Katapusan
Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society sa 2024
Linggo, Marso 17, 2024
Mga kapatid, nakapasok tayo sa landas ng tipan noong nabinyagan tayo. “Pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa [bahay ng Panginoon].”1
“Inaanyayahan namin ang bawat isa na maghanda para sa at tanggapin ang mga pagpapala ng endowment sa bahay ng Panginoon. Ang mga karapat-dapat na kababaihan na nagnanais na tumanggap ng sarili nilang endowment ay maaaring gawin ito kung sila ay 18 taong gulang na; natapos na o wala na sa high school, secondary school, o katumbas nito; nakalipas na ang isang buong taon mula noong kumpirmasyon nila; at nakadarama sila ng hangaring tanggapin at tuparin ang mga tipan sa templo sa buong buhay nila.2
Sinabi ni Pangulong Nelson:
“Kung makakausap ko ang bawat lalaki o babae na matagal nang inaasam na makasal pero hindi pa natatagpuan ang kanilang makakasama sa kawalang-hanggan, hinihikayat ko kayo na huwag nang maghintay na maikasal para matanggap ang endowment sa bahay ng Panginoon. Magsimula ngayon na matutuhan at maranasan ang ibig sabihin ng masandatahan ng kapangyarihan ng priesthood.”3
Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ang tagapagsalita ng Panginoon sa mundo ngayon. Ipinahayag niya nang paulit-ulit at malinaw na kapag ibinigkis natin ang ating sarili kay Jesucristo sa mga sagradong tipan ng priesthood sa bahay ng Panginoon, maaari tayong humugot ng lakas sa kapangyarihan ng Diyos at hindi natin kailanman madarama na nag-iisa tayo!
Mga kapatid, kung ikaw ay na-endow na, manatiling karapat-dapat na makapasok sa templo sa pagkakaroon ng current temple recommend at regular na pagdalo sa bahay ng Panginoon. Inilalapit ng Panginoon ang Kanyang mga templo upang mas madali itong mapuntahan ng Kanyang pinagtipanang mga anak.
Inaanyayahan tayo ng ating mahal na propeta na gawin ang “espirituwal na nagpapalakas” na gawain na “gumawa na kasama ang Espiritu”4 upang maunawaan kung paano natin magagamit ang kapangyarihan ng Diyos—kapangyarihan ng priesthood—upang matulungan ang ating pamilya at mga mahal natin sa buhay. Mapagpakumbaba kong inuulit ang paanyayang iyon at idinaragdag ko ang aking patotoo kay Pangulong Nelson na “madaragdagan ang inyong kapangyarihan kapag naglilingkod kayo sa iba. Ang inyong mga panalangin, pag-aayuno, oras na inuukol sa mga banal na kasulatan, paglilingkod sa templo at gawain sa family history ay magbubukas sa inyo ng kalangitan.”5
Ilang buwan na ang nakalipas, nagkaroon ako ng pagkakataon na magsalita sa kumperensya ng mga kababaihan sa South Korea. Halos 1,400 kababaihan ng Relief Society ang nagtipon para sa kaganapang iyon, na nagwakas sa isang debosyonal kung saan nagbahagi ako ng mensahe mula kay Pangulong Nelson na kayo, mahal na mga kapatid, ay minamahal ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng propeta; na kailangan kayo sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas; at kayo ay itinatanging mga anak ng Diyos.
Sa pagtatapos ng mensahe ko, nilisan ko ang pulpito para umupo kasama ang kababaihan habang nasisiyahan kami sa pangwakas na kanta sa video na “Ako ay Anak ng Diyos.” Nang matapos na ang miting, kaagad na hiniling sa akin ng sister na nakaupo sa likuran ko kung puwede kaming magparetrato, at pagkatapos ay ibinulong niya sa akin, “Mahal ka Niya!” Napakagandang sandali iyon kung saan naipaalala sa akin ang mahalagang katotohanang iyon. At pagkatapos ay kailangan ko nang umalis agad para hindi ako mahuli sa pagsakay sa eroplano.
