2022
Pagkatutong Magtiwala sa Diyos at sa Kanyang Propeta sa Halip na Sa Aking Sarili
Mayo 2022


Pagkatutong Magtiwala sa Diyos at sa Kanyang Propeta sa Halip na Sa Aking Sarili

Isang klase sa scuba diving ang nagturo sa akin kung paano mas mainam na nalalaman ng Ama sa Langit kaysa sa atin kung ano ang pinakamabuti para sa atin.

mga scuba diver na lumalangoy malapit sa pugita

Habang nag-aaral sa Brigham Young University–Hawaii, nagpasiya akong kumuha ng sertipikasyon sa scuba diving para masaliksik ko ang karagatan na nakapalibot sa magandang kampus. Sa huling bahagi ng sertipikasyon ng capstone, kami ng pangkat ko ay sumisid nang 20-minuto mula sa Kewalo Basin Harbor sa Honolulu.

Alam ng dive instructor namin na dahil umabot na kami sa puntong ito, natutuhan na namin kung paano maging ligtas at masiyahan sa aming pagsisid. Malinaw pa rin na kailangan naming sundin ang mga pangunahing patakaran tulad ng paggamit ng buddy system, pero sinabi niya sa amin na maaari kaming mas magtuon sa pagtingin-tingin kaysa magpakita ng partikular na mga kasanayan.

Kamangha-mangha ang huling pagsisid namin, at nasiyahan akong makita ang mga whitetip na pating at mga pagong sa dagat. Wala nang iba pang nagpahanga sa akin sa magandang mundong ito na nilikha ng Panginoon para sa atin na tulad ng pagtingala mula sa ilalim ng dagat at matanto na humihinga ako sa ilalim ng tubig.

Pag-iwan sa Gabay

Nang malapit nang matapos ang sesyon namin, tila nabighani ang dive instructor sa isang batong kasinglaki ng unan. Parang sinisikap niyang buhatin ito, pero nainip ako. “Ilang minuto na lang ang mayroon kami,” naisip ko sa sarili ko. “Ayaw kong sayangin ang oras ko sa pagtingin lang sa isang bato.”

Lumayo ako para galugarin ang ilang kalapit na koral nang bigla kong narinig ang maraming mahina at magkakasabay na tuwang-tuwang mga tinig sa ilalim ng dagat. Lumingon ako at nakita ko ang grupo ko na nakatitig sa isang bagay, pero dahil nakakabit sa bibig ko ang regulator, hindi ko magawang tanungin kung ano ang nangyari.

Lumangoy ang grupo namin pabalik sa ibabaw at sumakay sa bangka namin. Matapos naming alisin ang aming mga kagamitan, lahat ay nagsimulang magkuwentuhan nang may kasiyahan tungkol sa nakita nila. Sabi sa akin ng buddy ko, “Sinikap kong makuha ang iyong pansin para makita mo itong lumalangoy palayo!”

Nakakita ang instructor ng pugita sa ilalim ng isang bato, kaya inilipat niya ang bato para sa makita rin ng klase. Tuwing ililipat ng guro ang bato, tumatakas ang pugita pabalik sa ilalim, hanggang sa nagsawa na ito sa pakikipagtaguan at bumuga ng tinta at lumangoy palayo.

Ilang beses na akong nag-snorkel at sumisid at nakakita na ako ng napakaraming hayop, ngunit hindi kailanman ng isang pugita. At dahil sa kawalan ko ng pasensya, napalampas ko ang isang pambihirang pagkakataon.

Pinagnilayan ko ang karanasang ito sa isang oras na biyahe namin pauwi ng bahay at natanto ko na may natutuhan akong mahalagang aral ng ebanghelyo tungkol sa pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa propeta. Hindi ko sinuway ang divemaster na gumagabay sa amin. Ngunit naisip ko na ang gabay ko ay hindi hinahangad ang pinakamabuti para sa akin.

Mas nagtiwala ako sa sarili ko kaysa sa aking guro.

Maaari Tayong Magtiwala sa Propeta ng Diyos

Kung nagtiwala ako sa gabay ko, nagkaroon sana ako ng mas magandang karanasan. At ang parehong alituntuning ito ay magagamit sa pagtitiwala sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang propeta.

Alam natin na ang ating layunin sa buhay na ito ay ang maghanda sa pagharap sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, ngunit hindi lamang iyan ang dahilan kung bakit tayo narito. Itinuro ni Lehi na narito tayo upang tayo ay “magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).

Upang matulungan tayong maranasan ang kagalakang iyon at maisakatuparan ang layunin sa ating paglikha, tumawag ang Diyos ng mga propeta at apostol, at naglilingkod sila bilang Kanyang tagapagsalita para sa ating kapakinabangan. Binibigyan din Niya tayo ng mga kautusan upang matanggap at mapanatili natin ang walang hanggang kagalakang ito.

Ang mga propeta at apostol ay maituturing na mga gabay sa scuba at ang mga alituntunin bilang ating “mga patakaran sa scuba diving,” dahil layon ng mga itong panatilihin tayong ligtas at tiyakin ang ating kaligayahan.

Kapag iniisip natin na mas may alam tayo, tulad ng ginawa ko sa dive instructor ko, nanganganib tayong magkaroon ng mas mababang antas na karanasan sa buhay na ito at ipakita sa ating Ama sa Langit na hindi tayo naniniwala na isinasaalang-alang Niya ang pinakamakabubuti sa atin.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bakit natin sinusunod ang propeta? Dahil ang Panginoong Jesucristo ang tumawag sa kanya at nagtalaga sa kanya na maging Kanyang bantay sa tore. …

“… Kung pipiliin nating isantabi ang kanyang payo at sabihing mas nakaaalam tayo, hihina ang ating pananampalataya at magiging malabo ang ating walang hanggang pananaw. Ipinapangako ko na kung mananatili kayong di-natitinag sa pagsunod sa propeta, madaragdagan ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas.”1

Mapalad tayong mabuhay sa panahon na ang salita ng Diyos ay madali nating matatamo. Sa halip na mag-alinlanganan sa Kanyang mga hangarin na maranasan natin ang walang hanggang kagalakan, maaari tayong manampalataya sa Kanya at “isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos” (Mosias 2:41).

Alam ko na kapag nagtiwala tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang propeta at nanampalataya sa mga ipinangakong pagpapala ng pagtupad sa ating mga tipan at Kanyang mga kautusan, gagabayan Niya tayo tungo sa kagila-gilalas na mga karanasan at pupuspusin ng kagalakan ang ating buhay.