2022
Protektado ng mga Tipan
Mayo 2022


Mga Young Adult

Protektado ng mga Tipan

Ang awtor ay naninirahan sa Hawai‘i, USA.

Ang kapangyarihan at proteksyong ipinangako sa mga taong tapat na nagsusuot ng garment sa templo ay hindi nagmumula sa mahika; nagmumula ito sa Diyos.

young adult looking over railing at the city

Ang kagustuhan kong magsuot ng garment sa templo ay hindi lubos na maipapahayag sa mga salita. Kahit manipis ang materyal na ginamit sa garment at halos di-kapansin-pansin nang makasanayan ko na, ang isinisimbolo ng garment, ang mga pagpapalang kaakibat nito, at ang laging-nariyang panlabas na pagpapahayag ng aking taos na pangako sa Diyos—at ng pagmamahal ko sa Diyos—ang dahilan kaya maganda at espirituwal ang karanasang isuot iyon araw-araw. Ito ay kapayapaan. Ito ay lakas. Ito ay kapanatagan. Ito ay kapangyarihan. Ito ay banal. Itinuturing ko itong malaking pagpapala sa buhay ko.

Kung minsan ay itinuturing ng mga tao ang garment na damit-panloob lang, o pagpapakita lang ng kababaang-loob, para ipakita sa kanila ang maaari at hindi nila maaaring isuot—isang pagpapasiya kung ano ang disente at hindi disente. At bagama’t talaga namang naghihikayat ng kababaang-loob ang wastong pagsusuot ng garment (lalo na ayon sa mga pamantayan ng mundo), higit pa riyan ang isinisimbolo ng garment ng banal na priesthood.

Makapangyarihan at Walang-Hanggang Pananaw

Natanggap ko ang sarili kong endowment sa edad na 19 bilang paghahanda sa kasal ko sa templo. At bagama’t winakasan ng malulungkot na sitwasyon ang kasal na iyon, naging tapat ako sa aking mga tipan, at nanatili ang mga tipang iyon na ginawa ko sa Panginoon. Nanatili akong tapat sa mga iyon at pinalakas ako ng mga iyon. Hindi ako naiwang mag-isa sa mga pagsubok ko sa buhay at mas napalakas ako para sa mga iyon.

Nakatanggap ako ng napakaraming pagpapala sa patuloy na pagkakaroon ng temple recommend, sa wastong pagsusuot ng garment ayon sa tagubilin, at sa pagtupad ng mga tipang ginawa ko sa templo. Bagama’t imposibleng banggitin ang lahat ng pagpapala mula sa pagsunod na ito, ang pinakamalinaw na napansin ko ay ang kakayahang magpanatili ng banal na pananaw at ang patuloy na pisikal na paalala na gumawa ng mga tamang pasiya kahit hindi iyon ginagawa ng ibang mga tao sa paligid ko—at kahit nasasaktan ako sa mga pagpapasiya ng iba.

Maraming mali sa buhay ko sa nakalipas na 11 taon (kabilang sa mga pinakamalala ang diborsyo, kagipitan sa pera, at nakakainis na takbo ng pagtatrabaho at personal na mga problema), ngunit ang patuloy na pagsusuot ng garment at regular na pagdalo sa templo ay nagpabatid sa akin na may mas mahalaga pang bagay sa buhay na ito kaysa anumang pagsubok na nararanasan ko sa sandaling iyon—gaano man kahirap o kasakit ang bawat sandali.

Dahil palagi kong ginagawa ang dalawang bagay na ito natulungan akong manatiling malapit sa Espiritu, nalayo ako mula sa pisikal na panganib sa nadama kong mga pahiwatig na ipinasiya kong sundin—at nakadama rin ako ng malaking pag-asa at walang-hanggang pananaw na gumabay sa akin sa mahihirap na pagsubok kung kailan pakiramdam ko ay hindi ko na kayang sumulong sa aking emosyonal o espirituwal na paglalakbay. Patuloy akong pinalalakas ng kapayapaang ito habang dumarating ang mga bagong hamon at pagsubok.

Ang mga pagpapala mula sa templo na naranasan ko ay mula sa pang-araw-araw na mga pagpapalang kung minsa’y nakakaligtaan natin (tulad ng kapanatagan at mga pahiwatig), hanggang sa malalaking pagpapala, walang-hanggan, at kitang-kita (tulad ng mabuklod magpakailanman sa ating pamilya). Ang karanasan ng bawat tao ay natatangi at personal—ngunit laging dumarating sa atin ang mga pagpapala sa takdang panahon ng Panginoon kapag tinutupad natin ang ating mga tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10). At ang pagsusuot ng garment ay isang mahalaga at personal na pagpapakita sa Panginoon na naaalala natin ang ating mga tipan.

