Mga Debosyonal noong 2024
Paghahandang Pumasok at Sumamba sa Templo


Paghahandang Pumasok at Sumamba sa Templo

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Pebrero 18, 2024

Elder Ulisses Soares: Marami kaming natanggap na magagandang tanong na may kaugnayan sa isa sa mga paboritong paksa ni Pangulong Russell M. Nelson: “paghahandang pumasok at sumamba sa templo.”

Brother at Sister Webb, maaari bang magbahagi rin kayo ng inyong mga ideya tungkol sa paksang ito matapos mapakinggan ang nakarekord na mga tanong na ito?

CANADA EDMONTON—TANONG 1

Elder Soares, ang tanong ko po ay, Paano ako maaaring maghandang pumunta sa templo sa unang pagkakataon at tumanggap ng aking endowment?

CANADA EDMONTON—TANONG 2

Elder Soares, paano ko po malalaman kung handa na akong tumanggap ng aking mga endowment?

CHILE CONCEPCIÓN—TANONG 2

Hello po, Elder Soares. May tanong po ako. Paano ko po magagawang mas makabuluhan at mas mahalagang bahagi ng buhay ko ang pagdalo sa templo?

Brother Chad H Webb: Napakaganda at napakahalaga ng tanong na iyan.

Ang una kong imumungkahi ay espirituwal na maghanda. Matutong makinig sa tinig ng Panginoon at tumugon sa mga pahiwatig. Sikaping mamuhay nang malinis ang moralidad at iwasan ang mga bagay na maglilimita sa Espiritu sa buhay mo. Kung nagkamali ka, magsisi at maging karapat-dapat na makapunta sa bahay ng Panginoon. Ano man ang napagdaanan mo sa buhay, angkop sa iyo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa Kanya, maaari kang maging karapat-dapat. Tutulungan ka Niya.

Sister Kristi Webb: Ang isa ko pang mungkahi ay pag-usapan ninyo ng pinagkakatiwalaan mong mga kapamilya, lider, o kaibigan ang templo. Ang templo ay sagrado, ngunit hindi lahat ng tungkol doon ay kumpidensyal, at maaari nating higit na pag-usapan ang templo kaysa sa ginagawa natin kung minsan. At sa palagay ko makakatulong iyan kapwa bago at matapos kang dumalo sa unang pagkakataon. Magandang magtanong; diyan tayo natututo, kaya magtanong ka sa mga taong pinagkakatiwalaan mo, na nagmamahal sa templo at itinuturing itong sagrado. Higit sa lahat, magtanong sa Panginoon. Pagtatanong ang pinakamainam na paraan na matuturuan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag. At kapag mas madalas kang dumalo sa templo, mas madalas ka Niyang tuturuan.

Brother Webb: Ang huling mungkahi ko ay mag-aral. Pag-aralan ang lahat ng kaya mong pag-aralan tungkol sa templo. Ang isang magandang lugar para magawa iyan ay sa ChurchofJesusChist.org/temples, kung saan malalaman mo ang iba pa tungkol sa endowment, temple garment, at lalo na ang bawat isa sa mga tipan na gagawin mo sa templo. Malaking tulong ang site na iyon.

Bilang bahagi ng iyong pag-aaral, pag-aralan ang lahat ng kaya mong pag-aralan tungkol sa simbolismo ng templo. Para sa akin, ang isa sa pinakamaiinam na paraan para makapaghandang maunawaan ang templo ay ang mag-aral tungkol sa sinaunang tabernakulo na inilarawan sa Lumang Tipan. Iba ang mga simbolo sa mga makabagong templo kaysa noong mga unang panahon, ngunit lubhang magkatulad ang mga alituntunin at layunin at matutulungan tayong maghanda para sa sarili nating karanasan sa templo.

Yaong mga pumasok sa sinaunang tabernakulo ay lumapit muna sa isang altar, kung saan sila nag-alay ng mga sakripisyong kahalintulad ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Hinugasan sila sa maliit na palanggana at pinahiran ng langis at binigyan ng sagradong kasuotan. May tolda rin sa tabernakulo na tinatawag na Banal na Lugar kung saan nila inilagay ang menorah, na sagisag ng pamumuhay sa patnubay ng Espiritu o ng liwanag ng Diyos. Ang hapag ng tinapay at alak, na mga simbolo rin ng sakramento. Mayroon ding altar ng insenso roon, na kumakatawan sa panalangin. Ang huling bahagi ng tabernakulo ay ang Kabanal-banalang Dako, na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Ang mataas na saserdote lang ang maaaring dumaan sa tabing at pumasok sa Kabanal-banalang Dako, at isang araw lang iyon sa isang taon, sa araw ng Pagbabayad-sala. Ang patyo sa labas ang kumatawan sa kahariang telestiyal; sa Banal na Lugar, sa kahariang terestiyal, at sa Kabanal-banalang Dako, sa kahariang selestiyal. Ang pag-usad sa tabernakulo ay nagturo sa sinaunang Israel tungkol sa paglalakbay nila sa mortalidad, na ang huling hangarin ay makapasok sa presensya ng Diyos.

