Pagtitiis sa mga Pagsubok
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Pebrero 18, 2024
Elder Ulisses Soares: Magaling. Salamat. Tingnan natin ngayon ang mga tanong na may kinalaman sa “pagtitiis sa mga pagsubok.”
GHANA—TANONG 7
Elder Soares, gusto ko pong malaman kung bakit palaging mahirap manampalataya sa mahihirap na panahon.
CHILE CONCEPCIÓN—TANONG 8
Hello po, Elder Soares. Ito po ang tanong ko: Paano ninyo tutulungan ang isang tao na labis na nagdusa sa buhay niya na para bang hindi pa niya natatanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo?
SPAIN BILBAO—TANONG 2
Elder Soares, mayroon tayong karapat-dapat na mga kabataan sa Simbahan na nagmisyon at patuloy na naglilingkod sa Simbahan at komunidad. Pero kahit naglilingkod sila, hindi nila natanggap ang mga ipinangakong pagpapala. Ano po ang masasabi ninyo sa mga kabataang iyon na hindi naging mapalad ang buhay sa lupa na tulad ng ipinangako sa kanila?
Elder Soares: Maraming salamat sa magagandang tanong na ito. Ang isang karaniwang maling pagkaunawa ng marami sa atin ay na kung magsisikap tayo nang buong lakas na sundin ang kalooban ng Panginoon, na namumuhay nang matwid, walang masamang mangyayari sa atin. Nang tanggapin natin ang plano ng ating Ama sa Langit bago ang mortalidad, alam nating daranas tayo ng kagalakan at ng mga hamon at pagsubok sa landas ng ating buhay. Ang pagdaan sa kung minsa’y mahihirap na sitwasyong ito ay bahagi ng ating pagkatuto upang maging marapat na makabalik sa ating Ama sa Langit. Kaya ang totoo ay na mahaharap tayo sa mga paghihirap sa ating buhay gaano man tayo kabuti. Sa kabilang dako, ang mga bunga ng mabubuting gawa ay tiyak na darating pero kung minsa’y hindi agad-agad. Ang mga pagpapalang ito ay maaaring dumating sa panahong naiiba sa gusto natin at ayon sa kalooban ng Ama na nakakaalam, sa Kanyang talino at karunungan, kung ano ang kailangan natin at ang pinakamainam para sa atin sa buhay na ito.
Kaya ang isa sa mga pinakamahalaga na magagawa natin kapag naharap tayo sa hirap sa mortal na buhay ay ibaling ang ating puso at tiwala sa Tagapagligtas. Kapag ginawa natin ito, hindi lang tayo makasusumpong ng ginhawang hangad natin kundi magtatamo rin ng ibayong pananampalataya at patotoo sa katotohanan ng Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Si Cristo ay dumanas ng lahat ng uri ng pasakit, hirap, at tukso upang Siya ay mapuspos ng awa at malaman Niya kung paano tayo tutulungan ayon sa ating mga kahinaan. Mapaghihilom ng Tagapagligtas, nang higit kaninuman, ang mga epekto ng anumang mahirap na sitwasyon sa mortalidad. Sa ilang pagkakataon, maaaring hindi tayo kaagad pisikal na gumaling sa ating karamdaman, pero maaari tayong espirituwal na gumaling kapag tumanggap tayo ng lakas, pang-unawa, at tiyaga na dalhin ang mga pasaning nakaatang sa atin. Kaya kapag ibinaling natin ang ating puso sa Tagapagligtas, gagawa Siya ng mga himala sa ating buhay.
Isa pang puntong pag-iisipan ay na maaari nating ituring ang ating mga pagsubok at hamon na mga oportunidad na lumago sa halip na mabigatan tayo sa mga ito. Tinitiyak ko sa inyo, mga kaibigan ko, na ang pagkilos sa ganitong paraan ay magbibigay sa atin ng mga oportunidad na ipakita sa Panginoon at sa ating sarili na kaya at gagawin natin ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa atin—at mas mapapalapit tayo sa mga bagay na mahalaga sa kawalang-hanggan sa kabila ng ating sitwasyon. Alam Niya na magagawa natin ang mahihirap na bagay! Bibigyan Niya tayo ng malakas na kapangyarihan.
Ayon sa turo ni Elder Orson F. Whitney, isa sa mga Apostol ng Pagpapanumbalik: “Anumang sakit o pagsubok na ating pinagdaraanan ay hindi nasasayang. Ito ay nagdaragdag sa ating pagkatuto, nagpapalakas ng ating mga katangian tulad ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan, at pagpapakumbaba, … [at] kung matiyaga natin itong pagtitiisan, ito ay magpapalakas ng ating pagkatao, magpapadalisay sa ating puso, magpapalawak ng ating kaluluwa, at magpapalambot ng ating puso at lalo tayong magiging mapagmahal sa kapwa, maging higit na karapat-dapat na matawag na mga anak ng Diyos. … Sa kalungkutan at pagdurusa, sa pagpapakasakit at hirap, natatamo natin ang pagkatutong layon natin sa mundo.”
Mga kaibigan ko, ang pagkakaroon ng tiyaga ay nakakatulong sa atin na tingnan ang buhay sa walang-hanggang pananaw, at nagpapagaling sa ating kaluluwa. Sa pagkatuto sa ating sariling karanasan, nagtatamo tayo ng pakikiramay at habag para sa iba at maaari natin silang suportahan sa mga sandali ng kanilang paghihirap.
Mahal, gusto mo bang magkomento sa mahalagang bagay na ito?
Sister Rosana Soares: Oo, mahal ko. May mga taong iba-iba ang reaksyon sa parehong mga hamon o pagdurusa.
Iniisip ng ilan sa kanila na dinadalisay sila sa mga kamay ng ating Pinakadakilang Lumikha, na ating Diyos. Iniisip naman ng iba na nakalimutan na sila ng Panginoon at lagi silang nagtatanong ng “Bakit?” sa harap ng mga sitwasyong ito. Ang iba ay kumikilos nang may tiyaga at pananampalataya kay Jesucristo at nakikita at tinatanggap nila ang kalooban ng Panginoon na tulungan sila upang espirituwal na mapaghilom ang kanilang kaluluwa. Narito tayo sa lupa para matuto at lumago. Unti-unti, makikita natin ang mga bunga ng ating pagsisikap; kailangan lang nating magpatuloy at magtiyaga. Hindi ito naging madali kailanman, kaya nga mayroon tayong Tagapagligtas na si Jesucristo!
Elder Soares: Salamat, mahal. Napakagandang komento.
Ang ilan sa ating mga hamon ay bunga ng mga kalagayan ng mortalidad, at hindi magpapatuloy sa kabilang buhay. Maaaring hindi natin lubos na maunawaan ngayon ang lahat ng dahilan ng ating mga hamon o ang mga oportunidad na ibibigay ng mga ito sa atin para lumago. Habang matiyaga tayong nagtitiis nang matwid, maaaring maghayag sa atin ang Panginoon ng higit na pagkaunawa tungkol sa ating mga pagsubok at sa layunin ng mga ito sa ating buhay.