2022
Personal pa rin ba sa Akin ang Paghahayag mula sa Propeta?
Mayo 2022


Pagsasabuhay ng Lumang Tipan

Personal pa rin ba sa Akin ang Paghahayag mula sa Propeta?

Ang paghahayag sa propeta na ibinigay sa Simbahan ay angkop sa lahat, samantalang ang personal na paghahayag ay tumutulong sa atin na malaman kung paano ipamumuhay ang mga turong iyon.

Larawan
dalagitang nanonood ng pangkalahatang kumperensya

Larawang kuha ni Tiffany Myloan Tong

Marami tayong matututuhan tungkol sa paghahayag sa propeta at personal na paghahayag mula kay Moises. Nang lumapit ang Israel kay Moises upang humingi ng tulong, na nagrereklamo na manna lamang ang kanilang kinakain, nagsumamo si Moises sa Panginoon. Sabi niya: “Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin” (Mga Bilang 11:14).

Bilang tugon, tumawag ang Panginoon ng pitumpung elder ng Israel upang tumulong balikatin ang pasaning ito, sinasabi kay Moises na: “Ako’y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa” (Mga Bilang 11:17).

Ngunit higit pa ang nais ni Moises; nais niyang “ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!” (Mga Bilang 11:29). Sa madaling salita, ninais ni Moises na maging karapat-dapat ang mga tao na tanggapin ang Espiritu Santo para patnubayan sila.

Ngayon ay madalas tayong hikayatin ng ating mga lider na maghangad ng personal na paghahayag, bukod pa sa natututuhan natin mula sa mga propeta. Tulad ng paliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at [palagiang] nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”1 Kailangan nating malaman kung paano susundin ang payo ng propeta habang humihingi rin ng payo para sa sarili nating mga buhay.

Sino ang Maaaring Tumanggap ng Paghahayag sa Propeta?

Nahihirapan ang ilang miyembro ng Simbahan na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng paghahayag sa propeta at ng personal na paghahayag. Ngunit nilinaw nang husto ng Panginoon kung sino ang maaari at hindi pinahihintulutang tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan, tulad ng inilarawan sa Mga Bilang 12.

Nagsimulang mag-alinlangan sina Aaron at Miriam sa tungkulin ni Moises bilang propeta. Tanong nila: “Ang Panginoon ba’y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” (Mga Bilang 12:2).

Tumugon ang Panginoon:

“Ang aking tagapaglingkod na si Moises … ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.

“Sa kanya’y nakikipag-usap ako nang harapan,” (Mga Bilang 12:7–8).

Nilinaw ng Panginoon ang alituntuning ito makalipas ang maraming taon sa Doktrina at mga Tipan 28, itinuturo na ang paghahayag sa Simbahan ay dumarating lamang sa hinirang na propeta: “Subalit, masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sapagkat tinanggap niya ang mga yaon maging tulad ni Moises” (talata 2).

Paano Nagtutulungan ang Paghahayag sa Propeta at Personal na Paghahayag

Saan naaangkop ang personal na paghahayag sa lahat ng ito? Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Ang personal na linyang ito ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ang pinagmumulan ng ating patotoo sa katotohanan, ng ating kaalaman, at personal na patnubay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. …

“… Sa kabuuan ang personal na linya ay hindi gumagana kung walang linya ng priesthood.”2

Ang paghahayag sa propeta na ibinigay sa Simbahan ay angkop sa lahat, habang ang personal na paghahayag naman ay tumutulong sa ating malaman kung paano ipamumuhay ang mga turong iyon. Mapagtitibay ng personal na paghahayag mula sa Panginoon ang anumang itinuturo ng propeta; hindi ito sasalungat sa paghahayag na ibinibigay Niya sa Kanyang mga propeta.

Narito ang ilang halimbawa ng payo ng propeta na nag-aanyaya ng personal na paghahayag:

  • Mga pagbabagong ginawa sa home at visiting teaching. Pinayuhan tayo ng ating mga propeta at apostol tungkol sa mga pangunahing mithiin ng ministering, na ipinatupad kapalit ng home at visiting teaching noong 2018, ngunit ang pormat ay nag-iiwan ng puwang para sa mga miyembro na pagpasiyahan kung paano pinakamainam na mapaglilingkuran ang mga partikular na indibiduwal at pamilya.

  • Pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Inilabas sa unang pagkakataon ng Unang Panguluhan sa buong Simbahan noong 2018, ang manwal ay nagbibigay sa atin ng balangkas at iminumungkahing paraan ng pag-aaral, ngunit bawat indibiduwal at pamilya ang nagpapasiya kung paano iaangkop ang kanilang pag-aaral upang matugunan ang kanilang partikular na mga pangangailangan.

Ang paghahayag ay isang kaloob, at sa paghahangad ng personal na paghahayag, matututuhan natin kung paano maipamumuhay ang payo ng propeta.

Pag-aaral Kung Paano Nangungusap sa Atin ang Espiritu

Maganda ang makabagong paghahayag. Ang pagkakaroon nito ay nangangahulugan na nais ng Ama sa Langit na makipag-ugnayan sa atin, at binigyan Niya tayo ng maraming paraan para makatanggap ng paghahayag mula sa Kanya. Ngunit kailangang magsanay para malaman kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu at kung ano ang nais ng Ama sa Langit na ihayag sa atin.

Ang pinakamainam na magagawa natin, sa mga salita ni Pangulong Nelson, ay ang humiling at maging handang tumanggap: “Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? … Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.”3

Talagang nais ng Panginoon na mangusap sa atin—kapwa nang personal sa ating puso’t isipan at sa Simbahan bilang kabuuan sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Habang hinahangad natin ang pagpapala ng personal na paghahayag, magagabayan tayo sa kabuuan ng ating buhay.

Sa isang interbyu sa mga magasin ng Simbahan, ibinahagi ng mga miyembro kung paanong ang pagsunod sa propeta ay nagpala sa kanilang buhay at naghatid ng kapayapaan sa magulong panahon.

Print