakop ng ating pagmamahal para kabilangan ng buong pamilya ng sangkatauhan.”5 Paano tayo makatutulong bilang mga miyembro ng Simbahan na lumikha ng pandaigdigang komunidad ng mga Banal kung saan nararamdaman ng lahat ang malugod na pagtanggap at nagsisikap na mamuhay nang mapayapa at may pagkakasundo sa isa’t isa anuman ang lahi, etnisidad, kultura, seksuwal na oryentasyon, edad, kasarian, edukasyon, katayuan sa lipunan, antas ng kakayahan, o anupamang pagkakaiba?

Siyempre, ang sagot ay sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tulad ng sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang ebanghelyo ni Jesucristo lamang ang maaaring magkaisa at maghatid ng kapayapaan sa mga tao sa lahat ng lahi at nasyonalidad.”6 Mababago ni Jesucristo ang ating puso (tingnan sa Mosias 5:2). Siya ay may “kapangyarihang [magpagaling]” (Marcos 3:15).

Kapag tayo mismo ay lumalapit kay Cristo, nagkakaroon tayo ng mas malawak na pang-unawa sa malalim na katotohanang itinuro ni Pangulong Nelson, na ang Panginoon ay “inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya.”7

May puwang sa Simbahan ng Tagapagligtas para sa lahat ng handang sumunod sa Kanya at “hayaang manaig ang Diyos” sa kanilang buhay. Ang kaluguran ng Diyos ay hindi nakadepende sa lahi, kulay ng ating balat, o iba pang mga katangian kundi sa ating katapatan sa Kanya at sa kahandaan nating sundin ang Kanyang mga kautusan.8

Maaari Tayong Manguna sa Pagtulong

Kung may nakikita tayo sa ating sarili na anumang bagay na sumasalamin sa mga saloobin o pag-uugali batay sa masasamang palagay, kailangan nating talikuran ito sa ating mga pagsisikap na maging isa, dahil kung hindi tayo isa, hindi tayo sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:2; 38:27). “Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat manguna sa pagtataguyod ng paggalang sa lahat ng anak ng Diyos. … Sinisikap nilang maging mga taong may mabuting kalooban sa lahat, tinatanggihan ang anumang uri ng di-matwid na pagpapalagay.”9

Bilang mga miyembro ng “katawan ni Cristo” (1 Corinto 12:27), kailangan natin ang isa’t isa, “upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na pangangalaga sa isa’t isa. Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya” (1 Corinto 12:25–26).

Ang panalangin, pag-aaral, at mapagpakumbabang pagmumuni-muni ay makatutulong sa atin na makita kung paano natin higit na mamahalin ang Diyos at ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang pagkakaroon ng mabuting kalooban ay maaaring mangahulugan ng pagdaig sa sarili nating mga pagkiling, palagay, o stereotype kapag nakikipag-ugnayan tayo sa isa’t isa. Ang pagsisikap na maunawaan ang mga karanasan ng mga taong hindi natin katulad ay makapagbubukas ng ating mga mata sa magkakaiba ngunit mahahalagang pananaw.

Sinabi rin ni Pangulong Oaks na “ang pagdududa sa ibang tao o kahit ang poot ay nagbibigay-daan sa pagkakaibigan o pagmamahal kapag nagbunga ang mga personal na pakikipag-ugnayan ng pag-unawa at paggalang sa isa’t isa.”10

Sa mga kasunod na pahina, makikita ninyo ang mga karanasan, repleksyon, at ideya tungkol sa pagbuo ng mga tulay habang itinatayo natin ang Sion.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.

  2. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” 94.

  3. Tingnan sa Tad Walch, “President Nelson’s Yearlong Call for Unity,” Deseret News, Okt. 1, 2019, deseretnews.com.

  4. Russell M. Nelson, sa Walch, “President Nelson’s Yearlong Call for Unity.”

  5. Russell M. Nelson, “Blessed Are the Peacemakers,” Liahona, Nob. 2002, 41; tingnan din sa Teachings of Russell M. Nelson (2018), 83.

  6. Dallin H. Oaks, “Racism and Other Challenges” (Debosyonal sa Brigham Young University, Okt. 27, 2020), 6, speeches.byu.edu.

  7. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” 94; tingnan din sa 2 Nephi 26:33.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” 94; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.14, ChurchofJesusChrist.org.

  9. Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.14.

  10. Dallin H. Oaks, “Mahalin ang Inyong mga Kaaway,” Liahona, Nob. 2020, 27.