Makalipas ang isang linggo, nakatanggap ako ng mensahe mula sa bago kong kaibigan, na nagpaliwanag na dumalo siya sa kumperensya ng kababaihan na pinaglalabanan ang ilang negatibong ideya at alaala. Noong nagsasalita ako, naisip niya na kailangan kong madama ang pagmamahal ng Diyos para sa akin. Ipinaliwanag niya, “Hindi mawala sa isipan ko na nais ng Panginoon na marinig mo na mahal ka Niya.”
Isinulat niya: “Para sa akin, madalas na mas madaling madama ang pagmamahal ng Panginoon para sa iba kaysa sa sarili ko. Kaya siguro nangyari ang lahat ng ito—dahil alam Niya na sa gayon ko nadarama ang Kanyang pagmamahal. Siguro mas kailangan ko ito kaysa sa iyo. Pero gayon pa man, nakadama ako ng matinding hangarin—na nais ng Panginoon na sabihin ko sa iyo na mahal ka Niya.
“Bagama’t sinusunod ko ang mga pahiwatig, tila hindi mangyayari na masabi ko sa iyo iyon. Ako ay isang babae noon sa napakaraming tao … pero hindi ko inaasahan na nakaupo ka mismo sa harapan ko! Kaya hiniling ko na magparetrato tayo nang matapos ang miting, at bagama’t kinailangan mong pumunta agad sa airport, napakabait mo at nagparetrato ka kasama ko. At nayakap kita sandali at naibulong na sana madama mo nang matindi ang pagmamahal ng Panginoon para sa iyo tulad ng pagtulong mo sa aming lahat na madama ang Kanyang pagmamahal.
“At pagkatapos ay nadama ko na kilala Niya ako at mahal Niya ako, sa kabila ng nahihirapan ako sa pagiging negatibo. …
“Kilalang-kilala Niya ako.
“Tinulutan Niya akong paglingkuran ka upang malinaw kong madama muli ang Kanyang pagmamahal. Dalangin ko na madoble ang magiliw na awa, at madama mo ang Kanyang pagmamahal nang kasingtindi ng nadama ko.”
Ang bago kong kaibigan, ang kapatid ko sa Relief Society na nakatira sa South Korea, ay nagbigay ng espirituwal na ginhawa sa akin sa pagpapadama ng pagmamahal ni Jesucristo at pinagpala siyang makasumpong ng sariling kaginhawahan sa Kanya, isang patunay ng walang hanggang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanya.
Alam ninyo, kapag dinala natin ang kaginhawahan ng Tagapagligtas sa iba, makikita natin ito sa ating sarili.
At kapag kumilos tayo bilang Kanyang mga mata at tainga, mga labi at kamay—kapag hinangad nating tularan Siya—madaragdagan ang hangarin nating makipagtipan sa Kanya. Ang pagkaunawa natin kung paano gamitin ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood ay mapapalawak kapag dinala natin ang Kanyang kaginhawahan sa iba.
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay.” Hindi niya sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay. “Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”6
Mga kapatid, pinatototohanan ko, lubos akong naniniwala, na si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Diyos at nagsasalita para sa Tagapagligtas, na ang Kanyang Simbahan ay pinamumunuan niya. Mangyaring makinig sa kanyang mga salita, tanggapin ang kanyang mga paanyaya, at humugot ng pag-asa at lakas mula sa kanyang mga pangako.
Pinatototohanan namin na tayo ay minamahal na mga anak ng Diyos.
Na bilang kababaihan at mga miyembro ng Relief Society may tungkulin tayong ginagampanan sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Na magagamit natin ang kapangyarihan ng Diyos—kapangyarihan ng priesthood—sa pagsasakatuparan ng banal na gawaing iyon. Na susulong ang gawain nang paisa-isa. At si Jesucristo ay kaginhawahan.
Sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.