Mga Debosyonal noong 2024
Pagtutuon ng Ating Buhay kay Jesucristo


Pagtutuon ng Ating Buhay kay Jesucristo

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Pebrero 18, 2024

Elder Ulisses Soares: Lahat ng magandang tanong na natalakay natin ngayong gabi ay humahantong sa pinakamahalagang paksang dinala ninyo sa amin para sa ating debosyonal na: “pagtutuon ng ating buhay kay Jesucristo.”

Pasuyo nga ng mga video.

BOLIVIA LA PAZ—TANONG 3

Elder Soares, may tanong po ako. Sa isang napakagulong mundo, paano po tayo magkakaroon ng higit na tiwala sa Tagapagligtas at mas mababanaag sa atin ang liwanag ni Jesucristo sa mundong ito?

MEXICO CITY #1—TANONG 4

Elder Soares, paano po ako mapapalapit sa kapangyarihan ng Diyos at, dahil dito ay mas bubuti ang buhay ko at matutulungan ko ang iba?

PHILIPPINES CEBU—TANONG 9

Elder Soares, Paano po natin malalaman ang pagkakaiba ng pagnanais na maging perpekto at ng paanyaya ni Cristo na maging perpektong tulad Niya?

Elder Soares: Maraming salamat sa ipinahayag ninyong matwid na hangaring sundin ang Tagapagligtas sa mga tanong na ito. Kailangan ninyong malaman na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nakatayo sa mga bagong simula ng ating buhay, na nakaunat ang Kanyang maawaing bisig at handa, kusa, at kaya tayong yakapin ng Kanyang pagmamahal. Hangad Niyang maging katulad Niya tayo, na mag-isip at kumilos na tulad Niya, dahil alam Niya na iyon ang paraan para magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil dito, lagi tayong inaanyayahan ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at sundin Siya nang buong puso. Isipin ang paanyayang ito na nakatala sa mga banal na kasulatan:

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Kapag tinatanggap natin ang paanyayang ito, tinutupad ng Tagapagligtas ang Kanyang mga pambihirang pangako, pati ang paglakad sa Kanyang liwanag at pagtanggap ng personal na patnubay sa ating buhay.

Sa pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas, kailangan nating iayon ang ating isipan at mga hangarin sa Kanya. Para maisakatuparan ang pagsisikap na ito, kailangan tayong magpunyaging matuto pa tungkol sa Kanya, patuloy na mamuhay nang naaayon sa Kanyang ebanghelyo, at araw-araw na masigasig na magtuon sa lahat ng mabuti.

Sa mga pagsisikap nating iayon ang ating buhay sa Tagapagligtas, maaari tayong malito sa ibig sabihin ng maging perpekto kay Cristo at ng pagnanais na maging perpekto. Mahal, maaari ka bang magbahagi ng ideya tungkol dito?

Sister Rosana Soares: Oo. Gusto kong ulitin ang itinuro ni Elder Vern Stanfill ng Pitumpu tungkol sa bagay na ito. Sabi niya, kailangan nating tandaan na ang pagnanais na maging perpekto ay hindi kapareho ng pagiging perpekto kay Cristo. Ang pagnanais na maging perpekto ay nangangailangan ng imposibleng pamantayang nagpapahirap sa sarili na nagkukumpara sa atin sa iba. Nagiging sanhi ito ng pagkakonsiyensya at pagkabalisa at pinagnanais na lumayo at ihiwalay ang ating sarili.

Iba naman ang maging perpekto kay Cristo. Ito ang proseso—sa magiliw na paggabay ng Espiritu Santo—ng pagiging lalong katulad ng Tagapagligtas. Ang mga pamantayan ay itinakda ng mabait na Ama sa Langit na nakakaalam ng lahat at malinaw na nakasaad sa mga tipan na inaanyayahan tayong tanggapin at ipamuhay. Kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya, agad nating natatanto na ang pinakamabuting nagawa natin ay sapat na at na pupunan ng biyaya ng mapagmahal na Tagapagligtas ang mga pagkukulang sa mga paraang hindi natin aakalain.

