2021
Mga Saligang Kaytibay
Marso 2021


“Mga Saligang Kaytibay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan Mar. 2021, 14–15.

Mga Saligang Kaytibay

Isang Pader na Aakyatin

mga kabataang babae na inaakyat ang pader

Mga paglalarawan ni Alyssa Petersen

Dalawampung dalagita ang katabi kong nakatayo, nakatitig sa isang kahoy at halos 5 metrong taas na pader. Ang hamon sa amin ay tulungan ang bawat babae na makarating sa ibabaw. Para sa marami sa mga dalagita, ito ang kanilang unang beses sa Young Women camp. Kami ng mga mas matatandang dalagita ay mga lider ng mga kabataan, ngunit hindi pa kami nakibahagi noon sa isang aktibidad na tulad nito. May kasabikan kaming lahat na nakinig sa mga tuntunin.

Bawat dalagita ay kailangang makaakyat sa pader. Kapag may nakagawa nito, maaari siyang tumayo sa isang platform at tumulong na hilahin paakyat ang iba. Gayunman, kung nahawakan niya ang lupa, hindi na siya papayagang tumulong iangat ang mga natitirang dalagita.

Nahirapan kami noong una, ngunit hindi naglaon ay nagsama-sama kami para magtulungan at magsimulang hilahin pataas ang mga dalagita. Ang ilan ay takot na iangat nang mataas sa kabila ng mga proteksyong para sa kaligtasan. Ang iba naman ay kinakabahang gamitin ang sarili nilang lakas para maabot ang tuktok. Kinailangan dito na pag-ibayuhin namin ang aming tiwala at suporta sa isa’t isa. Sa huli, matagumpay naming natapos ang hamon.

Habang bumababa na ang mga huling dalagita, nagtipon kami para talakayin ang maraming aral mula sa aktibidad sa pader.

Lahat tayo ay may mga bagay na hinaharap na tila imposibleng daigin. Gayunman, hindi tayo nag-iisa. Ang mga tao ay nakapaligid sa atin para tumulong sa pag-angat at makapagbigay ng suporta. Nariyan ang Ama sa Langit at si Jesucristo para tumulong at magbigay ng lakas kapag lumalapit tayo sa Kanila.

Megan B., Ohio, USA

“Nangako Akong Darating Ako”

mga kabataang lalaki

Noon pa man ay gusto ko nang ibahagi ang ebanghelyo sa iba, ngunit sa loob ng maraming taon ay hindi ako nagtagumpay. Hanggang sa maging kaibigan ko ang isang batang nagngangalang Tiago. Malapit lang ang bahay namin sa isa’t isa, kaya magkasama kaming naglalakad pauwi mula sa paaralan sa bawat araw.

Isang araw, ibang ruta pauwi ang binagtas namin at dinaanan ang chapel kung saan ako nagsisimba. Binanggit ko sa kanya na matagal na akong miyembro ng Simbahan. Sinabi ko sa kanya ang pinaniniwalaan natin at kung gaano karami ang pagpapala ng aking pamilya. Inimbitahan ko si Tiago sa simbahan nang Linggong iyon, at sinabi niyang pupunta siya.

Dumating ang araw ng Linggo, at sabik ko siyang hinintay sa simbahan, pero hindi siya dumating. Nang sumunod na linggo, inimbitahan ko siyang muli. Nangyari ito sa loob ng dalawa o tatlong buwan, ngunit lagi siyang may dahilan kung bakit hindi siya pumupunta. Pero hindi ako tumigil sa pag-imbita sa kanya.

Isang Linggo ng umaga, nasa sacrament meeting ako at nakita ko si Tiago na nakatayo roon. Nagulat akong makita siya, ngunit lumapit siya at umupo sa tabi ko at sinabing, “Nangako akong pupunta ako!”

Ipinakilala ko siya sa mga missionary, at sinimulan nila siyang turuan. Kalaunan, nabinyagan siya. Ngayon ay kapwa kami naghahandang magmisyon. Napakasaya ko na hindi ako sumuko sa kanya!

Meiry R., Brazil

Magtiwala sa Takdang Panahon ng Diyos

Nang maging diborsyada ang tiya ko, ang panganay niyang anak pa lamang ang nabinyagan. Upang mapanatili ang payapang ugnayan sa ama ng kanyang mga anak, gusto niyang hingin ang pahintulot ng kanyang dating asawa para mabinyagan ang iba pa nilang mga anak. Sa kasamaang-palad, hindi siya nagbigay ng pahintulot sa loob ng maraming taon.

Sa wakas ay nagpasiya ang tiya ko na gusto niyang mabinyagan ang mga bata sa kabila ng pagtutol ng kanilang tatay. Ngunit matapos mag-ayuno at magdasal ang tiya at mga pinsan ko tungkol sa desisyon, lahat ay nakatanggap ng pahiwatig na dapat silang maghintay pa.

Nang linggo ring iyon, sinabi ng tunay na ama ng mga pinsan ko kay tiya na gusto niyang makipagkita ang mga bata sa mga missionary at magpabinyag. Naaalala ko pa ang galak na nadama ko nang sabihin sa akin ng inay ko ang balita. Alam ko na pinagpala ng Ama sa Langit ang mga pinsan ko pagkaraan ng maraming taon ng matiyagang paghihintay.

Maaaring hindi natin laging alam kung kailan sasagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin, ngunit alam ko na lagi Niyang gagawin ito. Hindi ko alam kung bakit nais ng Ama sa Langit na maghintay ang mga pinsan ko na magpabinyag, ngunit alam ko na binasbasan Niya sila dahil sa kanilang katapatan.

Bre J., Florida, USA