Bilang Kanyang mga Anak ng Tipan, Tayo ang Daluyan ng Ginhawang Hatid ni Jesucristo
Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society sa 2024
Linggo, Marso 17, 2024
Bilang Kanyang mga anak ng tipan, tayo ang daluyan ng ginhawang hatid ni Jesucristo.
Mga kapatid, tinutupad ninyo ang banal na utos bilang miyembro ng Relief Society sa tuwing may gagawin kayo na maghahatid ng ginhawa sa iba—temporal o espirituwal—dahil hatid ninyo sa kanila ang pagmamahal ni Jesucristo.
Pinatototohanan ko na sa paggawa ninyo nito, kayo ay makatatagpo ng ginhawa sa Kanya. Si Jesucristo ay kaginhawahan. At kabilang kayo sa Relief Society.
Mula sa maliit na grupong iyon ng 20 kababaihan, na nagtipon sa Nauvoo noong 1842, isang pandaigdigang organisasyon ng halos 8 milyong kababaihan ang umusbong. Ang Relief Society ay nangunguna sa humanitarian initiative ng Simbahan sa buong mundo para tugunan ang mga pangangailangan ng kababaihan at ng mga bata.
Bilang mga anak ng tipan ng Diyos, sinisikap nating pangalagaan ang mga nangangailangan sa pagsali sa mga humanitarian effort na may pinakamalaking epekto sa buhay ng tao. Ang pandaigdigang progreso ay nagsisimula sa kababaihan at mga bata, kaya inuuna natin ang mga kailangan nila sa pamamagitan ng pangangalaga sa ina at sa bagong silang na sanggol, pagsuporta sa nutrisyon ng bata, pagbabakuna, at edukasyon sa buong mundo.
Mahal kong mga kapatid, bahagi kayo ng pandaigdigang pagsisikap kapag inaalagaan ninyo ang sarili ninyong anak, tinuturuan ang isang kaibigan na makabasa, matiyagang tinutugunan ang kailangan ng isang may-edad na kapitbahay, nakikiramay sa kapatid, naghahanda ng pagkain para sa maysakit, at naglilingkod na gaya ng Tagapagligtas.
Kadalasan ang pinakamainam na paglilingkod ay sa mga simple at araw-araw na kabaitan natin sa mga taong malapit sa atin. Kapag naglilingkod kayo sa inyong pamilya at mga kapitbahay, kayo ay bahagi ng ating pandaigdigang adhikain. Salamat sa pagbabahagi ng inyong patotoo kay Jesucristo sa pagiging Kanyang magiliw na mga kamay, Kanyang mga paa, Kanyang mga tainga, Kanyang mga labi.
Inaalam natin ang mga pangangailangan sa buong mundo, at hangad nating isa-isang tugunan ang mga iyon, tulad ng ginawa noon ng Tagapagligtas. Ang Tagapagligtas ay nag-minister sa babae sa may balon. Pinagaling Niya ang anak ni Jairo. Isa-isa Niyang binasbasan ang mga anak ng mga Nephita. Mahal Niya ang bawat isa sa atin.
Ihahatid natin ang ginhawang dulot Niya, sa bawat isa.
Ang Relief Society ay inorganisa noong itinatayo ang Nauvoo Temple at sa pag-asam sa mga ordenansa at mga tipan na iaalok doon. Ang mga sister ay kasali sa mga pisikal na paghahanda para sa templo at nakahanda sa espirituwal na tanggapin ang mga pagpapala ng templo sa pamamagitan ni propetang Joseph Smith.
Ngayon, sa panahon ng patuloy na pagtatayo ng mga templo, ang pakay ng Relief Society ay iyon pa rin: ihanda ang mga tao sa temporal at espirituwal para sa mga pagpapala ng bahay ng Panginoon.
Nais natin na ma-access ng ating mga Relief Society sister ang lahat ng mga pagpapala ng pakikipagtipan sa Diyos, pati na ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood sa mga nakikipagtipan sa bahay ng Panginoon. Walang organisasyon sa mundo ang maikukumpara sa banal na plataporma ng Relief Society.