Sa iniisip kong isa sa mga pinakadakilang simbolo sa kasaysayan ng mundo, nang ipako sa krus si Jesus, nagkaroon ng lindol at nahati sa gitna ang tabing ng templo ni Herodes, ang simbolo na ngayong natapos na ang Pagbabayad-sala, lahat ay may oportunidad na makapasok sa kahariang selestiyal, o sa presensya ng Diyos.

Maging ang mga kulay ng tabernakulo—bughaw, lila, pula, at puti—ay maaaring may simbolikong kahulugan. Ang bughaw ay madalas ipalagay na kumakatawan sa langit, ang lila ang sinaunang simbolo ng pagkamaharlika, ang pula ay nagpapaalala sa atin ng dugo ni Jesucristo, at ang puti ay madalas gamiting simbolo ng kadalisayan. Pinagsama-sama sa mga kurtina ng tabernakulo at mga kasuotan ng mga saserdote, maibabaling ng mga ito ang ating isipan sa ideya na pinadadalisay tayo ng dugong maharlika ng langit.

Kaya nga tayo nagpupunta sa templo—para malaman kung paano magamit ang buong kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo sa ating buhay. Nalalaman natin na sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa sa templo, at sa pamamagitan ng Tagapagligtas, makapaghahanda tayong bumalik sa presensya ng Diyos, na malinis at dalisay. Sa templo, natututo tayo tungkol kina Adan at Eva at kung paano sila pinalayas mula sa presensya ng Diyos at paano sila naghandang bumalik sa Kanya. Sa kuwento tungkol sa kanila, nalalaman natin kung paano tayo makapaghahanda para sa magandang araw na iyon. Sabi ni Pangulong David O. McKay, ang templo “ang paisa-isang hakbang patungo sa walang-hanggang Presensya. Kung masisilayan lang ito ng ating mga kabataan, ito ang magiging pinakamakapangyarihang espirituwal na pangganyak sa buhay nila.”

Kaya kapag nagpunta kayo sa templo, hanapin si Jesucristo at hanapin kung ano ang natututuhan ninyo tungkol sa paghahandang makabalik sa presensya ng Ama sa Langit, at magkakaroon kayo ng magandang karanasan.

Sister Webb: Maaari ko bang sagutin ang tanong na “Paano ko po malalaman kung handa na akong tumanggap ng aking mga endowment?”

Sa kung anong dahilan, naisip ko ang propetang si Abraham sa tanong na ito. May panahon sa buhay ni Abraham na nakadama siya ng inspiradong hangaring magkaroon ng higit na espirituwal na liwanag at kaalaman. Ginusto niyang magkaroon ng mas malapit na kaugnayan sa Diyos at mas mapaglingkuran Siya. Sa Abraham 1:2 ang sabi niya: “At, nalalamang may higit na kaligayahan at kapayapaan at katiwasayan para sa akin, aking hinangad ang mga pagpapala ng mga ama.” Inilarawan ni Abraham ang kanyang sarili na “isang [alagad] ng kabutihan, naghahangad din na maging isang tao na nagtataglay ng maraming kaalaman, at maging isang higit na dakilang [alagad] ng kabutihan, at magtaglay ng higit na kaalaman … at naghahangad na makatanggap ng mga tagubilin, at masunod ang mga [utos] ng Diyos.”

Ito ang nadama ko nang simulan kong isiping magpunta sa templo para tanggapin ang aking endowment. Lubos ko nang ipinamumuhay ang ebanghelyo. Marami akong natututuhan mula sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan; at lumalago ako at masayang naglilingkod sa aking ward. Ngunit nakadama ako ng matinding kagustuhang malaman ang iba pa tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano para sa akin. Higit pa ito sa pag-uusisa; nakadama ako ng matinding kagustuhang malaman kung paano mas mapalapit sa Diyos at maging mas matatag na disipulo ni Jesucristo. Talagang ginusto kong hayaang higit na manaig ang Diyos sa buhay ko. Napansin ng malalapit kong kaibigan at ng bishop ko na handa na akong gumawa ng mga tipan sa templo at tinulungan akong maghandang tanggapin ang sarili kong endowment.

Elder Soares: Magaling. Maraming salamat sa magagandang komento ninyo, Brother at Sister Webb. Mahal kong mga kaibigan, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang indibiduwal na pagkamarapat [na pumasok] sa [bahay] ng Panginoon ay nangangailangan ng maraming indibiduwal na espirituwal na paghahanda. … Ang indibiduwal na pagkamarapat ay humihiling ng lubos na pagbabago ng isip at puso upang maging mas katulad ng Panginoon, … maging mas mabuting halimbawa, at maging mas banal na tao.” Kaya nga, kung matwid tayong magtutuon sa paghahanda nating pumasok sa templo, mababago natin ang ating karanasan sa templo, na babaguhin ang ating buhay sa labas ng templo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Exodo 29:4–9.

  2. Truman G. Madsen, “House of Glory” (Brigham Young University ten-stake fireside address, Mar. 5, 1972), 7.

  3. Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 121–22.

Print