Elder Soares: Mga kaibigan ko, ang pagsunod sa huwarang ito, walang duda, ay unti-unti at habambuhay na proseso at kailangan ng higit pa sa paniniwala. Pero kapag tinanggap natin ito, daranas tayo ng kagalakan, kapayapaan, at espirituwal na paglago, at maaaring maging bahagi ng ating pagkatao ang mga katangian ng Tagapagligtas, at maaaring maukit ang Kanyang larawan sa ating mukha.

Nakita ko mismo kung paano nagbibigay ng lakas ang pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas para madaig ang mga paghihirap, kahinaan, at pasakit sa buhay, na napakahirap tiisin nang wala ang Kanyang tulong at nagpapagaling na kapangyarihan. May kaibigan ako na may malubhang karamdaman, at malamang na pangit ang kalabasan nito. Hindi nababahala ang kaibigang ito sa bagay na ito. Hangad lang niyang malaman kung naging matapang at magiting siya sa kanyang patotoo sa Tagapagligtas na si Jesucristo sa kanyang buhay. Malinaw sa akin na naituon ng kaibigang ito ang kanyang buhay sa Tagapagligtas at nadama niya ang Kanyang mga nakaunat na bisig na nakayakap sa kanya, lalo na sa gayon kahirap na panahon.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kailangan [dito ang] kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng … mga salita [ng Tagapagligtas], Kanyang mga turo, [at] Kanyang mga katotohanan.” Wala nang higit na makapag-aanyaya sa Espiritu kaysa sa pagtutuon ng ating tingin kay Jesucristo.

Mahal kong mga kaibigan, palagay ko malapit nang matapos ang ating napakagandang pagsasama. Bago ko ibigay ang aking pangwakas na mensahe, gusto kong anyayahan ang ating minamahal na sina Brother at Sister Webb, at ang mahal kong asawa na magbahagi ng maikling patotoo. Magagawa ba ninyo iyan? Salamat.

Sister Kristi Webb: Mga kapatid, mahal ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagbago ang buhay ko nang maunawaan ko ang Kanyang perpektong pagmamahal sa akin. Binago Niya ako. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Pinatototohanan ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Pinatototohanan ko na inialay Niya ang Kanyang buhay para tubusin tayo. Ang Kanyang halimbawa ng pagpapakumbaba, pagsunod, at pagmamahal ang inspirasyon ko sa araw-araw. Tinuturuan Niya ako kung paano magtiwala at maglingkod sa aking Ama sa Langit. Siya ang aking liwanag, aking lakas, at aking pag-asa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Brother Chad H Webb: Malaking pribilehiyo para sa amin na makasama kayo at sina Elder at Sister Soares ngayong gabi. Nais kong idagdag ang aking patotoo tungkol sa calling ni Elder Soares bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo. Alam ko rin na si Pangulong Nelson ang propeta ng Panginoon sa lupa ngayon. Idinaragdag ko rin ang aking patotoo na mahal kayo ng Ama sa Langit. Mayroon Siyang perpektong plano ng kaligayahan na iligtas at dakilain ang Kanyang mga anak. Si Jesucristo ang sentro ng perpektong planong iyon at ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Siya ang ating perpektong halimbawa. Siya ang buhay na Cristo. Siya ay Diyos ng paglaya. Maaari tayong magtiwala sa Kanya nang buong puso. Labis ang pasasalamat ko na miyembro ako ng Kanyang Simbahan at sa lahat ng pagpapalang nasa atin dahil sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Sister Rosanna Soares: Mahal kong mga kaibigan, labis ang pasasalamat ko sa isang Diyos na may malasakit sa mga detalye ng ating buhay. Alam Niya ang kailangan natin, at may mga sagot siya sa ating mga tanong. Kailangan lang nating magtanong! Kapag ipinapakita natin ang ating tiyaga, pasasalamat, at pananampalataya sa Kanya sa taimtim na panalangin, lagi Siyang nariyan, handang tulungan tayo. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kahit hindi natin Siya nararamdaman, lagi Siyang nariyan.

At ang nagbibigay sa akin ng pinakamalaking pag-asa ay ang pagkaalam na mayroon tayong Tagapagligtas na namumuno sa Kanyang Simbahan dito sa lupa sa pamamagitan ni Pangulong Nelson at ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

Print