Pagiging Kaisa ng Diyos sa Pamamagitan ng Inyong mga Tipan
Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society sa 2024
Linggo, Marso 17, 2024
Mahal kong mga kapatid, bawat isa sa atin ay may pagkakataon na makatuwang ng Panginoon sa makapangyarihang paraan sa pamamagitan ng ating mga tipan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos”1—ugnayan na may walang hanggang pagkakabigkis at mahahalagang pagpapala.
Isa sa mga pagpapalang iyon ay ang nakapapanatag at patuloy na pagtulong ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa “lahat ng ating ginagawa.” Hindi tayo kailanman nag-iisa. Hindi natin kailangang harapin ang mga hamon, kawalang-katiyakan, at kahinaan ng buhay nang mag-isa. Sasamahan Niya tayo; ito ang pangako at pagpapala ng ating tipan. Mahal Niya kayo at nais Niyang maging bahagi ng inyong buhay, mga alalahanin, kaligayahan, at mga desisyon. Nais ni Jesucristo na ibigay sa inyo ang Kanyang kaginhawahan.
Bilang isang babae na wala pang asawa, ang pakikipagtipang ito sa Diyos ay may malaking bahagi sa buhay ko at ang pinagmumulan ng aking kapayapaan, katiyakan, kagalakan, at patnubay. Nais ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ang mga pagpapalang ito para sa bawat isa sa atin anuman ang kalagayan natin. Nakikita Nila kayo at alam Nila ang landas na tinatahak ninyo.
Kung minsan, sa pagtatapos ng maghapon, gusto kong kausapin ang isang tao tungkol sa magiliw na awa ng Panginoon na nasaksihan ko o sa isang mahirap na sitwasyong nararanasan ko. Kung minsan mahabaging nagpapadala ang Panginoon ng mga kaibigan, kapamilya, at iba pa na makakausap ko, at kung minsa’y hinihikayat Niya ako na puntahan sila. Pero sa maraming pagkakataon, nagkaroon ako ng pribilehiyo at pagpapalang makausap ang aking Ama sa Langit tungkol sa buong araw ko at sa nadarama ng puso ko. Dahil dito, mas nakilala ko ang Diyos, at mas sumasangguni sa Kanya. Dama ko ang pagiging malapit sa Kanya at ang Kanyang patuloy na pagmamahal. At sa ugnayang ito, dama kong ligtas ako sa Kanyang pagmamahal at karunungan at sa Kanyang perpektong pag-unawa sa akin at sa aking mga pangangailangan. Nagkaroon ako ng malalim na pagmamahal at pasasalamat sa Kanya at sa Kanyang banal na presensya sa aking buhay. Ang pagiging magkatuwang na ito sa ating mga tipan ay tunay. Si Jesucristo ay buhay. At nais Niyang tulungan kayo at ibigay ang Kanyang nagpapagaling na pagmamahal at kaginhawahan. Hindi tayo kailanman nag-iisa.
Sa 3 Nephi, ang Tagapagligtas ay nagdasal sa Ama para sa matatapat, kabilang tayo: “Ama, ako po ay nananalangin hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga yaong ibinigay ninyo sa akin mula sa sanlibutan, dahil po sa kanilang pananampalataya, upang sila ay maging dalisay sa akin, upang ako po ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang kami po ay maging isa.”2
Talagang nilayong maging kaisa tayo ng Diyos sa ating mga tipan. Kapag pinili nating makipagtipan sa Kanya, pinipili nating magbago, magsisi at magsikap na muli, maging dalisay na katulad Niya na dalisay. Ang pagbabagong ito ay naging posible dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang pagtupad sa ating mga tipan ay nagpapabago sa ating pag-uugali para maging katulad Niya, mas naglalapit sa atin sa pagiging isa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ito ay isang napakagandang kaloob at pumapanatag sa atin. Kapag pinagbuti natin ang ating ugnayan sa pakikipagtipan sa Diyos, lahat ng iba pang ugnayan sa ating buhay ay magiging mabuti.
Inaanyayahan namin kayong pagsikapan ang magiliw na ugnayang ito sa pagtupad sa inyong mga tipan, paggugol ng oras sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa Kanyang banal na bahay, sa panalangin, sa pag-aaral, at sa paglilingkod na tulad ng gagawin Niya. At inaanyayahan namin kayo na matutuhan ang lahat ng kaya ninyong matutuhan tungkol sa paggamit ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood na pagpapala ng tipan.