Patuloy na Espirituwal na Proteksyon

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isa sa mga pagpapalang maaasahan natin kapag isinusuot natin nang wasto ang garment: “Ang garment ay simbolo ng mga sagradong tipan. Naghihikayat ito ng kababaang-loob at nagiging pananggalang at proteksyon sa nagsusuot.”1

Mapoprotektahan tayo ng pananggalang na ito mula sa tinatawag ni Nephi na “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24). Kung mabibilang natin kung ilang beses tayo sinisibat o tinutukso ni Satanas bawat araw, pakiwari ko’y napakarami. Nabubuhay tayo sa isang mundo na masigasig na naghahangad na sirain ang ating pinaniniwalaan. Nakapaligid sa atin sa lahat ng dako ang di-angkop na mga larawan at mensahe, pati na ang pamimilit na gumamit ng nakapipinsalang mga sangkap o suwayin ang batas ng kalinisang-puri. Mas laganap pa ang barkada at tuksong makipagtalo at maging masungit, personal man o lalo na online; para kutyain o hamakin ang iba sa pagpapahayag ng kanilang mga opinyon o paniniwala; o tudyuhin ang isang tao sa isang bagay na kasing-liit ng pagkakamali sa gramatika. Ang mga espirituwal na pag-atakeng ito, kung pakikinggan, ay magpapahina sa ating mga pandamdam at makababawas sa ating kakayahang madama ang mga babala mula sa Espiritu Santo.

Ang listahan ng “nag-aapoy na sibat” na ibinabato ni Satanas sa atin ay totoong walang katapusan at laging mapanganib. Sabi ni Elder Taniela B. Wakolo ng Pitumpu, “Ang maraming gambala at tukso sa buhay ay parang ‘mga lobong maninila.’” Kaya paano natin mapoprotektahan ang ating sarili? Dagdag pa niya sa mensahe ring iyon kalaunan, “Ipinapangako ko na ang pakikibahagi sa mga ordenansa at pagtupad sa kalakip na mga tipan nito ay magbibigay sa inyo ng kagila-gilalas na kaliwanagan at proteksyon sa mundong ito na lalo pang dumidilim.”2

Kung totoong matutulis na bagay ang “sibat” na ibinabato sa inyo ni Satanas araw-araw na hindi ninyo makita at madama, iiwanan ba ninyo ang kalasag sa bahay? Babalewalain ba ninyo ang kaalaman kung paano ipagtanggol ang inyong sarili—o ang landas patungo sa isang kanlungan? Ipagpapaliban ba ninyo ang paggawa o pagtupad ng mga tipan sa Diyos samantalang nangako Siya na magwawagi kayo sa tulong ng mga tipang iyon?

Meridian Idaho Temple

Ang Kapangyarihan ng mga Tipan sa Ating Pag-unlad

Ang proteksyong ibinibigay ng garment ay hindi nagmumula sa anumang uri ng mahika sa garment mismo, tulad ng maling akala ng ilan. Bagkus, ang ipinangakong proteksyon ay ang proteksyong ibinibigay ng Panginoon kapwa sa pisikal at sa espirituwal kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at tapat tayong nangangako sa Kanya araw-araw.

Ang mga tipan sa templo at ang garment ay hindi para sa mga perpektong tao. Iyon ay para magsilbing pananggalang at protektahan ang mga taong hindi perpekto na ginagawa ang lahat para mas magpakabuti. Mga taong nagsisisi kapag nagkasala sila at patuloy sa pagsulong. Mga taong katulad ko at ninyo.

Tulad ng pisikal tayong nakikibahagi ng sakramento bawat linggo para alalahanin at sariwain ang ating mga tipan sa binyag, ang pagsusuot ng garment araw-araw ay nagsisilbing pisikal na paalala ng mga tipang nagawa natin sa templo. Ito ay mga bagay na kailangan natin sa ating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo.

Higit pa sa banal na proteksyon, ang pagtupad ng ating mga tipan at pagsusuot ng garment ay isang paraan upang ipakita sa Diyos bawat araw kung gaano natin Siya kamahal, at na susundin natin ang Kanyang mga kautusan dahil mahal natin Siya—at isang paraan ito para matanggap natin ang maraming pagpapalang nais ibigay sa atin ng Diyos. Talagang mahal Niya tayo nang higit kaysa mauunawaan natin at nais Niya tayong maging ligtas at magkaroon ng proteksyong ipinangako niya.

Pinagpala Bawat Araw

Tayong lahat ay nasa isang espirituwal na pakikibaka bawat araw, natatanto man natin iyan o hindi. Ang mga tipang ginagawa natin sa templo at tinutupad sa ating buhay araw-araw ay tutulungan tayong labanan ang kasalanan at si Satanas, ngunit nasa atin na ang paghahanda—at pagkatapos ay maging tapat.

Natutuwa ako sa desisyon kong magpunta sa templo—at sa sumunod na mga desisyong nagawa ko para tuparin ang aking mga tipan. Mapalad ako bawat araw sa aking pasiya at sa wastong pagsusuot ko ng garment, tulad ng ipinangako kong gawin. Pinananatili ako nitong ligtas. Ipinapaalala nito sa akin ang aking mga tipan. At ipinapakita nito sa Diyos na mahal ko Siya nang higit kaysa sa mundo at na gagawin ko ang ipinagagawa Niya sa akin.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, The Holy Temple (1980), 75.

  2. Taniela B. Wakolo, “Ang Nakapagliligtas na mga Ordenansa ay Magbibigay sa Atin ng Kagila-gilalas na Kaliwanagan,” Liahona, Mayo 2018, 40, 41.