Hayaang Mangusap sa Inyo ang Diyos sa Kanyang Sariling Panahon at Pamamaraan
Dahil inasahan kong makatanggap ng paghahayag sa isang partikular na pamamaraan at panahon, hindi ko napansin ang mga pagkakataon na kinakausap ako ng Ama sa Langit.
Isa akong dalagitang mahilig makahanap ng mga sagot.
Noong bata pa ako, napakarami kong tanong. Gusto kong malaman kung bakit asul ang langit at kung saan napunta ang nawala kong baunan. Noong nasa hayskul ako, naging mas malalalim ang mga tanong ko. Ano ang pariugat ng 347? Ano ang nangyayari kapag nananaginip tayo?
Sa aking karanasan, natuklasan ko na kapag may tanong ako, matatagpuan ko ang sagot sa pamamagitan ng mga pormula: pormula sa matematika, pormula ng siyensya. Inunawa ko ang mundo sa pamamagitan ng mga pormulang ito.
Nang nagbago ang aking mga tanong mula sa temporal at naging espirituwal, mas marami pa akong itinanong: Totoo ba ang Aklat ni Mormon? Talaga bang anak ako ng Diyos? Dapat ba akong magmisyon?
Buti na lang, nalaman ko na makahahanap ako ng mga sagot sa mga espirituwal na tanong sa pamamagitan ng isa pang pormula! Ganito ang naging pormula ko: ang pagdarasal plus pag-aaral ng mga banal na kasulatan plus pagsisimba plus pakikinig sa mga propeta equals mga sagot.
Gustung-gusto ko ang pormulang ito! Madaling sundan ito at—ang mas mahalaga—gumagana ito. Nakatulong sa akin ang pormulang ito na malaman na mahal ako ng Diyos at na ang ebanghelyo ay totoo, at natitiyak ko na magagamit ko ito para makatanggap ng mga sagot. Kaya nang anyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “[dagdagan] at [pag-ibayuhin] ang kakayahan [nating] mapakinggan Siya,”1 akala ko ay ginagawa ko na ito.
Ngunit sa isang mahalagang punto ng buhay ko, tila nawalan ng bisa ang pormula ko.
Paghahangad ng Paghahayag
Ilang linggo bago ako nagsimula sa misyon, dahil sa COVID-19, binago ang misyong pupuntahan ko, at ninais kong malaman kung ang paglilingkod ay nais pa ring ipagawa sa akin ng Diyos. Nanalangin ako, nagbasa ng mga banal na kasulatan, nagsimba, naghanap ng mga mensahe sa kumperensya, at … walang nangyari. Malapit na akong gumawa ng desisyong magpapabago ng buhay ko, at kailangan ko nang magmadali!
Bagama’t wala pa rin akong sagot, nanampalataya ako at sinimulan ang aking online MTC training. Kalaunan ay naglingkod na ako sa lugar ng aking misyon pero hindi nagtagal ay umuwi ako dahil sa ilang natatanging personal na sitwasyon at nang may mas marami pang mga tanong. Muli kong sinikap gamitin ang aking pormula, na talagang naghahanap ng paliwanag, pero muli—wala. Dumalo ako sa pangkalahatang kumperensya na bitbit ang mga tanong ko. Nagtungo ako sa templo na naghahanap ng mga sagot nang muli itong binuksan. Nagbasa ako ng mga artikulo sa Liahona. Ginawa ko ang lahat ng narinig kong ginagawa ng iba upang makahanap ng mga sagot. Ngunit parang sarado ang kalangitan.
Siyempre, ang mga pagsisikap ko ay hindi kailanman nawalan ng saysay. Mas napalapit ako sa Diyos at lalo kong nadama ang Espiritu sa buhay ko, ngunit hindi ko nakakamit ang resultang inasam ko. Inisip ko kung talaga bang alam ko kung paano Siya pakinggan.
Pagkatapos, isang araw, ay nakatanggap ako ng sagot. Hindi ito nangyari habang nagdarasal ako, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, o nagsisimba, pero naniniwala ako na natanggap ko ang sagot na ito dahil hinahanap ko Siya sa ganitong mga paraan. Hindi lubos na natugunan ng sagot ang tanong ko, ngunit natanto ko na kung may pananampalataya ako, bibigyan ako ng Diyos nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30), sa Kanyang sariling panahon at pamamaraan.
Nagsimulang dumating ang bago at di-maikakailang koneksyon sa langit sa mga paraang hindi ko pa naranasan noon. Sa paglipas ng mga linggo, sinikap kong buksan ang puso ko para tanggapin ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga bagong pamamaraan. At iyan ang nakapagpabago ng lahat. Habang patuloy ko Siyang hinahanap sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, napansin ko ang pagbuhos ng patnubay ng Diyos. Sa wakas ay nasasagot na ang mga tanong ko. Himala iyon!
Natanto ko na dahil inasahan kong makatanggap ng paghahayag sa isang partikular na paraan at panahon, hindi ko napansin ang mga pagkakataon na kinakausap ako ng Ama sa Langit. Maaaring hindi dumating ang paghahayag sa parehong paraan sa bawat pagkakataon. Nangungusap ang Diyos nang indibiduwal at sa Kanyang sariling mga paraan.
Huwag Limitahan ang Kakayahan Ninyong Pakinggan Siya
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang paraan ng pagtanggap ng paghahayag mula sa Diyos ay hindi nagbago mula pa noong panahon nina Adan at Eva. … Ito ay laging ginagawa nang may pananampalataya.”2
Kung minsan maaaring kailanganin nating matiyagang maghintay sa Panginoon para sa mga sagot. Ngunit habang ginagawa natin ito, maaari tayong patuloy na maghanap ng mga paraan para maanyayahan ang Espiritu sa ating buhay. Subukang magdasal sa ibang oras. Saliksikin ang mga banal na kasulatan sa paraang hindi mo pa nagawa noon. Maglakad-lakad at magnilay-nilay. Kumanta ng mga himno. Dumalo nang mas madalas sa templo. Gawin ang gawain sa family history. Maglingkod. Mag-ayuno. Isulat ang iyong mga naiisip pagkatapos manalangin. Bisitahin ang mga sagradong lugar. Gawin ang mga bagay na puno ng pananampalataya na mas maglalapit sa iyo sa Kanya. Walang katapusan ang mga paraan na makapagsasalita sa inyo ang Diyos dahil walang katapusan ang Kanyang kapangyarihan.
Habang naghahangad tayo ng mga karagdagang paraan para makapag-anyaya ng paghahayag, maaari nating patuloy na palakasin ang ating ugnayan sa Ama sa Langit at ang kakayahan nating pakinggan Siya. Kung naghahangad kayo ng paghahayag, dapat ninyong malaman na naghihintay Siya na tulungan kayo at ibibigay Niya sa inyo ang mga sagot sa Kanyang sariling panahon at pamamaraan. At kung titingnan ninyong mabuti, maaari ninyong makita na nasagot na Niya kayo.