Mga Debosyonal noong 2024
Huling Patotoo


Huling Patotoo

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Pebrero 18, 2024

Amen. Salamat, mahal ko. Mahal kong mga kaibigang young adult mula sa iba’t ibang panig ng mundo, gusto kong patotohanan na ang kapayapaan sa buhay na ito ay na kay Jesucristo lamang at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pinatototohanan ko na ang pagtitiwala natin sa Kanya ay magpapalakas sa atin upang patuloy na sumulong sa buhay, sa kabila ng mga sitwasyon natin. Mangyaring tandaan palagi na ang paglapit sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng matibay na pag-asa at naglalaan ng matibay na angkla sa ating kaluluwa, na nagbibigay ng patuloy na kapayapaan ng kalooban at santuwaryo sa magulo at pabagu-bagong mundo.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang Kanyang mga bisig ay nakaunat at handang yakapin tayo nang buong pagmamahal, kahit, at lalo na, kapag para tayong naliligaw, pinabayaan, at iniwang mag-isa. Ang sagradong puwang sa pagitan ng mga kamay ng Tagapagligtas ang mismong sukat at hugis ng ating pusong nasaktan, hirap na buhay, sugatang kaluluwa, at pagod na isipan—na ginawa at nakasukat sa bawat isa sa atin. Lalo pang nakaunat ang Kanyang kamay para yakapin tayo nang walang-hanggan at buong pagmamahal. Pinatototohanan kong nariyan Siya palagi, matiyagang naghihintay sa atin, handang lumakad na kasama natin, lalo na kapag tayo ay napapagod at nais na gumaan ang ating mga pasanin. Inaanyayahan ko kayong masigasig na lumapit sa ating Tagapagligtas, hanapin Siya sa inyong buhay, at damhin ang tindi ng Kanyang pagmamahal sa inyo. Sa paggawa nito, mapupuno ninyo ng Kanyang liwanag ang inyong buhay at lalakad na kasama Niya.

Ipinapangako ko sa inyo sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na kung hindi kayo lalayo sa Kanyang nakaunat at mapagmahal na mga bisig, ang inyong kaluluwa ay mapupuspos ng kaganapan hanggang sa kaibuturan ng inyong kaluluwa. Ipinapangako ko na kapag masigasig ninyong hinanap ang Tagapagligtas, ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan ay pupunuin ang inyong kaluluwa ng Kanyang kapayapaan, liwanag, pag-unawa, tapang, kagalakan, at pagmamahal.

Taimtim kong ipinapahayag na buhay si Jesucristo at ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay ibinibigay sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa lupa sa huling dispensasyong ito bilang paghahanda sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ipinahahayag ko rin na ang Diyos ay buhay at mahal tayo at ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang tulungan tayo na magkaroon ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan. Hinahangaan ko kayo. Iginagalang namin kayo, at mahal namin kayong lahat. At sinasabi ko ang mga bagay na ito sa banal na pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, amen.

Print