Kababaihan
Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan


7:8

Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan

Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society sa 2024

Linggo, Marso 17, 2024

Mahal na mga kapatid, paulit-ulit nang nagsalita ang ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kapangyarihan ng priesthood na maaaring ipagkaloob sa kalalakihan at kababaihan sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos.1 Sabi niya:

“Bawat lalaki at babae … na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood [at gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos] ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon.

“Ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood.”2

Bilang mga anak ng Diyos, maaari tayong pagkalooban ng kapangyarihan ng priesthood—ang kapangyarihan ng Diyos na dumarating sa atin kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan ng priesthood. Napakahalaga ng mga ipinahihiwatig nito. Bilang endowed na kababaihan, may karapatan tayong umasa nang husto sa kapangyarihan ng Tagapagligtas para tulungan ang ating sarili, ang ating pamilya, at ang iba.3

Tinanggap ko ang sarili kong endowment noong 20 anyos ako, pero hindi ko naunawaan sa loob ng maraming taon ang kapangyarihan ng langit na nagamit ko sa pamamagitan ng mga tipan ko sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Gayunman, kapag ginugunita ko ngayon, napapansin ko ang dagdag na lakas at kakayahang ibinigay sa akin para tiisin ang maraming hamon sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay ko. Napakapalad nating mabuhay sa panahon na may higit na pagkaunawa tungkol sa dagdag na kapangyarihan, kapayapaan, at lakas na maaaring mapasaatin sa pakikipagtipan sa Diyos.

Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak, at nais Niyang maging bahagi Siya ng ating buhay. Pero hindi Niya lalabagin ang ating kalayaan. Hindi Niya ipipilit ang Kanyang sarili sa ating buhay. Kapag pinili nating makipagtipan sa Kanya, pinatototohanan natin sa Kanya na nais natin Siyang lalong maging bahagi ng ating buhay at na handa tayong tanggapin ang ibubunga nito para makatanggap ng dagdag na kapangyarihan at mga pribilehiyo sa pakikipagtipang iyon.

Tulad ng itinuro ng ating propeta, kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating relasyon sa Kanya kaysa bago tayo nakipagtipan at hindi Niya pababayaan ang relasyong iyon. Hindi Siya kailanman mapapagod sa mga pagsisikap Niyang tulungan tayo, at hindi mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Masaya tayong nakabigkis sa Kanya sa isang walang-hanggang tipan na pinili nating gawin sa Kanya.4

Ang kaalamang ito ay dapat magbigay sa atin ng malaking kapayapaan at katiyakan habang dumaranas tayo ng mga hirap at pighati sa buhay na ito. Palalakihin ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ang ating espirituwal na mga kaloob at talento, bibigyan tayo nito ng lakas na higit pa sa sarili nating lakas na dalhin ang mabibigat na pasanin ng mortalidad, at bibigyan tayo nito ng kapayapaan at kapangyarihang kailangan natin kapag naharap tayo sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga hamon sa ating buhay.

Ang kapangyarihang ito na dumadaloy mula sa ating mga tipan ay maaaring magpala sa ating buhay sa napakaraming paraan dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos! Maaaring umasa ang mga ina sa Kanyang kapangyarihan para sa dagdag na kakayahan at lakas na harapin ang kanilang mga hamon sa araw-araw at marinig nang mas malinaw ang patnubay ng Panginoon para tulungan at gabayan ang kanilang mga anak. Ang mga namatayan ng mahal sa buhay o nagdaan sa diborsyo ay makakaasa sa Kanyang kapangyarihan para mapanatag at gumaan ang pakiramdam. Maaari ding magbigay ng pag-asa ang kapangyarihan ng Diyos sa mga nahihirapang makakita ng anumang liwanag dahil sa napakahirap na sitwasyon nila sa buhay.

Bukod sa kapangyarihang maaaring mapasaatin sa pagtupad ng ating mga tipan sa priesthood, kapag tinawag at itinalaga tayo o inatasang tumulong sa gawain ng Diyos, binibigyan din tayo ng awtoridad ng priesthood—ang awtoridad ng Diyos na katawanin Siya sa pagganap natin sa ating mga calling at tungkulin.5 Noong 2014, nang maglingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader sa Ecuador, sinabi ito ni Pangulong Dallin H. Oaks sa pangkalahatang kumperensya: “Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, pero ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito?”6 Labis akong nagpapasalamat na magkaroon ng dagdag na pagkaunawang ito, at sinikap ko na mula noon na ituro ang katotohanang ito sa kababaihang nakakasalamuha ko. Sabi ni Pangulong Nelson, “Bilang [matwid at endowed] na babaeng Banal sa mga Huling Araw, nagsasalita at nagtuturo kayo nang may kapangyarihan at awtoridad mula sa Diyos.”7

Wala nang iba pang relihiyon sa mundo, na alam ko, na nagbigay ng malawak na kapangyarihan at awtoridad sa kababaihan. May mga relihiyon na nag-oorden ng ilang kababaihan sa mga katungkulang tulad ng mga pari at pastor, pero iilan lang ayon sa dami ng kababaihan sa kanilang kongregasyon ang tumatanggap ng awtoridad na iyon na ibinibigay ng kanilang simbahan sa kanila. Sa kabilang dako, lahat ng babae, na 18 taong gulang pataas, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na pinipiling makipagtipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon ay tuwirang pinagkakalooban ng kapangyarihan ng priesthood mula sa Diyos. At kapag naglingkod tayo sa anumang calling o tungkulin, kabilang na ang mga ministering assignment, binibigyan tayo ng awtoridad ng priesthood na isagawa ang mga responsibilidad na iyon.8 Mahal kong mga kapatid, kayo ay kabilang sa Simbahang nag-aalok sa lahat ng kababaihan nito ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood mula sa Diyos!

Gayunman, tulad ng sinikap niyang gawin kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden sa punungkahoy ng buhay,9 nais ng kaaway na ituon ang ating pansin sa kung ano ang hindi naibigay sa atin at binubulag tayo sa lahat ng naibigay sa atin. Mga kapatid, ang mga henerasyong kasunod natin ay maiimpluwensyahan ng mga pagpapasiyang ginagawa natin ngayon. Piliin nating makipagtipan nang malalim sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo upang maanyayahan natin ang Kanilang kapangyarihan, Kanilang lakas, at Kanilang tulong nang mas lubusan sa ating buhay.

Alam ko na ang mga banal na pribilehiyo at pagpapalang maaaring mapasaatin kapag pinili natin ang pakikipagtipang iyon ay magpapala sa ating mga anak at apo sa darating na mga henerasyon.