2022
Isang Bagay tungkol sa Hinaharap na Kaya Kong Kontrolin
Mayo 2022


Mga Young Adult

Isang Bagay tungkol sa Hinaharap na Kaya Kong Kontrolin

illustration of woman with eyes closed

Paglalarawan mula sa Getty Images

Palagi ko na lang itong nararamdaman at hindi ko na ito maipagwawalang-bahala. 28 taong gulang na ako noon, wala pa ring asawa at hindi sigurado kung ano ang gusto kong gawin sa aking propesyon bagama’t may magandang trabaho na ako bilang komadrona. Pakiramdam ko hindi umaayon sa inaasahan ko ang nangyayari sa bawat aspeto ng aking buhay. Nag-aalinlangan ako sa aking mga pagpili at hindi ko alam kung aling landas ang tatahakin. Litung-lito ako.

Isang araw na labis akong nalulungkot, tumawag sa akin ang isang kaibigan na matagal ko nang hindi nakakausap. Nang kumustahin niya ako, ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat ng damdaming iyon na nagpapahirap sa akin. Nakinig siya at pagkatapos ay nagsabing, “Sige, pero kumusta naman ang iyong espirituwalidad?”

“Ayos na ayos,” mabilis kong sagot. “Mas malapit ako sa Diyos ngayon kaysa noon.”

Sagot niya, “Kung gayon, wala ka nang anupamang dapat alalahanin.”

Pagtitiwala sa Perpektong Plano ng Diyos

Mula sa pag-uusap na iyon, may dalawang bagay akong natanto. Una, natanto ko na lubos akong nagpapasalamat na malakas ang aking patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at naisasabuhay ko ang mga kautusan at nararamdaman kong konektado ako sa langit.

Napakahalaga sa akin ng espirituwal na pag-asa sa sarili, at pinagsisikapan ko pang matutuhan kung paano makakatanggap ng paghahayag mula sa langit sa aking buhay. Ang pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan tuwing umaga ay dalawang simpleng bagay na sa tingin ko ay gumagawa ng pinakamalaking kaibhan sa kakayahan kong makatanggap ng personal na paghahayag. Pakiramdam ko rin ay mas konektado ako sa langit kapag nagsisikap akong maging mabait, mamuhay nang malusog para makasama ko ang Espiritu sa tuwina, sumunod sa mga kautusan, at magsisi nang taos-puso.

Pangalawa, natanto ko na ang aking sagot sa tanong ng aking kaibigan ay hindi gaanong tama—akala ko “ayos na ayos” na ang aking espirituwalidad, pero kailangan ko pang magkaroon ng higit na pananampalataya, huwag gaanong mag-alala, at ipagkatiwala sa Diyos ang mga bagay na hindi ko kayang kontrolin.

Kahit hindi umaayon sa inaasahan ko ang nangyayari sa ilang aspeto ng aking buhay, alam ko na ang mahalaga ay kumilos nang may pananampalataya at ipakita sa Diyos na ginagamit ko ang aking kalayaang pumili para gumawa ng mabubuting pasiya. Natutuhan ko na kung minsan ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa inaasahan ko para matuto at lumago ako sa mga paraang hindi posible sa ibang paraan.

Hindi ko kailanman inakala na kahit 29 na taong gulang na ako ay magkakaroon pa rin ako ng mga pag-aalinlangan tungkol sa aking trabaho at sa susunod na yugto ng aking buhay. Gayunpaman, sa kabila ng mga kawalang-katiyakan, buo ang tiwala ko na may perpektong plano ang Diyos para sa akin. Alam Niya mismo kung ano ang nangyayari at kung ano ang kailangan ko, at palagi Niya akong pangangalagaan (tingnan sa Mateo 6:28–34). Gaya ng itinuro ni Elder L. Todd Budge ng Pitumpu, “Mahirap man itong unawain, lalo na sa mga pagkakataon sa ating buhay kung kailan malalakas ang sumasalubong na hangin at maalon ang mga dagat, makadarama tayo ng kapanatagan sa kaalamang palagi tayong ginagabayan ng Diyos pabalik sa ating tahanan dahil sa Kanyang walang-hanggang kabutihan” (Patuloy at Matatag na Tiwala,” Liahona, Nob. 2019, 48).

Dagdagan ang Tiwala; Bawasan ang Pag-aalala

May mga araw na tila napakahirap, pero kapag pinag-isipan ko ito nang mabuti, alam ko na hindi ko kailangang mag-alala. Unti-unti, natanto ko na kailangan kong dagdagan ang tiwala sa Diyos at bawasan ang pag-aalala sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin. Ang isang bagay na kaya kong kontrolin tungkol sa hinaharap ay ang pagtitiwala sa Diyos at pagsisikap na mas mapalapit sa Kanya bawat araw.

Kapag litung-lito ako, palaging may sapat na liwanag para humakbang ako sa kawalang-katiyakan at sumulong. At kung mananampalataya ako at tutuparin ko ang aking mga tipan, kung aalalahanin ko ang aking tunay na pagkatao bilang anak na babae ng mga Magulang sa Langit at paulit-ulit akong susubok, mangyayari ang mga bagay-bagay sa panahon at sa paraan na dapat mangyari ang mga ito, at iyon lamang talaga ang mahalaga.