Pagsunod sa Plano ng Diyos para sa Atin
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Pebrero 18, 2024
Elder Ulisses Soares: Ang susunod nating paksa ay “pagsunod sa plano ng Diyos para sa akin.”
Matapos makinig sa inyong mga tanong, gusto kong anyayahan si Brother Webb na ibahagi ang kanyang mga iniisip tungkol sa paksang ito. Ayos lang ba?
PHILIPPINES CEBU—TANONG 8
Elder Soares, may tanong po ako. Kailan n’yo personal na nalaman na ang Diyos ay nasa mga detalye ng inyong buhay?
BRAZIL—TANONG 3
Elder Soares, paano ko malalaman na namumuhay ako ayon sa mga inaasahan ng Ama sa Langit sa akin at na sang-ayon Siya sa mga ginagawa kong pasiya?
Brother Chad H Webb: Una ko talagang nadama iyan nang matanggap ko ang patriarchal blessing ko. Tinulungan ako ng Espiritu na malaman na kilala ako ng Panginoon at nais Niya akong tulungan sa lahat ng aspekto ng buhay ko. Mula noon, maraming beses ko nang nakita at nadama iyan. Noong missionary ako, nakita ko ang Kanyang impluwensya sa buhay ko at sa buhay ng napakaraming tao rito sa Mexico. Bago ako nagmisyon, napakamahiyain ko at takot akong makipag-usap sa mga tao. Noong nasa misyon ako, pinagpala ako ng Panginoon sa kamangha-manghang mga paraan, at binago ako talaga nito habambuhay.
Pero ang paborito kong halimbawa ay kung paano Niya ako tinulungang makilala si Kristi. Bago kami nagkakilala, nag-aplay ako sa trabahong talagang gusto ko. Lungkot na lungkot ako nang hindi ako matanggap at naalala ko na umusal ako ng walang-utang-na-loob na dasal, na sinasabi sa Panginoon na hindi iyon makatarungan. Nagkamali ako sa pag-iisip na dahil sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo, dapat Niyang ibigay sa akin ang gusto ko. Ilang linggo kalaunan may nangyaring himala, at nakakuha ako ng ibang trabaho. Nakilala ko si Kristi dahil sa trabahong iyon. Mahabang kuwento ito, pero ang totoo ay kung umayon ang mga bagay-bagay sa gusto ko sa unang trabaho, hindi ko sana siya nakilala. Iniisip ko kung ano kaya ang naisip ng Ama sa Langit sa walang-utang-na-loob na dasal ko. Malamang ay parang ganito, “Puwede bang magtiyaga ka? May plano Ako. May laan Akong higit na maganda para sa iyo kung magtitiwala ka lang sa Akin.” Tuwang-tuwa ako na Siya ang namahala sa buhay ko at hindi ako. Nalaman ko na kasali Siya sa mga detalye ng ating buhay at na mas marami Siyang magagawa sa buhay natin kaysa magagawa natin kung wala Siya. Hindi ko maisip ang magiging buhay ko kung wala si Kristi. Tuwang-tuwa ako na mas alam Niya kaysa sa akin kung ano talaga ang kailangan ko. Ang natutuhan ko ay na maaari tayong magtiwala sa Kanya nang buong puso.
Elder Soares: Salamat sa napakagandang itinuro mo, Brother Webb. Mahal kong mga kaibigan, tunay ngang may plano ang Diyos para sa atin. Ang Kanyang plano ay buhay na walang hanggan. Pinatototohanan ko sa inyo na kapag ginagamit natin ang ating kalayaan at gumagawa ng mabubuting desisyon, matutukoy natin kung gaano kahusay natin sinusunod ang plano ng Diyos para sa atin.