Ang Impluwensya ng Kababaihan
2024 Pandaigdigang Debosyonal para sa Relief Society
Linggo, Marso 17, 2024
Mahal kong mga kapatid sa Relief Society, nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapagsalita sa inyo ngayon. Madalas ko kayong maisip. Lubos akong nagpapasalamat para sa inyo at ramdam kong may utang na loob ako sa inyo. Napakaraming kabutihang isinasakatuparan ng Simbahang ito—at napakaraming kabutihang nangyayari sa mundo—dahil sa inyo! Salamat sa inyong katapatan sa Panginoon gayundin sa inyong mga pagsisikap na bigyang-dangal ang iba. Alam ko kung gaano kayo kamahal at inaasahan ng Panginoon.
Hanga ako sa inyong pananampalataya at pagkasensitibo sa mga bagay ng Espiritu. Nagkakainspirasyon ako sa inyong kasipagan, aktibong pamumuno, at kakayahang makita ang pangangailangan at tugunan ito. Tungkol man sa kamangmangan, malnutrisyon, mga problema sa kalusugan ng isipan, o pang-araw-araw na mga pangangailangan ng iba, nilulutas ninyo ang mga isyu sa tunay na buhay nang may pambihirang kumbinasyon ng galing, habag, kaalaman, at pagmamahal. Pinatatatag ninyo ang buong misyon ng Simbahan ng Panginoon.
Mga kapatid, kayo ay may banal na kaloob na nagtutulot sa inyo na literal na baguhin ang mga buhay! Totoo ito lalo na dahil sabik tayong sundin ang banal na utos na tipunin ang Israel. Tuwing tumutulong tayo sa sinuman na mahanap ang landas ng tipan at manatili roon, tumutulong tayong tipunin ang Israel. Walang ibang mas mahusay na nakakagawa nito kaysa sa inyo—bilang mga ina, lider, guro, kapatid, at kaibigan. Inihahanda ninyo ang darating na mga henerasyon ng Simbahan ng Panginoon at ang mundo!
Kamakailan lang, nabalitaan namin na may isang tatlong-taong-gulang na batang babae na nagising mula sa pagkaidilip. Para maaliw siya, dinalhan siya ng kuya niya ng sunud-sunod na stuffed animal. Ngunit ano ang nakaaliw at nagpasaya sa kanya sa huli? Ang kopya niya mismo ng Aklat ni Mormon! Pinanonood ng batang ito ang kanyang ina na magbasa mula sa Aklat ni Mormon araw-araw. Gusto niyang tularan ang kanyang ina!
Imposible talagang bilangin ang dami ng impluwensya ng pinagtipanang kababaihan ng Diyos na nagpapabuti ng buhay. Mahal ko ang aking mga Kapatid na Lalaki, at itinatangi ko ang pribilehiyong makipagtulungan sa kanila. Gayunman, ang dalawang tao sa lupa na higit na nakaimpluwensya sa akin ay ang asawa kong si Dantzel, ina ng aming 10 anak, na biglang pumanaw sa edad na 78, at, sa nakaraang 18 taon, ang napakabuti kong asawang si Wendy.
Nitong huli, sa gitna ng mahirap na paggaling ko mula sa isang pagkahulog kamakailan, walang pagod akong inalagaan ni Wendy kapwa sa pisikal at espirituwal sa mga paraang walang ibang makagagawa. Hindi maitatatwa na malaki ang naging impluwensya sa akin nina Dantzel at Wendy. Nabago nila ang buhay ko! Higit nilang nakumpleto ang buhay ko.
Sentro na ng plano ng ating Ama sa Langit ang kababaihan sa simula pa lang. Ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay nakasalalay sa katapangan ng dalawang magigiting na babae—si Eva,1 “ang ina ng lahat ng nabubuhay,”2 at si Maria,3 ang ina ng ating Panginoong Jesucristo.
Mga kapatid, huwag sana ninyong hamakin ang pambihirang kapangyarihang nasa inyo na impluwensyahan sa kabutihan ang iba. Ito ay isang kaloob na naipagkaloob ng ating Ama sa Langit sa bawat pinagtipanang babae. Bilang pinagtipanang anak ng Diyos, handa kayong tanggapin ang Espiritu at may kakayahan kayong matukoy ang tama sa mali na nagbibigay sa inyo ng kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag at makahiwatig ng katotohanan sa kamalian. Sa pagsasabi nito, hindi ko inaalisan ng pananagutan ang kalalakihan na tukuyin ang tama sa mali o gawin ang espirituwal na gawaing tumanggap ng paghahayag. Gayunman, kung sakaling mawalan ng moralidad ang sanlibutan sa kababaihan nito, hinding-hindi ito makakabawi.4
Mga kapatid, kailangan namin ang inyong tinig para ituro ang doktrina ni Cristo. Kailangan namin ang inyong kakayahan bilang kababaihan na mahinuha ang panlilinlang at ipahayag ang katotohanan. Kailangan namin ang inyong inspiradong karunungan sa inyong pamilya, ward, at mga stake council, gayundin sa iba pang maaari ninyong impluwensyahan sa buong mundo. Kailangan kayo ng inyong pamilya, ng Simbahan, at ng mundo! Mga kapatid, walang sinumang kayang gawin ang lahat, ni hindi ninyo ito dapat subukan. Gayunman, alam ko kung gaano kahalaga ang inyong bahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Kaya, sa araw na ito, inaanyayahan ko kayong gawing personal ninyong Liahona,5 ang mga banal na kasulatan, gawing kanlungan at lugar ang templo para tumanggap ng espirituwal na patnubay, at gawing paraan ang inyong mga personal na panalangin para malaman kung saan kayo kailangan ng Panginoon sa araw na iyon. Sa paglipas ng panahon, mamamangha kayo kung paano Niya kayo gagabayan kung saan kayo mismo maaaring mamuno, gumabay, at umalalay sa isang taong nangangailangan sa inyo.
Dahil diyan, binabasbasan ko kayo ng ibayong espirituwal na pagkahiwatig at kakayahang makasumpong ng kagalakan sa pagbibigay ng ginhawa sa iba. Binabasbasan ko kayo ng karunungang mahiwatigan kung ano ang kailangan at huwag tumakbo nang mas mabilis kaysa kaya ninyo. Binabasbasan ko kayo ng lakas ng loob na mamuhay ayon sa inyong mga banal na pribilehiyo bilang pinagtipanang anak na babae ng Diyos. Binabasbasan ko kayo na madama nang husto na kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Isinugo Nila kayo sa lupa ngayon dahil mahalaga kayo sa kaharian ng Diyos ngayon! Binabasbasan ko kayo na matanto na ang inyong mga banal na kaloob bilang anak ng Diyos ay nagbibigay sa inyo ng kapangyarihang baguhin hindi lamang ang mga buhay kundi ang mundo!
Mahal ko kayo, mahal kong mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay totoo. Abala tayong lahat sa gawain ng Panginoon. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay! Siya ang namumuno sa Simbahang ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.