Mga Debosyonal noong 2024
Pagpapatatag ng Ating Patotoo


6:50

Pagpapatatag ng Ating Patotoo

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Pebrero 18, 2024

Elder Ulisses Soares: Kung gayo’y magsimula tayo sa unang paksa, ang “pagpapatatag ng ating patotoo.”

PERU HUANCAYO—TANONG 2

Elder Soares, ang tanong ko ay, Paano natin mapapansin kung binabalewala natin ang Espiritu, at paano natin mapipigilan na mangyari ito?

BOLIVIA LA PAZ—TANONG 6

Elder Soares, ano ang maipapayo mo sa mga kabataang ipinamumuhay ang ebanghelyo, iniisip na totoo ito, pero hindi ito nadarama?

CHILE CONCEPCIÓN—TANONG 11

Hello, Elder Soares. Ang tanong ko ay, Ano ang pinakamainam na paraan para matulungan ang mga mahal sa buhay na bumalik sa landas ng ebanghelyo matapos sila maging di-aktibo nang maraming taon?

Elder Soares: Mahal kong mga kaibigan, ang tunay na patotoo tungkol sa ebanghelyo ay isang personal na pagsaksi ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa na ang partikular na mga katotohanang may walang-hanggang kahalagahan ay totoo. Ang personal na pagsaksing ito ay lumilikha ng lumalagong pagnanais na ibaling ang ating puso sa Tagapagligtas nang may pananampalataya at pagsisisi, maranasan ang pagbabago ng puso, matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan, at mangako na patuloy natin Siyang susundin habambuhay. Naghahatid ito ng liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay at itinutuon tayong lahat sa iisang mithiing bumalik sa ating Ama sa Langit. Ang matatag na patotoo ay naggaganyak sa atin na magpakabuti sa buhay na ito at nagiging isang proteksyon na di-kayang talunin ng walang-humpay na mga pag-atake ni Satanas.

Ipinakita na ng Tagapagligtas ang paraan para mapatatag natin ang ating patotoo at hindi manghina at hindi balewalain ang impluwensya ng Espiritu. Sabi Niya, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.” Nangako ang Panginoon mismo na papatnubayan Niya tayo sa ating landas kung tatanggapin natin ang paanyayang ito.

Ilang taon na ang nakararaan, nagturo ang ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangangailangang pagningasin ang ating espirituwal na momentum. Sabi niya, “Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang positibong espirituwal na momentum, para malabanan ang bilis ng pagtindi ng kasamaan at kadiliman ngayon.” Nagmungkahi siya ng limang partikular na bagay na magagawa natin na tutulong sa atin na magpanatili ng positibong espirituwal na momentum at maaari itong makaapekto sa ating patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang mga iyon: (1) tahakin ang landas ng tipan at manatili roon, (2) tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi, (3) alamin ang tungkol sa Diyos at kung paano Siya kumikilos, (4) hangarin at asahang mangyari ang mga himala, at (5) wakasan ang tunggalian sa inyong personal na buhay. Mga mahal kong kaibigan, tulad ng laging ginagawa ng mga propeta, ang kanilang mga turo ay may kasunod na mga pangako: “Sa paggawa ninyo ng mga bagay na ito, ipinapangako ko na makakaya ninyong sumulong tungo sa landas ng tipan nang may dagdag na momentum, anuman ang mga humahadlang sa inyo. At ipinapangako ko sa inyo ang dagdag na lakas para malabanan ang tukso, mas payapang isipan at pagkawala ng takot, at higit na pagkakaisa sa inyong pamilya.” Iyan ang sinabi ng propeta.

Mga kaibigan ko, ang pananampalataya ay ipinamamalas sa kilos, at binubuo at pinatatatag ng pagkilos ang ating patotoo. Habang kumikilos tayo nang may pananampalataya sa mga bagay na itinuro ng ating mahal na propeta, tatatag ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, mapapanatili nating buhay si Cristo sa atin, at mamumuhay tayo na “nakaugat at nakatayo sa kanya, at [matatag] sa pananampalataya, … na sumasagana sa pasasalamat.” Bukod pa riyan, magiging mas masigasig kayo para sa ebanghelyo, madarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo nang mas madalas sa inyong buhay, at magiging mas matatag kayo sa espirituwal at protektado laban sa pagbabalewala sa Espiritu at paghina ng patotoo.

Mahal, may sasabihin ka ba tungkol sa pagtulong sa iba na nawalan ng kanilang patotoo, na bumalik sa landas ng tipan?

Sister Rosana Soares: Oo. Naniniwala ako at noon pa ma’y naniniwala na ako na ang pinakamainam na paraan para maibalik ang isang mahal sa buhay sa landas ng ebanghelyo ay ang mahalin nang husto ang Diyos at ang tao at maging pinakamaganda kang halimbawa. Maaari mo silang hikayating kilalanin ang Diyos at matamasa ang sakdal na pagmamahal ng Tagapagligtas nang hindi sila hinuhusgahan nang hindi matwid o hinahamak sila. Kapag higit nating minahal ang Diyos at sinunod ang Kanyang mga utos, higit nating madarama ang pagmamahal para sa taong iyon at hahangarin na matamasa niya ang mga pagpapala ng ebanghelyo saan man sila naroon sa landas ng pagkadisipulo. Palagay ko kailangang madama ng mga tao na pinakamamahal sila kahit inilalayo sila ng kanilang mga desisyon mula sa landas ng tipan.