Habang nasa isang tungkulin, isang magiliw na sister na wala pang asawa ang nagtanong kung paano gagawing sagradong lugar ang tahanan kung wala kayong asawa. Madalas nating pag-usapan ang paglikha ng isang tahanan, pero ano nga ba ito?
Gusto kong ibahagi ang ilang katotohanan na naisip ko, na angkop sa ating lahat anuman ang ating kalagayan.
-
Bilang mga anak ng Diyos, bawat isa sa atin ay kabilang sa Kanyang mapagmahal na walang hanggang pamilya. Bagama’t wala pa akong asawa, hindi ko nakikita ang sarili ko na nag-iisa. Bilang mga anak ng Diyos, marami pang mas magagandang bagay sa atin hindi lang marital status o demographic label.
Lahat tayo ay may tahanan sa lupa, kaya may gawain tayong gagawin upang suportahan at tulungan ang ating sariling pamilya at mga kamag-anak at ang mga nasa kabilang-buhay. Bawat isa sa atin ay may mahalaga at nangangalagang tungkuling gagampanan sa walang hanggang tanikala ng pagkakaugnay ng pamilya. Bilang kababaihan ng Relief Society na nakipagtipan, may tungkulin tayo na dalhin ang kaginhawahan ng Tagapagligtas sa ating pamilya at sa lahat ng mga anak ng Diyos. Tinutulungan natin sila na madala kay Cristo.
-
Maaari tayong lumikha ng isang “tahanan” kung saan nananahanan ang Espiritu at dadalhin ang iba sa sagradong lugar na iyon upang mahalin at pangalagaan. Ang inyong tahanan, apartment, silid, ay nagdadala ng Espiritu na dinala ninyo sa inyong buhay. Makalilikha tayo ng mga lugar ng seguridad at kaligtasan laban sa mundo, kung saan mananaig ang mga bagay ng kawalang-hanggan at kung saan posible ang kapahingahan. Bawat isa sa atin ay may pagpapala at pribilehiyo sa pangangasiwang ito, ang pangangasiwa sa paglikha ng “tahanan” kung saan nananahanan ang pagmamahal at kaginhawahan ni Jesucristo.
-
Lagi tayong umuunlad. Hindi na natin kailangang maghintay pa para umunlad. Anuman ang ating marital status o kalagayan, kung handa tayong sundin ang Tagapagligtas, bibigyan Niya tayo ng sapat na pagkakataong matuto at umunlad, makipag-ugnayan at bumuo ng mga ugnayan, magsisi at mapatawad, magmahal at mag-aruga, at lumapit kay Cristo at mabago.
-
Mahal kong mga kapatid, malaki ang impluwensya ninyo at kailangan ang inyong mga kaloob. Tingnan ang buhay ng mga tao sa paligid ninyo at ng mga taong inilagay ng Panginoon para maimpluwensyahan ninyo. Para sa akin, nais kong maging bahagi ng buhay ng mga pamangkin ko at mahalin at tulungan sila na malaman kung sino sila talaga bilang mga anak ng Diyos. Nais ko ring hikayatin at mahalin ang mga kabataan at pamilya sa aming komunidad. At nais kong tulungan na gumaling ang aking pamlya, noon at ngayon, sa pamamagitan ng family history at gawain sa templo. Tayo ang nangangalaga sa lahat ng mga sakop ng ating tungkulin. Paano makakaimpluwensya ang inyong pangangasiwa? Sino ang inilagay ni Jesucristo sa inyong buhay na maaari ninyong mahalin at pasayahin? Kanino ninyo ihahatid ang Kanyang kaginhawahan?
Alam ko na si Jesucristo ay buhay at mahal Niya kayo. Siya ay muling paparito. Siya ang matagal nang hinihintay na Lalaking Ikakasal, at tayo ang Sampung Birhen, mga kababaihang nakipagtipan ng Kanyang Simbahan. Mapalad tayong mapuno ang ating mga ilawan ng magandang langis ng pakikipagtipan kay Cristo. Hindi natin kailangang maghintay hanggang sa muli Siyang pumarito para makilala Siya, maaari nating piliing kilalanin Siya ngayon at matanggap ang Kanyang nagpapagaling na pagmamahal, kapangyarihan, at kaginhawahan sa ating buhay ngayon sa pamamagitan ng ating mga tipan. At kapag Siya ay pumaritong muli, “tayo’y magiging katulad niya, sapagkat siya’y ating makikita bilang siya,”3 dahil magiging isa tayo sa Kanya.